Truyen3h.Co

LOVE WITHOUT BOUNDARIES

CHAPTER 30

maxinejiji


CHAPTER 30

NILINGON KO si Bree nang magising ako kinabukasan. Gano'n na lang ang lungkot ko nang makitang malinis na ang kama at wala siya. Hindi naman na 'yon ang unang beses na gumising ako nang wala siya pero gano'n ang pakiramdam. Ibinaling ko ang paningin at tinanaw ang kaulapan mula sa bintana. Ang bigat ng pakiramdam, parang may nakadagan sa akin, gayong nagising lang naman akong wala na sa kwarto ang kapatid ko. Siguro nga ay ganito ang nakokonsensya, nabibigyan ng kahulugan ang mga kilos nang nagawan mo ng kasalanan na dati ay normal at nababalewala mo lang.

"Magandang umaga po, 'nay," bati ko nang madatnan ko siya sa kusina at nagsasalin ng mainit na tubig mula sa takure. "Umalis po si Bree?" maging ang alinlangan ay nahimigan ko sa sariling tinig.

Doon pa lang ako nilingon ni nanay, bumuntong-hininga siya saka pilit na ngumiti. "Nagpaalam siyang may practice ng sayaw."

Tumango ako. "Gano'n po ba?" kunyari ay naniniwala ako.

Para kaming naglolokohan ni nanay. Gano'n ang tanong ko, ganito ang kaniyang sagot pero pareho naman naming alam ang totoo. Kahapon ang huling araw ng practice ni Bree, may isang linggo siyang bakasyon bago magsimula ang pasukan.

Akala ko ay makokontento ako sa gano'ng usapan namin ni nanay, na masasakyan ko ang pagpapanggap naming normal na araw lang ito. Pero hindi pa man nagtatagal ay iniisip ko na kung saan kaya posibleng nagpunta ang kapatid ko.

Pinuntahan ko ang alaga kong aso at tulalang nakipaglaro sa kaniya. Pinakain ko siya at pinainom kaya kahit papaano ay nalibang ako. Pero nang makatulog siya sa mga hita ko ay naglayag na naman kung saan-saan ang isip ko.

"Nagkausap na kayo ni Bree?" mayamaya ay tanong ni nanay. Ipinagtimpla niya ako ng gatas at nilatagan ng pandesal.

Hindi ko nagawang salubungin agad ang tingin niya, nahihiya ako kay nanay. "Opo, 'nay."

Bumuntong-hininga si nanay, alam kong gusto niyang malaman kung ano'ng napag-usapan namin ni Bree. Pero hindi gano'n si nanay, hindi niya uusisain ang bagay na alam niyang hindi pa ako handang sabihin. Alam niyang magsasabi ako kapag kaya ko na.

Paano kayang daraan ang araw na 'to? Ang araw na ito lang kaya ang mabigat o maging ang susunod pa? Sana nga ay ngayon lang. Kasi hindi ko alam kung makakaya ko, nag-aalala ako sa magiging relasyon namin ni Bree kung magtatagal ito.

Madilim na ay hindi pa rin dumarating si Bree. Kakatwang natapos kaming maghapunan nang hindi siya hinahanap nina nanay at tatay. Sa unang pagkakataon naman ay hindi ako nagtanong. Para bang pare-pareho na naming alam ang sagot. Ang kaibahan lang, mukhang alam nila kung saan naroon si Bree, ako ay walang ideya. Kung naroon marahil si Kuya Kev ay nagtanong na siya.

"Pasensya na po, ginabi ako, 'nay," napalingon ako sa pinto nang marinig ko ang boses ni Bree mula sa labas ng kwarto. "Dumeretso kami sa party ng ka-member ko."

"Bree," tinig ni nanay, dali-dali akong kumilos. "Mukhang naparami ang inom mo. Hindi maganda 'yan."

Natigil ako sa paghila sa doorknob at napatitig sa kamay kong marahang binibitiwan 'yon. Sinadya kong iwang bukas at nakaawang ang pinto dahil gusto kong marinig ang pagdating ni Bree. Maingat akong bumalik sa kama at maiiyak nang nahiga. 'Ayun na naman ang pagtatanong ko kung bakit uminom si Bree gayong alam ko na ang sagot.

"Ngayon lang naman po, 'nay, eh," pagdadahilan ni Bree.

"Oo, ngayon ka lang umuwing lasing. Tingnan mo't susuray-suray ka."

