Truyen3h.Co

Blind Love (To Be Published)

Simula

heartlessnostalgia

REVISED EDITION [2026]

.ೃ࿔ ✈︎ *:·

Simula
Her Blind Love

"ACESO, she was the goddess of curing sickness and healing wounds." Saglit akong napatigil habang nagbabasa at napaisip.

Aceso, apelyido ko 'yon! Goddess pala 'yon? Bakit ngayon ko lang 'to nalaman?

She personifies the process of healing itself, the journey of recovery rather than the cure alone.

I think it's beautiful.

"Fleureah! Nagbabasa ka na namang bata ka! Mamaya na iyan at tulungan mo ako! Napakaraming bisita!" Mabilis kong ibinaba ang libro sa may counter at inayos ang suot ko pagkatayo.

"Opo, 'Nay!" Tumakbo ako palabas ng kusina at hinagilap si Nanay pero nang walang bakas niya ay nangunot ang noo ko at dumeretso sa hall habang inaayos ang ponytail ko.

Nasaan na ba iyon?

Tumulong kasi ako ngayon sa mansyon na pinagtatrabahuhan ng Nanay ko dahil may malaking party na nagaganap.

"Cheers!" Mula sa puwesto ko ay umangat ang tingin ko sa stage habang may nagsasalita.

"For a more fruitful year to Sandejas Mining Corporation!" Nakangiting sabi ni Iñigo Sandejas, iyong panganay na anak ng mga amo ni Nanay.

Sa pagkakaalam ko ay abogado iyan at marami silang negosyo! Tapos ngayon may minahan sila?

Kilala ang mga Sandejas sa Sta. Monica. Lalo na ang mga magulang nilang sina Sir Ejercito at Ma'am Leona Sandejas.

Pinakatitigan ko ang tatlong magkakapatid sa gitna ng stage. Ang isa naman, sa pagkakaalam ko ay si Zeijan na palaging nakangisi at mukhang pilyo, pangalawang anak.

Lumipat ang tingin ko sa lalaki sa may kanan at kaagad na nangunot ang noo ko, ito ang pangatlo sa magkakapatid pero ngayon ko lang ito nakita.

May seryosong mukha ito, itim na buhok, ang panga nito ay prominenteng nakahubog, at maging ang ilong nito ay napakatangos. Ang mga asul niyang mga mata ay nagsusumigaw ng lamig at sa bawat pagtaas ng sulok ng labi niya ay umawang ang labi ko.

Bakit ang gwapo niya? Para siyang iyong nababasa ko sa mga pocketbook na bidang mga lalaki! Makisig, matangkad, matipuno, at mayaman!

Tumawa siya habang nakikipag-usap sa mga kapatid niya at nakita ko ang pagsayaw ng ilaw sa mga mata niya. Nakagat ko ang labi at lumapit pa lalo sa may mga bisita nang pasimple para silayan ang mukha niya.

Ayon nga sa mga nababasa ko, he looks so sinfully handsome, 'yong tipong siya 'yong forbidden fruit pero gusto mong tikman?

Napangiwi ako sa naisip at mahinang tinampal ang pisngi ko.

Baliw ka na, Reah! Masyado mong dinibdib ang mga love story na binabasa mo!

Narinig ko ng kaunti ang bulungan ng mga babaeng bisita sa isang lamesa malapit sa akin, mukhang pinag-uusapan nila ang magkakapatid habang kinikilig. Sabagay, sino bang hindi magkakagusto sa tatlong 'yan?

Perfect package na! Gwapo, macho, at pak, may datung pa!

Muli ay ibinalik ko ang tingin sa nakaitim na suit at bowtie na pangatlong kapatid nila na nakangiti habang nakikinig sa speech ng Kuya niya. Humalukipkip ako at pinagsawa ang sarili ko sa kakatitig sa kanya.

Hayaan ko muna si Nanay, minsan lang ako magka-crush dito sa may amin kaya susulitin ko na! Tiyak kasing babalik na sa Maynila itong mga 'to!

