05
Maingat na inalalayan ni Miguel si Cristina na makababa ito sa kanyang kabayo, kadarating lang nila sa mansyon. Matapos itong himatayin kanina sa ilog ay agad niyang binuhat ang dalaga papunta sa bahay nito. Pinalitan at binihisan ng kanyang ina si Cristina, hindi niya akalain na mayroon pa lang mahihimatay ng dahil lamang sa linta. Kaya naman hindi niya maiwasan ang mapangiti ng maalala yun.
"Anong nginingiti-ngiti mo diyan Miguel?" Tanong ko matapos makababa sa kabayo.
"Wala naman Binibini, may naalala lamang ako na nakakatuwang pangyayari."
Magkasabay sila ni Cristina pumasok sa mansyon, pasado alas singko na pala ng hapon. Malamang ay naghahanda na ang kanyang kusinero para sa kanyang hapunan.
"Kung tungkol ito sa nangyari kanina sa ilog, ay huwag mo ng balakin na ipaalala pa."
"Wala akong sinabi na ganoon aking Cristina."
"Kilala ko ang mga ganyang ngiti mo hambog na Miguel kaya huwag mo ng ikaila pa."
"Mas mainam na magpasalamat ka na lang sa akin dahil tinulungan kita kanina, hindi yung nag-iisip ka ng masama tungkol sa akin."
"At bakit naman? Ayoko ng isipin ang nangyari kanina. Ako'y nahihiya baka akala mo, nawala ang dignidad ko kanina ng mawalan ako ng malay." Nakita ako ni Miguel kanina na halos hubad na, at hindi tama yun! Kung hindi lamg talaga dahil sa linta malamang ay hindi ganito ang aking nararamdaman. "Maaari bang magpahinga muna ako sandali? Pangako bababa din ako mamaya bago maghapunan."
"Ayos lang Cristina, sige na pumanaog ka na sa hagdan. Ipapatawag na lang kita mamaya kay Feliciana." Simula ng mag-umpisa si Cristina na magtrabaho dito sa mansyon ay hinahayaan niya itong makasabay sa kanyang pagkain. At alam niyang pinagtataka ito ng kanyang mga tauhan, sino ba naman ang hindi? Isa siyang mayamang Haciendero pagkatapos ay isang kasambahay ang kasabay niyang kumain. Ngunit balewala sa kanya ang tungkol doon, masarap kumain ng may kasabay hindi yung mag-isa lang siya kakain sa mahaba niyang hapag.
Sinigang na baboy na ramo ang ulam na nakahain sa lamesa, agad tiningnan ni Miguel ang kasamabahay niyang naroon. "Nasaan si Cristina Feliciana?"
"Hindi pa ho bumaba mula kanina ng kayo ay dumating Senyorito, gusto niyo ho bang tawagin ko siya?" Balik tanong ni Feliciana.
"Hindi na, marahil ay nagpapahinga pa din siya. Sige na maghapunan na din kayo nila Mariana, tirhan niyo na lang ng pagkain si Cristina."
"Sige ho Senyorito Miguel, salamat ho."
Matapos maghapunan ay pumanaog na si Miguel papunta sa ikalawang palapag ng mansyon. Siguro nakatulog si Cristina kaya hindi nakababa para sa oras ng hapunan. Hindi na siya nag-abala pang kumatok ng nasa cuarto na siya ng dalaga dahil nakabukas naman ito. At mula sa liwanag na nagmumula sa hawak niyang kandilabra ay nakita niyang nakahiga si Cristina sa higaan nito. "Cristina? Gumising ka na diyan, oras na ng hapunan." Sabi niya kahit walang kasiguraduhan na maririnig siya nito. "Cristina?" Nilapitan pa ni Miguel ang dalaga matapos ipatong ang dala niyang kandila sa lamesa doon. Ngunit ganoon na lang ang kanyang pag-aalala matapos hawakan ang kamay ni Cristina. Mainit ito at marahil ay may lagnat!
Dali-daling tinawag ni Miguel ang kasambahay para dalhan siya ng bimpo at palangganang may tubig. Nilalagnat si Cristina at dahil siguro ito sa labis na takot kanina sa nangyari sa ilog.