Tumawa si Bree. "'Buti nga po ay sinundo ako ni Rhumzell,"tumawa uli siya. "Gano'n po siguro kapag nagkakaintindihan, 'no, 'nay?"

"Kumain ka na ba?" malayo ang tugon ni nanay.

"Kumain po kami sa lomihan ni Rhum," tumawa na naman si Bree, lasing ngang talaga. "Kung si Maxrill kaya 'yon, 'nay, susunduin ako?"

Lalong pumatak ang luha ko. Nagtalukbong ako ng kumot upang hindi niya madatnang umiiyak.

"Pero sigurado akong sasamahan akong kumain sa lomihan ni Maxrill, matakaw 'yon, eh!" dagdag pa ni Bree, tumatawa na naman. "Hindi ko nga lang sure kung susunduin niya ako, hahaha!"

"Kukuhanan muna kita ng maiinom."

"Beer ba 'yan, 'nay?" kapagkuwa'y biro ni Bree.

"Ikaw bata ka, tubig ang kukunin ko."

"Pangsabon, 'nay, hard 'yong ininom namin."

Hindi ko inaasahang tatawa si nanay. "Banlaw ang tawag sa gano'n, hindi sabon."

Tumawa rin si Bree. "Gano'n ba, 'nay? Now I know."

"Gusto mo ng kape?"

"Sige po, 'nay." Sandaling natahimik ang pagitan nila, tahimik na kumanta si Bree, wala akong naintindihang lyrics.

"Heto, uminom ka muna ng tubig." 'Ayun na uli ang boses ni nanay. "Kumusta ang party ng ka-member mo?"

"Masaya po, maraming pagkain," tumawa si Bree. "Sa grupo namin, kami 'yong pinaka-close no'n ni Daniella, 'nay," patungkol niya marahil sa kaibigang nag-party. "Nakakatuwa 'yong pamilya nila, 'nay, welcome na welcome kami sa bahay nila. Inasikaso kami ng parents niya na para talagang bisita."

"'Buti ay pinayagan kayong uminom ng alak? 'Wag mong mamasamain pero napakababata ninyo para sa ganitong klase ng pagsasaya, Bree."

"Ang sabi nina tito at tita ay ngayong birthday party lang naman ni Daniella, 'nay. Saka basta naroon lang kami sa bahay nila. Saka nasa mahabang mesa kami, 'nay, magkahiwalay ang babae at lalaki. Nakakatuwa, 'di ba, 'nay?"

"Mabuti kung gano'n," masayang tugon ni nanay.

"Nakakatuwa ang pamilya nila Daniella, 'nay, close silang lahat. Lalo na silang magkakapatid, 'sabagay, puro babae sila."

Hindi nakasagot si nanay, patuloy naman sa pagkukwento si Bree tungkol sa bahay ng kaniyang kaibigan. Maging ang mga magulang at kapatid nito ay nagawa niyang ikwento.

"Nag-iyakan sila no'ng bigayan na ng regalo, 'buti na lang may naibigay ako kay Daniella kahit panyo. Kung hindi ay ako lang siguro ang walang bitbit, nakakahiya." Humalakhak mul isi Bree."Silang magkakapatid ay magkakalayo ng edad pero magkakasundo sila at masaya. Nag-videoke kami, nagbibigayan sila, 'nay," patuloy pa ni Bree. "Walang agawan."

Natigilan ako at napatitig sa kamay ko sa mga huling salita ni Bree. Iyong kaibigan naman niya ang kaniyang tinutukoy pero ako ang tinamaan, gayong wala naman 'yon sa kaniyang intensyon.

"Hindi ka pa ba inaantok?" 'yon ang tugon ni nanay. "Maligo ka bago ka mahiga, Bree."

"Pwede po ba akong matulog sa tabi ninyo, 'nay?" Muli akong natigilan sa tanong ni Bree, nag-unahang tumulo ang mga luha ko.

"Aba, eh...pwede naman," mukhang maging si nanay ay natigilan.

"Doon na lang po muna ako sa tabi ninyo, 'nay..." nawalang bigla ang sigla sa tinig ni Bree. "Doon na lang din po ako maliligo. Kumuha ako ng damit sa sampayan." Muli siyang humalakhak.

"Bree..." nag-aalinlangan ang tinig ni nanay, parang may gustong sabihin.

