Truyen3h.Co

Lipstick Lullaby

Saskia

RainbowColoredMind

Ang paglubog ng araw ang siyang hudyat ng pagbukas ng ilaw. Para silang gamo-gamong lumalapit sa nakakaakit na liwanag. Sa gitna ng dilim ay naghahanap ng apoy na maalab. Nanabik sa init na hatid ng isang yakap.

Sabi nila ang pagpuputa daw ang pinakamatagal ng propesyon sa mundo. Bata pa lang ako mulat na ako sa trabahong ito. Isang bayarang babae ang ina ko. Hindi katulad ng ibang propesyon, hindi mo kailangan pag-aralan ito bago ka makapasok. Ang kailangan mo lang hubarin ang pagkatao mo at maging isang laman bagay na nagbibigay-aliw.

Ako ang panganay sa aming tatlong magkakapatid. Iba-iba ang aming mga ama. Naanakan ang nanay ko ng isang Briton at ako ang naging bunga, ang sumunod sa akin ay ang kapatid ko na si Yuka, naanakan naman siya ng regular costumer niya noong nag-Japan ulit siya at ang bunso at tanging lalaki sa pamilya na si Cosme, Pinoy ang ama niya pero panandalian lang ang relasyon ni Nanay at ang ama niya, naghiwalay din sila bago pa naipanganak ang bunso namin. Okay naman ang nanay ko sa pagpapalaki sa amin, yun nga lang huwag lang maiinlove dahil tanga tanga talaga siya pagdating sa pag-ibig.

"Hoy, Saskia! Ano ba yang sinusulat mo?" Tanong sa akin ng bakla kong ninang na si Jodie.

"Wala 'to!" Nilukot ko ang papel at itinapon sa basurahan.

"Baka naman sinusulatan mo na naman yang tatay mong Briton!" Tumaas ang kilay ni Nanay habang pinipintahan ang mukha niya sa harap ng salamin. Naghahanda para sa trabaho niya ngayong gabi. "Huwag ka nang umasang sasagot iyon. Nagsasayang ka lang ng pera sa pagpapadala ng sulat sa ibang bansa. Baka nga tegi bang bang na yung hudas na yun!"

"Paano ko naman susulatan iyon? Eh hindi naman ako marunong mag-ingles. Di naman nakakaintindi yun ng tagalog." Nagsindi ako ng isang stick ng sigarilyo at hinithit iyon.

"Hoy hindi ba sabi ko sa'yo pwede kang magsigarilyo pero huwag na huwag sa harap ko. Wala kang galang nanay mo pa rin ako no!" Kinuha ng Nanay ang stick ng sigarilyong nakaipit sa pagitan ng dalawang daliri ko.

"Nay!" Angil ko.

Hinampas niya ang likod ng ulo ko. "Ano'ng Nay! Hindi ba sabi ko Mammy ang itawag mo sa akin? Ma-My! Baka akala ng mga makakarinig sa'yo naghihirap na tayo!"

"Totoo naman eh." Kibit-balikat na sabi ko. "Mammy hindi ka na kasing fresh at bata katulad ng dati. Humihina na ang negosyo natin."

"Ay Sasha, ginaganyan ka ng anak mo? Ma-thunders ka na daw o!" Humagikgik si ninang Jodie.

"Ikaw maldita kang bata ka, mag-ingat ka sa pinagsasabi mo." Irap niya sa akin.

"Mammy, kailangan ko ng sikwento pesos gagawa kami ng project sa science. Kailangan kong magbigay sa group namin." Sabi ni Cosme.

"Ay ako din, Mammy. Kailangan ko ng money, gagawa kasi kami ng school project. One hundred pesos lang okay na."

Dumukot si Mammy mula sa wallet niya at naglabas ng singkwentang buo. "O, ayan na lang ang pera ko ngayon. Paghatian niyo yan!"

"Mammy naman! Kulang 'to." Reklamo ni Yuka.

"Ano'ng magagawa ko? Eh yan lang pera ko ngayon. Hintayin niyo ako mamayang gabi. Hindi ako uuwi ng bahay ng walang naiuuwing pera."

"Siya nga pala, Mammy, may dumating na sulat sa apartment natin. Kapag hindi daw tayo nakapagbayad ng kuryente at tubig ngayong linggo, puputulan na daw nila tayo. At saka yung landlady, nangungulit na naman. Dalawang buwan na daw tayong hindi nakakapagbayad, tinataguan nga namin ni Cosme tuwing kumakatok sa apartment natin." Sabi ni Yuka.

Napabuntong-hininga ako at napailing. "Hay nako! Buhay nga talaga. When it rains it's four!"

"Mali, ate! When it rains, it pours." Napapakamot si Cosme sa ulo niya.

"Ganun na din yun. Keep your mouth shock!" Sabi ko sa kanya.

"Shut, ate!" Sabi ni Cosme. Sa amin tatlong magakakapatid naman talaga, si Cosme ang pinakamatalino sa amin. Palaging may award at nasa top one.