"Wala na ho ba kayong ipapag-utos Senyorito? Kung gusto niyo ho ay ako na lang ang magpupunas kay Cristina." Sabi ni Mariana.
"Hindi na, ako ng bahala sa kanya. Kunin mo sa butikin ang gamot na paracetamol. Alam mo kung nasaan ang lalagyanan ko ng mga gamot hindi ba?"
"Oho Senyorito nasa silid aklatan niyo ho." Sagot ni Mariana.
"Basahin mo ang gamot na may nakasulat na paracetamol, kung hindi ako nagkakamali nakalagay yun sa itim na bote. Ipapainom ko kay Cristina ang gamot kapag nagising na siya, at magdala ka na lang din ng pagkain dito."
"Masusunod Senyorito." Agad lumabas si Mariana ng cuarto.
Naging mabilis naman ang kilos ni Miguel, agad niyang binasa ang kulay puting bimpo sa palanggana at pinigaan. Hindi maaari pabayaan ang lagnat, baka makombulsyon si Cristina. Una niyang pinunasan ang noo at mukha ng dalaga, at tulog pa din ito hanggang ngayon. Hanggang sa mapunta ang pagpunas niya sa leeg pati na din sa kamay nito. Hindi niya malaman kung matatawa ba siya o hindi dahil sa nangyari sa dalaga. Ganon ba ito katakot sa linta para lagnatin?
"Hmmnn.." Mahinang ungol ni Cristina, nakaramdam siya na may humahawak sa kanya kaya pilit niyang dinilat ang mga mata. "M-miguel?"
" Buti at nagising ka, nilalagnat ka Binibini, kaya huwag ka munang matulog. Kumain ka muna at uminom ng gamot."
Inalalayan ni Miguel si Cristina na makaupo. Namumula ang mga pisngi nito tanda na mainit talaga ang katawan. Ilang sandali pa ay dumating si Mariana na dala ang gamot na pinakuha niya, maging pagkain at inumin ay may dala na din ito. "Sige na Mariana, makakalabas ka na. Ako ng bahala dito."
Yumuko si Mariana. "Sige ho Senyorito Miguel, tawagin niyo lang ho ako kung may ipag-uutos pa kayo."
"Ano bang ginagawa mo Miguel? Hindi ka na sana nag-abala pang gawin ito." Mahina kong sabi sa kanya ng maiwan kaming dalawa. Kaya ko naman kumain ngunit nagpilit ito na subuan pa ako.
"Nag-aalala ako sa kalagayan mo aking Cristina, hindi ko alam na ganito ang epekto ng nangyari sayo kanina." Pag-amin ni Miguel.
"Pero baka kung ano ang isipin ni Mariana, amo pa din kita at hindi tama na ako ay asikasuhin mo." Sabi ko naman, siguradong magtatanong sa akin si Mariana bukas kung bakit ganito sa akin si Miguel.
"Ako ang bahala, sige na kumain ka na para makainom ka ng gamot."
Wala akong nagawa kung hindi kumain, at pagkatapos nga ay pinainom ako nito ng gamot.
"Magpahinga ka na, babantayan kita ngayong gabi." Sabi ni Miguel bago naupo sa silya na naroon. Binuksan niya ng bahagya ang mga bintana, mukhang kailangan niya ng kausapin ulit ang Gobernadorcillo ukol sa pagpapalagay niya ng kuryente sa mansyon. Mahigit dalawang linggo niya ng pinapaasikaso ang tungkol dito kay Ernesto ngunit hanggang ngayon ay wala pa din.
"Maraming salamat Miguel, hindi ka lang pala hambog. Maaalalahanin ka din."
Napangiti si Miguel sa tinuran ng dalaga, hindi talaga ito natatakot na tawagin siyang hambog. "Matulog ka na at bukas ay sasamahan kita ulit maligo sa ilog." Pang-iinis niya dito.
"Miguel!"
Natatawang kinumutan ni Miguel ang dalaga, napakaingay talaga nito kahit may sakit pa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co