"Maliligo na po ako, 'nay," pero pinangunahan na siya ni Bree.

Bumaluktot ako upang yakapin ang tuhod ko, saka ako doon umiyak nang umiyak. Ayaw akong makasama ni Bree sa kwarto. Hindi na siguro siya komportableng makasama ako. Dahil hindi gaya ng kapatid ng kaibigan niya, ako 'yong mang-aagaw na matutukoy sa kwento niya.

Hindi ko na lalo alam kung ano na ang mangyayari sa relasyon namin ni Bree. Ano kaya ang gagawin ko? Gusto ko siyang kausapin pero bukod sa kulang ang lakas ng loob ko, iniisip ko kung handa na ba siya para ro'n? Bukas na ba siyang pag-usapan uli ang tungkol sa amin? Kung hindi madali ang nangyayari para sa 'kin, paniguradong ganoon din sa kaniya, o baka nga higit pa. Kailangan kong bigyan ng panahon si Bree, hindi maaaring sarili ko lang ang isipin ko.

Pero paano ko matatagalan ang ganitong pakiramdam? Ang bigat-bigat at wala akong magawa para mapagaan.

"Good morning, Ate Dainty," nagulat ako nang batiin ako ni Bree kinabukasan.

Matagal akong napatitig saka excited na lumapit. "Good morning, Bree!" sa sobrang tuwa ay nangilid pa ang luha ko. Kung ano-anong naisip ko kagabi, iniyakan ko pa ang mga narinig ko. Pero heto at ang ganda ng ngiti sa akin ng kapatid ko.

"Doon ako natulog sa tabi ni nanay, nakainom kasi ako kagabi. Nagpunta ako sa party ng ka-member ko."

Napangiti ako at pinigilang tuluyan na maiyak. "Okay lang, Bree. Nag-enjoy ka ba?"

"Oo, ate," ngiti niya saka tinapos ang pagsasalin ng tubig sa pitsel at ipinasok sa ref.

Hindi ko napigilang humanga kay Bree. Mas bata siya sa 'kin pero ako itong sobra kung mag-isip. Ang layo ng kaibahan namin.

Naglakas-loob akong lumapit sa kaniya upang magtimpla ng gatas. "May gagawin ka ba ngayon, Bree?" pakiramdam ko ay bumabara ang boses ko sa aking lalamunan, kinakabahan ako. "M-Magpapasama sana ako sa 'yo sa bookstore."

"Sige, ate!" masiglang tugon niya saka pa lang lumingon sa akin. "Bibili ka na ng gamit mo?"

"Oo."

"Sige, sasamahan kita," ngiti niya saka nangunang maupo.

Tumalikod ako sa gawi niya at hinalo ang aking gatas. Napangiti ako dahil ramdam ko ang sinseridad niya. Masaya ako dahil maayos niya akong pinakikitunguhan. Pero bakit mabigat pa rin ang pakiramdam? Ganito ba talaga kapag ikaw ang nakagawa ng mali?

"May plano ka bang magpatayo nang sarili mong clinic kapag nakatapos ka, Ate Dainty?" tanong ni Bree habang naghahanap kami ng mga kakailanganin ko sa panibagong pasukan.

Napaisip ako sa tanong niya. "Oo, Bree," nangangarap kong sagot.

Nagliwanag ang mukha niya. "Excited ako para sa 'yo, ate!" tila kinikiliti niya pang sabi.

Napatitig ako sa kapatid ko. 'Ayun na naman 'yong mabigat na pakiramdam. Napakabait mo sa 'kin, Bree... Hindi ko naitago ang lungkot sa mukha ko kaya agad din akong nag-iwas. Ayaw kong makita niya akong nakokonsensya kahit na dapat ko naman talaga itong maramdaman.

"Kumain muna tayo, Bree, meryenda," nakangiting anyaya ko.

Napatitig siya sa 'kin at ngumuso. "Sa bahay na lang, Ate Dainty!"tumawa siya. "Ipunin mo na lang ang pera mo para sa pagpapatayo mo ng veterinary clinic. Ilibre mo na lang ako kapag yumaman na tayo."

Napatitig ako sa kaniya, she's so pure and kind-hearted. Sa kabila ng ginawa ko, pangarap ko pa rin ang iniisip niya. Sinamahan niya ako at tinulungang mamili ng gagamitin sa pasukan. Nandoon pa rin 'yong ugali niya na pumipili ng mga damit na kahit hindi namin afford ay sinasabi niyang bagay sa 'kin. Wala yatang sandali nang magkasama kami sa mall hanggang sa makauwi na kinalas niya ang pagkakahawak sa braso ko. Gano'n siya ka-sweet.