"Tumahimik ka na. Baka nakakalimutan mo, ako nagbibigay ng baon mo. Yabang nito!" Pagkasabi ko ay humarap ako kay Nanay. "Mammy, maliit lang ang kita sa pagwawaitress ko dun sa carenderia ni aling Simang. Baka naman pwede mo kong ipasok dito sa cabaret. Mas kikita ako dun. Pagkakaguluhan ang beauty ko."

"Hindi ka magtatrabaho sa cabaret." Pinandilatan ako ng ina ko.

"Huwag kang gumaya sa nanay mo, inaanak. Tignan mo siya ngayon la ocean deep na ang beauty." Sabi ni ninang Jodie at hinaplos ang buhok ko. Tinitigan niya ako sa harap ng salamin. "Inangatan mo yang virginity mo! Mataas ang value mo sa market. Yan yung mga . Kailangan lang natin ng mayaman na lalaking interesadong bayaran ng malaking halaga yang virginity mo. Ihahanap kita ng buyer."

"Habang wala ka pang nahahanap, 'Nang, baka pwedeng magsayaw-sayaw muna ako sa cabaret. Ang daming bayarin sa bahay kailangan kong kumita." Sabi ko.

"Mababastos ka lang dun saka hindi ka naman marunong sumayaw. Baka lalo lang mawalan ng kostumer ang cabaret. Manahimik ka na lang dun sa carinderia ni aling Simang." Sabi ni Nanay.

"Mammy, nakikita ko yung mga moves mo! Nagpapractice ako no!" Sabi ko.

"Ay tamang-tama! May raket ako sa'yo!" Sabi ng ninang.

"Anong raket naman yan, Jodie? Baka mamaya mabastos yang anak ko. Alam mo naman iniingat-ingatan ko yan. Maganda ang inaanak mo saka virgin pa yan. Hahanapan ko ng mayaman na mapapang-asawa yan." Tumaas ang kilay ng Nanay. 

"Gigiling-giling lang siya ng konti. No touch!" Sabi ni Jodie. "Nako! For sure, mayaman yung mga kliyente. High class yung lugar saka VIP. Baka may magkainteres sa beauty ni Saskia."

"Ay game ako d'yan, Nang!" Agad na sabi ko at tumingin kay Nanay. "Payagan mo na ko, Nay. Sasayaw lang naman ako."

Hindi siya kumibo at nagpatuloy sa paglagay ng blush on sa mukha. Lumapit ako sa kanya at yumakap mula sa likod niya.

"Mammy, payagan niyo na ko." Parang batang angil ko. 

"Ay nako! Bahala kang maldita ka. Basta ha, huwag kang magpapahawak sa mga lalaki! Kapag nahawakan ka na ng mga yan tuloy-tuloy na yan." Irap sa akin ni Nanay.

"Yes, Mammy." Malapad ang ngiting sagot ko.

Nagkatinginan kami ni ninang Jodie at nginitian ang isa't-isa. Kahit naman ganyan ang Nanay ko masasabi ko naman na isang mabuti siyang ina. Ginawa niya ang lahat para mapalaki kami ng maayos ng mga kapatid ko. Siguro iba lang ang buhay namin sa buhay ng ibang mga tao pero hindi ibig sabihin nun masama kaming tao. Ginagawa lang namin ang lahat sa abot ng aming makakaya para makaraos sa araw-araw. Ito ang normal namin. Ang lola ko, nanay ng nanay ko ay binuhay siya sa pagpuputa, nang lumaki siya ganun din ang naging trabaho niya at ako... alam kong ako na ang susunod sa yapak ng nanay ko. Magiging katulad niya rin ako. Doon na ako namulat at iyon na ang buhay na nakasanayan ko.


"Hi, Saskia. Ako na ang magdadala niyang bag mo, hatid na kita sa inyo." Sabi ng kapit-bahay namin na si Wendell habang naglalakad kami ng mga kapatid ko pauwi sa bahay namin.

"No, thanks. Kaya na namin ito." Ni hindi ko siya tinapunan ng tingin.

"Alam mo, Saskia, ngayon lang ako maglalakas ng loob na sabihin sa'yo ito pero matagal na kasi... matagal na kasi kitang gusto. Pwede bang manligaw?" Nahihiyang sabi niya. Mabait si Wendell at nakakautang ako ng de lata sa tindahan ng nanay niya pag siya nagbabantay. Kahit pa mahaba ng ang listahan namin. May itsura din siya, maraming nagkakagusto sa kanya sa lugar namin. Pero hindi ko siya type. Marami ang nanligaw sa akin na kapitbahay namin at noong nag-aaral pa ako pero wala akong sinagot ni isa sa kanila. Isa lang naman ang gusto ko sa lalaki. Mayaman. Yung kayang buhayin ako at ang pamilya ko at hindi si Wendell iyon.