Gumalaw ang kanina ko pa tinititigan at umikot ang mata niya. Natigilan ako at nanigas nang magsalubong ang mga mata namin. Naramdaman kong parang may kumiliti tiyan ko at pumilantik ang puso ko.

Ilang segundo ang titigan namin at halos mapatalon ako sa gulat nang biglang may dumapong kamay sa braso ko.

"Hoy! Reah! Hinahanap ka ng Nanay mo!" sabi ni Krista sa akin.

"Huh? Ano?" Bumalik ang tingin ko sa stage at nakita kong nakatingin pa rin sa akin iyong lalaki.

"Reah!" sigaw ni Krista.

"Huh?" Nilingon ko siya.

"Nanay mo, beast mode na!"

Pero nilingon kong muli ang stage at napuno ng panghihinayang ang puso ko nang hindi na siya nakatingin.

Sayang! Ito kasing si Krista!

"Fleureah Kaia Aceso!"

"Ay, oh! Ito na!" natataranta kong sabi. "Nasaan si Nanay?"

"Nasa kusina! Punyeta naman 'to, kailangan pang bigkasin 'yong tongue twister niyang pangalan bago lumingon!" Simangot niya kaya napatawa ako at hinawakan ang braso niya.

"Punta na tayo kay Nanay! Iligtas mo ako, huh?" hirit ko.

"Gaga dinamay mo pa ako!" badtrip niyang sabi at binatukan ako.

"Aray! Ang hard mo namang kaibigan!" reklamo ko at bago pa man ako makapasok ng kusina ay muli akong sumulyap sa stage at umawang ang labi ko nang matantong nakatingin na naman siya.

Kumalabog ng mas malakas ang puso ko, at sa huling pagkakataon ay nasilayan ko ang magagandang kulay asul nitong mga mata.

–.ೃ࿔ ✈︎ *:・

"ANO na lang ang mapapala mo sa kakabasa ng ganiyan, Reah! Ang hilig mo sa mga Greek-Greek na 'yan!" sita sa akin ni Krista nang makita akong nagbabasa na naman ng libro tungkol sa mga diyos.

"Kasi nga, 'di ba, gusto kong maging teacher sa literature!" sabi ko sa kanya at hinawi ang buhok ko na tumabon sa mukha ko dahil sa malakas na hangin.

"Oo na, gusto mong mag-teacher, pero 'di ka pa nga umuusad sa kolehiyo. Tumigil ka noong second year ka, e, 'di sana graduate ka na ngayon."

"Kaya nga kumakayod ako, e, gusto kong ipagpatuloy ang pag-aaral ko. At saka para na rin mas matulungan ko sina Nanay at mga kapatid ko," sagot ko naman bago inilapag sa may batuhan ang libro ko at nagtanggal ng tsinelas para maglakad sa dalampasigan.

"Mabuti ka pa at naisip mong ipagpatuloy ang pag-aaral mo, ako wala na sa isip ko 'yan. Ang gusto ko lang ay ang makabingwit ng sugar daddy para may datung. 'Yong isang ubo na lang para deretso na sa 'kin ang kayamanan!" Napatawa ako sa sinabi ng kaibigan ko at binatukan siya.

"Gaga! Saan ka naman bibingwit no'n?"

"Dito! Maraming 'kano rito kaya mabilis lang 'yan at saka kekembutan ko lang mga 'yan, bibigay na 'yan!" tawa niya. "Ikaw, bakit ayaw mo? Pakitaan mo lang sila ng dyoga mo maaakit na 'yan!"

Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya at mabilis na pinagkrus ang kamay ko sa dibdib ko.

"Gaga ka! Dinamay mo pa ako!"

"Bakit? Ayaw mo gamitin 'yang hinaharap mo? May future 'yan, bes!" humagalpak siya.

"Krista!" sigaw ko at hinabol siya para sabunutan ang buhok niya.