Lalo tuloy naghahalo ang nararamdaman ko. Nakakatawa na noong una ay inaasahan kong magagalit siya kaya hinihiling kong sana ay hindi mauwi sa gano'n ang kanyang reaksyon. Ngayong nangyari naman ang hiling ko, pakiramdam ko ay hindi normal ang gano'ng reaksyon niya. Kung kailan nagkatotoo ang hiling ko, saka ako humiling nang panibago. Mas gusto ko yatang magalit siya. Pakiramdam ko kasi, mas malalaman ko ang nararamdaman niya. Hindi ganitong lalo lang akong nag-aalala, na baka sa sobrang pagmamahal niya sa 'kin bilang kapatid ay siya naman ang nasasaktan ko nang sobra-sobra. Na kahit anong maramdaman niya ay sitwasyon ko ang mahalaga para sa kaniya.

"Nakauwi na po kami ni Ate Dainty, 'nay," sabi ni Bree nang makapasok kami sa bahay. Malayo na 'yon sa normal niyang sigla at naiintindihan ko kung bakit. Hindi ko lang maiwasang malungkot dahil alam kong dahil 'yon sa 'kin.

Lumabas si nanay mula sa kusina at ngumiti sa amin. Sumulyap si nanay sa center table kaya lumingon din ako ro'n. Natigilan ako sa isang bungkos ng puting rosas, may kaliitang kahon at basket ng prutas. Nakagat ko ang labi at muling nasulyapan si nanay.

Maxrill...

Nagbaba ako ng tingin nang makita si Bree na sulyapan din ang center table. Lumapit siya at tinunghayan ang mga 'yon. "Para sa 'yo 'to, Ate Dainty." Kahit anong tago ni Bree, lumabas sa tinig niya ang lungkot.

Hindi ako nakasagot. Muli kong sinulyapan si nanay nang hindi ko alam ang gagawin, kung lalapitan ang bulaklak, kahon at prutas o yayayain na lang si Bree sa kusina.

"Dinaan ni Maxpein ang mga 'yan dito," mahinang ani nanay. "Pinabibigay raw niyong bunso sa iyo," nasa akin ang paningin niya.

Napalingon ako kay Bree nang nakangiti niya akong sulyapan. "Ang sweet ng boyfriend mo, ate."

"Ano..." napahakbang ako papalapit sa kaniya. "Hindi ko siya boyfriend, Bree." Hindi ko alam kung kailangan ko bang sabihin 'yon. May kung ano sa 'king gustong sabihin ang totoo sa kaniya na para bang mababago no'n ang sakit na nararamdaman niya.

"Maliligo na muna ako, Ate Dainty, sabay tayong kumain, ha?"paalam niya at saka deretsong pumasok sa kwarto namin.

Nagkatinginan kami ni nanay saka ko malungkot na nilingon ang mga binigay ni Maxrill. Napangiti ako nang may umalon sa dibdib ko matapos kunin ang maliit na kahon at makitang cake 'yon. Kulay pink iyon at hugis puso, may nakapalibot na strawberries sa ibabaw ng icing at isang malaki sa gitna.

Nakagat ko ang labi para mapigilan ang ngiti nang pasadahan ng tingin ang mga prutas. Kinuha ko ang bouquet ng flowers at kahit anong lungkot ko ay napangiti pa rin ako.

Distance can stop me from kissing you but the longer the wait, the harder the kiss. Next time I'm not gonna leave those lips unkissed.

Only yours,

Maxrill Won

Humigpit ang pagkakahawak ko sa bouquet at bago ko pa napigilan ang sarili ay inamoy ko na 'yon nang nakangiti. Hindi ko inaasahang makakatanggap ng kahit ano mula sa kaniya lalo na ngayong nasa malayo siya. Isa pa, wala naman kaming relasyon. Maski nga ang opisyal na ligawan ay wala kami.

Nakangiting lumapit sa 'kin si nanay. "Napaka-sweet ni Maxrill Won," halos ibulong niya.

Emosyonal ko siyang nilingon. "Ang saya ko po, 'nay," bulong ko ring tugon.