"Sorry, Wendell ah, hindi kasi ako nagpapaligaw. If you don't mine, will you please give us alone?" Sabi ko sa kanya.

"Mind, ate. Saka leave us alone." Bulong sa akin ni Cosme.

"Tumahimik ka na lang, hindi niya naman halata." Mahinang sabi ko.

Parang napahiyang tumango sa akin si Wendell. "Ah sige, Saskia. Pasensya na sa istorbo."

Tinanguan ko lang siya at nagtuloy-tuloy sa paglalakad.

"Kung makaarte akala mo kung sinong maganda. Mukha naman labanos. Eh maganda lang naman yan kasi maputi yan." Narinig kong sabi ng bruhang inggiterang kapit-bahay namin pagdaan ko sa harap niya.

Hindi na ako nakapagpigil. Punong-puno na ako sa babaeng 'to. Tuwing dadaan kami palaging nagpaparinig sa akin. Humarap ako sa kanya at tinaasan siya ng kilay. "Pintasera ka lang kasi pangit ka!"

"Aba! Akala mo kung sino kang makaasta eh anak ka lang naman ng puta!" Sabi ng bruhang babaeng nasa harap ko.

"O, eh ano naman? Bakit ba galit na galit ka sa amin? May nagawa ba kaming masama? Nagiging kostumer ba ng nanay ko ang tatay mo?"

"Bastos ka talaga! Mga imoral kayo! Wala na ba talaga kayong hiya sa katawan?"

"Ikaw ang unang nangbastos! Halika dito! Lumapit ka ng mapakita ko sa'yo kung gaano ako kawalanghiya." Hamon ko sa kanya.

"Ate, tama na!" Awat sa akin ni Yuka habang hawak ako sa balikat. "Huwag mo na nga pinagpapansin ang mga yan!"

"Sumosobra na eh! Wala naman tayong ginagawang masama!" Galit na sabi ko. Umismid lang ang babae sa akin. Pinigil ko ang sarili ko na hablutin ang buhok ng panget na babaeng iyon at kalbuhin.

Pumasok kami sa maliit na apartment natin at umupo sa lumang sofa. "Alam niyo kapag nakahanap ako ng mayaman na mapapang-asawa magpapatayo ako ng malaking bahay dito. Ipapamukha ko sa kanila ang yaman natin. Magsisisi sila sa mga ginagawa nila sa atin. Kung tratuhin nila tayo para tayong mga piranha."

"Ano'ng piranha, ate?" Kunot noong tanong ng bunsong kapatid ko.

"Hoy, huwag mo na akong i-correct! Tama yun! Nabasa ko yun sa libro. Yung tinatakwil ng mga tao. Yun yun!"

"Ate, yung piranha, isda yun. Baka pariah yung ibig mong sabihin." Sabi ni Cosme.

"Halika nga dito!" Inilahad ko ang isang kamay ko at lumapit siya sa akin. Hinatak ko siya paupo sa tabi ko at isinuklay ang mga daliri ko sa buhok niya. "Buti na lang matalino ang bunso namin! Hindi nagmana sa ate niya! Basta pagbutihin mo ang pag-aaral mo ha?"

"Opo, ate." Sagot ni Cosme. "Saka hindi ka naman bobo. Hindi ka lang marunong mag-english pero hindi naman ibig sabihin nun bobo ka. Nababasa ko kaya yung mga sinusulat mo."

Ngumiti ako at niyakap siya. "Ikaw talaga! Hindi ka lang matalino, magaling ka pang mang-uto. Sige na, dadagdagan ko na ng limang piso ang baon mo!" At binalingan ko ng atensyon si Yuka na busy sa pagtetext sa cellphone na niregalo ko sa kanya. "At ikaw naman babae ka! Huwag puro text ang atupagin mo! Wala munang boyfriend-boyfriend! Hindi mo gayahin itong bunso natin. Mag-aral ka ha!"

"Opo, ate." Sagot nito habang nakadukdok pa rin sa cellphone niya. Napailing na lang ako habang pinanonood siya.

Wala akong hindi gagawin para mabigyan ng magandang buhay ang mga kapatid ko. Handa akong magsakripisyo para sa pamilya ko. Para bigyan sila ng maginhawang buhay. Gagawin ko ang lahat para maiahon sila sa hirap. Sawa na ako sa ganitong buhay. Sawa na ako na lagi kaming nasa baba. Balang-araw, mapupunta rin kami sa taas. Makaangat din kami mula sa putik na aming minana.

___

Hi readers! Bigla lang pumasok sa isip ko ang story na ito at hindi na matanggal sa isip ko kaya sinulat ko na. Second generation na ito ng story ng Five Guys. Syempre priority ko pa rin ang The Blue Book kapag natapos na iyon, ito na ang isusunod ko. Sa ngayon, hulaan niyo muna kung kaninong anak ng limang babies ko ang makakalove team ni Saskia lol. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co