"Arte! At least ikaw meron! Kahit papano, kumpara naman sa 'kin na pang-kiddie size!"

Nailing na lang ako, natatawa sa mga sinasabi niya.

"Kababae mong tao, bastos ka!" Ngumiwi ako sa kanya at niyakap ang libro ko.

"Oh, my God, my innocent friend! Wala kang mapapala sa kainosentehan mo! Mag-jowa ka na kasi! Si Adrian, 'yong manliligaw mo! Sagutin mo na!" udyok niya.

Umiling ako.

"Ayokong mag-boyfriend, igugugol ko na lang 'yong oras ko magtrabaho para may pang-aral ako," sagot ko at isang pamatay na irap ang sagot niya sa akin.

Pagkabalik namin ng mansyon ng mga Sandejas ay napuno ng tanong ang utak ko nang napansing nagpa-panic ang mga kasambahay para maglinis ng bahay. Pinapalitan nila ang mga cover sa sofa at naglilinis ng paligid.

"Aling Sela, ano'ng nangyayari?" tanong ko.

"Naku, Hija, dadating ang mga boss ngayon! Kaya nagkakagulo mag-ayos!"

"Po?"

"Iyong pamilyang Sandejas! Dito raw kasi titira 'yong isang anak!" sabi niya kaya natigilan ako.

Sinong anak?

Biglang naalala ko ang pangyayari higit ilang buwan na ang nakararaan, kung paano kami magkatitigan noong ikatlong anak! Pupunta kaya siya rito?

Siya kaya iyon?

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko! Para akong nae-excite na natatae na 'di ko maintindihan!

Bumaling ang tingin ko sa isang malaking portrait ng pamilyang Sandejas at nang makita ang mukha ng lalaking umagaw sa atensyon ko ay masayang napangiti ako.

"Aling Sela! Ako na magpapagpag sa mga kwarto!" masayang sambit ko bago tumakbo paakyat.

Kinagabihan ay kabang-kaba at masayang nag-aantay ako. Ang mga maids ay nag-aabang at nakahilera sa daanan, miski ang mga driver, hardinero at guards ay naroon din para magbantay. Si Nanay na siyang mayordoma ay nakatayo rin at nag-iikot para utusan ang mga kasambahay ng mga dapat gawin.

Ako nama'y nanatiling nakatayo sa may gilid para hindi mahalata dahil gusto ko talagang masilayan ang Sandejas na kumuha ng pansin ko.

Moments passed at kaagad na kumabog ang dibdib ko nang ianunsyo ng guard ang tungkol sa pagdating ng mga Sandejas. Sumilip ako at isang mahabang kulay puting sasakyan ang pumarada at lumabas ang isang bodyguard.

"Magandang gabi po!" Sabay-sabay na sabi ng mga tauhan at namangha ako nang makitang sabay-sabay silang nag-bow sa mga ito.

Nauna sa paglalakad papasok ang pinuno ng pamilya habang tinutulak ang asawa na naka-wheelchair.

Nakakatuwa lang isipin dahil noon ay paralyzed at hindi nagsasalita si Mrs. Sandejas pero ngayon ay kahit papano'y kaya na niya.

Mas kumabog ang dibdib ko nang muling bumati ang mga tauhan at mula sa puwesto ko ay kitang-kita ko ang panganay na anak na si Iñigo katabi ang kapatid na si Zeijan. Natigil ako saglit at kaagad na may hinanap ang mata ko.

"Magandang gabi po, Sir Dash." They greeted in unison.

Nanlaki ang mata ko at mabilis na lumapit pa pero ganoon na lang ang pagkakapako ng paa ko mula sa pagkakatayo nang makita ang kasama at itinutulak ni Iñigo papasok.

Ang ikatlong anak, si Dash, ang lalaking nakaagaw ng pansin ko ay nakaupo sa isang wheelchair na itinutulak ng kapatid niya. Napasapo ako sa bibig nang makita ang puting benda na nakatakip sa mga mata niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co