Lalong ngumiti si nanay at hinaplos ang buhok ko. "Hayaan mo't magiging maayos din ang lahat."

Napabuntong-hininga ako saka muling pinasadahan ng ngiti ang mga bulaklak. Hindi mahinto ang paningin ko katitingin isa-isa ro'n gayong pare-pareho lang naman ang amoy at itsura no'n. Maingat ang pagkakahawak ko na para bang babasagin naman 'yon. Maging ang cake at prutas parang ayaw kong mabawasan. Kung pwede lang ay baka habang-buhay ko na lang 'yong titigan.

Panay ang sulyap ko sa cake at prutas habang naghahanda ng mesa. Hindi talaga mawala ang ngiti ko, gano'n din ang alon sa dibdib ko pero humihina at lumalakas 'yon nang paulit-ulit. Ang isip ko ay puno ng tungkol kay Maxrill. Kailan niya kaya binili ang mga 'yon? Paano niya naisip na bilhan ako? Bakit niya ako binigyan ng mga ito? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Ako na nga kaya ang kaniyang gusto?

Nawala lang ang paningin ko ro'n nang lumabas at maupo si Bree, kasunod niya sina nanay at tatay.

"Kain na po," anyaya ko, hindi alintana ang malawak na pagkakangiti.

Nalusaw lang ang ngiti ko nang makita ang masamang tingin ni tatay sa mga binigay ni Maxrill Won. Nang mag-iwas naman ako ay dumapo ang paningin ko kay Bree na nakangiti man ay halatang iniiwasan ang cake at prutas.

"Nakauwi na po ako," anunsyo ni Kuya Kev, sabay-sabay namin siyang nilingon.

"Kuya," ako agad ang tumakbo pasalubong sa kaniya.

"Hindi ka talaga nag-iingat, Dainty," nakamot ni kuya ang noo. "Baka madulas ka."

Napangiti ako. "Kakain na, kuya."

"Ikaw ang nagluto?"

Umiling ako. "Umalis kami ni Bree, namili ng gamit."

Dumeretso sa lababo si Kuya Kev at naghugas ng kamay. Hinintay namin siyang makaupo saka kami sabay-sabay na dumulog sa mesa.

"Sinong may birthday?" natatawang tanong ni Kuya Kev.

"Bigay ni Maxrill kay Ate Dainty ang mga 'yan," si Bree ang sumagot.

Nagugulat akong nilingon ni Kuya, sandali siyang tumitig sa 'kin pero hindi ko magawang tagalan. Itinuon ko ang paningin sa aking pagkain pero nakita ko nang tingnan niya si Bree. Nang mag-angat ako ng tingin ay naro'n na ang nagtatanong na tingin ni Kuya Kev kay nanay.

"Kumain na kayo," utos ni tatay sabay buntong-hininga.

'Ayun na naman ang konsensya ko, hinahabol ako matapos kong makaramdam ng saya dahil sa mga pasalubong ni Maxrill Won. Alam kong nagtaka si kuya kung ano ang meron sa 'min ni Maxrill Won gayong alam din naming lahat na may gusto rito si Bree.

"Buksan natin 'yong TV." Tumayo bigla si Bree at lumapit doon. Pakiramdam ko ay sinabi niya lang 'yon para maiwasan ang tingin ni Kuya Kev. "Tagal ko nang hindi nakapanood ng TV kasi parati akong ginagabi ng uwi kapa-practice. Nakakapagod nang kumanta at sumayaw."

Hindi ko alam kung bakit kinabahan ako sa sinabi ni Bree. Alam ko kung gaano niya kamahal ang pagkanta at pagsayaw para sabihin 'yon. Hindi ko maiwasang isipin na may kinalaman ako para makaramdam siya nang gano'n.

"Si Ate Kimeniah, oh?" sabi pa ni Bree nang makabalik sa mesa at naroon lang sa TV ang paningin.

Pinuri nang pinuri ni Bree si Ate Kimeniah, panay naman ang sang-ayon ni nanay sa kaniya. Tahimik lang kami ni tatay habang si kuya naman ay hindi na yata naalis ang paningin sa TV. Dati ay balewala lang sa 'kin sa t'wing maririnig si Bree na maraming alam tungkol sa pamilyang Moon at kaibigan ng mga ito. Ngayon ay may inggit sa puso ko.

Napagkuwentuhan nila ni nanay kung ilang beses silang nakadalo sa kaarawan ni Ate Kimeniah. Imbitado ang buo naming pamilya pero silang tatlo nina nanay at Kuya Kev lang ang madalas makapunta. Hindi lang 'yon dahil marami pang kabarkada si Ate Maxpein na dinadaluhan nina nanay, Bree at Kuya Kev ang kaarawan o handaan. Tanging kami lang ni tatay ang hindi nakakasama sa mga 'yon.

Bakit kaya gano'n ang pakiramdam? Ako ang binigyan ng pasalubong ni Maxrill Won pero si Bree ang masayang nagkukwento. Napakaraming nangyari sa amin ni Maxrill Won sa Palawan pero imbes na maging masaya ay nakokonsensya ako?

Nagsimula ang pasukan nang ganoon ang pakiramdam ko. Isip nang isip kay Maxrill Won pero makokonsensya sa t'wing makakaharap si Bree Anabelle. Sa unang araw pa lang ng klase ay sinikap ko nang ituon ang buong atensyon sa pag-aaral. Wala dapat akong ibang isipin kung hindi ang kinabukasan ko. Ginugulo ng nararamdaman ko ang buong sistema ko.

"Para po!" anunsyo ni Bree sa driver nang nandoon na kami sa bukana ng BIS. "'Lika na, ate!" Kinuha niya binder ko at siya ang nagbitbit. "Manong, sandali lang po!" Saka niya kinuha ang kamay ko at inakay ako pababa ng jeep.

"Bakit dito tayo bumaba, Bree?" tanong ko. Nandoon kami sa likod ng BIS. Parking lot 'yon ng may mga sasakyang BIS students. Nandoon din ang BIS Hospital at coffee shop. Meron na ring iba't ibang maliliit na food chain doon.

"Kasi may gate ang tertiary dito, ate!" natatawang aniya.

"Alam ko," natawa rin ako.

Oo nga at malapit ang gawing 'yon sa tertiary building pero ang main entrance naman ay hindi rin gano'n kalayo. Bagaman sa secondary campus papasok, sa isang liko lang sa kanan ay matutunton na ang bukana ng tertiary campus sa main gate.

Nagkagulatan kami ni Rhumzell nang magkasalubong sa mismong gate. Kasama niya ang mga barkada niya at pare-pareho silang naka-jersey uniform. Sandali siyang sumulyap kay Bree saka ngumiti sa 'kin.

"Hi, Rhumzell!" si Bree ang unang bumati pero ang paningin ni Rhumzell ay napako na sa akin.

"Hi, Dainty," bati niya. Pinagtulakan siya ng mga barkada niya at tinukso.

"Hello, Rhumzell," nakangiti ring bati ko pero hindi ko naiwasang mailang.

"Good morning," hindi niya inaalis ang tingin sa mukha kaya gano'n na lang lalo ang hiya ko. Pinagtulakan ulit siya ng mga barkada kaya binulungan niyang huminto ang mga ito.

"Good morning din, Rhumzell. Papasok na kami," paalam ko.

"It's nice to see you."

Natigilan ako sa pagderetso papasok. "Ikaw rin," minsan pa uli akong ngumiti. Sinulyapan ko ang mga barkada niya saka naunang dumeretso.

"Dainty," pagtawag uli ni Rhumzell.

Napabuntong-hininga ako saka nakangiting lumingon. "Bakit?"

"Can I pick you up later?" tanong niya habang kamot ang ulo. "We still have a practice, maybe we can...go out for dinner?" namula siya sa hiya.

Napalingon ako kay Bree. "Ano..."

"Papasok na ako, ate," bigla ay paalam ni Bree. Hindi ko alam ang gagawin nang maiwan ako sa harap nina Rhumzell at barkada niya. Sinundan ko ng tingin ang kapatid kong dere-deretso nang naglakad patungo sa secondary campus.

"So...?" naghihintay si Rhumzell ng sagot ko.

"Pumayag ka na, Dainty," panunuhol ng kabarkada ni Rhumzell dahilan para ma-pressure ako sa isasagot.

"Please?" nanunuyong dagdag ni Rhumzell.

Napilitan akong ngumiti. "Next time na lang, Rhumzell," kabado kong sagot. Nakita kong tumamlay ang mukha niya pero pinalitan agad ng ngiti. "Hindi kasi ako nakapagpaalam kina nanay," mahinang dagdag ko.

Lumiwanag uli ang mukha ni Rhumzell. "How about tomorrrow? I'll pick you up and let your parents know we'll have dinner together."

Umawang ang labi ko. Paano ba 'to? Napabuntong-hininga ako, humigpit ang hawak sa binder. "Rhumzell," hindi ko talaga alam kung paanong magdadahilan.

"Guys, wait for me," ani Rhumzell sa kaniyang barkada at naglakad papalapit sa 'kin. "Hatid na kita sa room mo?"

Lalo akong hindi nakasagot. Paano ko siyang tatanggihan? "'Wag na, Rhumzell," pabulong kong sagot. Sinulyapan ko ang mga kaibigan niya, nakatingin pa rin ang mga ito sa 'min at nanunukso.

"I was waiting for you, please?" mahinang pakiusap ni Rhumzell.

Sinulyapan ko uli ang barkada niya, parang hinihintay ng mga ito ang gagawin namin kaya sa huli, nauna na akong tumalikod at hinayaan si Rhumzell na ihatid ako sa tertiary building.

"Nabanggit sa 'kin ni Bree na mag-aaral ka ng vet?" ani Rhumzell, halatang binabagalan niyang maglakad.

Nakangiti akong nag-angat ng tingin. "Oo."

"Kumusta pala ang trip mo sa Palawan?"

Sinakop na naman ng alaala ni Maxrill Won ang isip ko. "Masaya."Siya na lang yata talaga ang magbibigay ng dahilan para makangiti ako nang natural. "Sobrang ganda ng lugar."

"Nasa Japan ngayon si Maxrill Won," balita niya. Napatingala uli ako kay Rhumzell, hindi ko inaasahang alam niya ang tungkol do'n. "Nagmu-move on," humalakhak siya sa huli.

'Ayun na naman ang nakapanlulumong pakiramdam. Nakakapagod ang paulit-ulit na paghahalo ng pakiramdam ko. Na sa t'wing si Bree ang kasama ko, parati akong nakokonsensya. Sa t'wing si nanay naman ang kausap ko, kampante ako pero ramdam ko rin ang lungkot. Masaya na lang ako sa t'wing si Maxrill ang aking iniisip. Pero ngayong narito uli si Rhumzell, kaba ang dulot niya sa 'kin. Hindi ko alam kung paanong kinakaya ng puso ko lahat.

"Saan dito ang room mo?" tanong niya nang naro'n na kami sa harap ng building.

Maraming students na naro'n sa hallway. Gaya ko ay mukhang hinahanap ng mga ito ang kanilang classroom. Pero ang nakaagaw sa pansin namin ang ay kumpulan ng mga babae at si Danice ang nasa gitna ng mga 'yon. Ang lahat ay nakatingin nang may paghanga sa kaniya. Nawala lang yata sa kaniya ang atensyon ng mga 'yon nang mapansin si Rhumzell.

"Rhum!" agad na lumapit si Danice sa gawi namin. Parang na-disappoint pa siya nang makita ko. "Hi, Dainty!"

"Hi, Danice," ngumiti ako.

Kung kanina ay pulos paghanga kay Danice ang mababasa sa mata ng mga estudyanteng naro'n. Karamihan sa kanila ngayon ay nakapako ang paningin sa paanan ko ngayon.

Nagulat ako nang humarang si Rhumzell sa paningin ko at ngumiti sa akin. Dahilan para hindi ko na makita ang mga estudyanteng 'yon na pinagbubulungan ang paa ko.

"Hatid kita sa room mo?" tanong niya.

"Hindi na," mahinang sagot ko. "Ayos lang ako."

"Sweet," sarkasmong bulong ni Danice. "Hindi ka pa rin pala naka-move on kay Dainty?" nang-asar pa siya.

Hindi inalis ni Rhumzell ang paningin sa 'kin. "Susunduin kita later, ihahatid ko kayo ni Bree."

"Rhumzell, ayos lang ako, 'wag ka mag-alala sa 'kin." Sinsero akong ngumiti. Alam ko namang inaalala niya lang 'tong mga estudenteng tulad ni Danice. Pero sanay na ako sa mga gaya niya, hindi ako natatakot o naaapektuhan sa kanila.

"Basta susunduin kita." Si Rhumzell na ang nagdesisyon. "Pinangako ko sa daddy mo na hindi kita pinababayaan at pinagkatiwala ka niya sa 'kin." Tumili ang mga nakarinig sa sinabi niya.

Binalot ng panghihinayang ang puso ko. Si Maxrill Won ang gusto kong marinig na magsabi ng mga 'yon. Siya ang gusto kong magbigay ng kasiguraduhan sa 'kin. Kung si Maxrill Won lang marahil ang kaharap ko, magkakasunod pa akong tumango sa pagpayag.

"Susunduin kita at ihahatid," pag-uulit ni Rhumzell.

"Sige, ikaw ang bahala," tipid akong ngumiti saka tiningnang muli ang hawak kong listahan. "Dito na ang classroom ko," nginitian ko ulit siya.

"See you later," ngiti niya.

"Ingat." Iyon lang at tumuloy na ako papasok.

Pumili ako ng mauupuang silya at saka bumuo ng sariling mundo doon. Akala ko dahil unang klase ay pulos pagpapakilala ang mangyayari gaya ng naunang pasukan ko noon. Pero hindi gano'n ang nangyari sa unang araw ko. Napakarami pa ngang topics sa discussion. Wala mang seatworks, napakarami namang homeworks.

Dahil inaasahan ko nang susunduin nga kami ni Rhumzell. Dumeretso ako sa secondary para puntahan si Bree sa practice hall nila. Malayo pa lang ay naririnig ko na ang tugtog ng drums at gitara. May kumakanta sa mic pero malabo at hindi maintindihan ang tono. Kung hindi ako nagkakamali, boses 'yon ni Bree.

Luminaw ang boses ni Bree sa mic nang tuluyan akong makalapit. Nakangiti akong sumilip sa bintana at saka sikretong pinanood ang practice nila. Nauna kong tiningnan ang nasa drums saka ang nasa gitara. Saka pa lang natuon ang paningin ko sa kapatid kong nakaupo nang pabaliktad sa silya. Ang kamay niya ay nakapatong sa sandalan niyon, nakapatong din sa braso niya ang mukha niya. Idinuduyan niya ang silya habang tulala sa kung saan at malungkot na kumakanta.

Aren't I lovely?

And do you want me?

'Cause I am hungry

For something that will make me real

Can you see me?

And do you love me?

'Cause I am desperately

Searching for something real

Bree... Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay hindi lang 'yon lyrics ng kanta. Parang 'yon na mismo ang nararamdaman niya, naisalin lang sa musika.

"Dainty," nangibabaw ang tinig ni Rhumzell sa tabi ko, malungkot ko siyang nilingon. Nakangiti siya habang bitbit sa kaliwang kamay ang isang paperbag, sa kanan naman ay isang bungkos ng bulaklak.

"Rhumzell," wala pa man ay gusto ko nang tumanggi kung sakaling para sa 'kin ang mga 'yon.

Nilingon ko uli si Bree nang eksaktong huminto si Rhumzell sa harap ko. Ayaw ko siyang bastusin pero mas ayaw kong makita niya ang magiging reaksyon ko.

"Pinabibigay ni Maxrill," mahinang sabi ni Rhumzell, nagugulat akong napalingon sa kaniya.

Lumaylay ang kamay ni Rhumzell nang kunin ko ang mga rosas. Nagugulat pa rin akong nag-angat ng tingin sa kaniya saka tinanggap ang paperbag.

"Sorry I was late. He called and...asked me a favor," nag-iwas siya ng tingin.

Sandali akong napatitig kay Rhumzell. Paano ko makukuhang magsaya? Pakiramdam ko ay lalo lang tatamlay ang istura niya kung mae-excite ako sa mga binigay ni Maxrill Won.

Nahihirapan man ay sinilip ko ang laman ng paperbag at gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang box iyon ng cellphone.

"H-Hindi ko matatanggap 'to," nasabi ko kay Rhumzell na para bang galing sa kaniya 'yon.

"Accept it," matamlay niya pa ring sinabi, pilit ang ngiti. "He's waiting for you to open it so he can call you."

"Ang sweet naman ng boyfriend mo, Ate Dainty," hindi ko inaasahang naroon na si Bree, nagugulat ko rin siyang nilingon.

Naisara ko ang paperbag at nagpalitan ng tingin kina Bree at Rhumzell na noon ay sandaling nagkatinginan at sabay na nag-iwas ng tingin sa 'kin. Habang ako ay nakatayo lang sa kanilang harapan, hindi malaman ang sasabihin, nalulunod sa halo-halong pakiramdam.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co