Chapter One
SASKIA
"Ninang, ito susuotin ko?" Dinampot ko ang dalawang gapirasong puting tela na nasa harap ko. Sanay naman akong magsuot ng mga maiikling damit at nagsusuot pa nga ako ng t-shirt na labas ang pusod pero parang gusto ko yatang umatras ng makita ko ang susuotin ko sa party.
"Oh bakit? Ayaw mo ba? Sabihin mo na ng maaga para makahanap ako ng kapalit mo?"
"Ay! Hindi, ninang! Basta wag mo na akong hatian dito ng porsyento mo. Bigay mo na sa'kin to. Unang raket ko 'to." Sabi ko.
"O siya, siya. Basta bayad na ako sa'yo sa pasko ha." Sabi ni ninang Jodie.
"Si Ninang talaga ang kuripot." Sumimangot ako.
"Hoy, ikaw, Saskia! Huwag kang tatanga-tanga! Huwag kang magpapatake out. Huwag na huwag kang sasama sa kahit sinong lalaki dun." Paalala ni Nanay. "Usapan natin, magsasayaw ka lang."
"Oo naman, Mammy! Uuwi akong buong-buo, pramis." Sabi ko.
"Ate, narinig ko malaki kita mo sa racket mo. Baka naman pwedeng bilhan mo ko ng bagong cellphone, yung may camera na para naman makapagselfie-selfie tayo. Yung kapitbahay natin na snatcher may nanakaw na iphone, binebenta sa akin. Two kyaw na lang." Naglalambing na yumakap sa akin si Yuka. "Please, ate?"
"Magtigil ka, Yuka! Wala pa ngang nakukuha yang ate mo!" Binatukan siya sa ulo ni Nanay.
"Aray, Mammy naman!" Reklamo nito. "Sige, sasama na lang ako kay ate. Magsasayaw din ako para may pera ako pangbili ng cellphone."
"Gaga ka!" Binatukan ko din siya. "Huwag mo na pangarapin ang ganitong trabaho. Sige na, ako na bibili ng cellphone mo pero ipangako mo sa akin na mag-aaral kang mabuti kung hindi ipapakain ko sa'yo yung cellphone na 'yon. Nagkakaintindihan ba tayo?"
"Oo, ate! Grabe! You're the best! Kaya ikaw ang favorite na ate ko." Tuwang-tuwang yumakap siya sa akin.
"Para kang tanga. Eh ako lang naman ang ate mo." Inirapan ko siya.
"Kung may iba pa akong ate ikaw magiging favorite ko saka sigurado ako ikaw ang pinakamaganda sa kanila." Kinurot niya ang pisngi ko. "Ang ganda talaga ng ate ko, ang bait pa!"
"Tigilan mo na nga ako, Yuka! Oo na nga, ako na ang bibili ng cellphone mo. Dun ka na nga muna sa kwarto! Samahan mo si Cosme dun. Nag-uusap kami dito o!"
Sumunod naman sa utos ko si Yuka. Pumasok na siya sa kwarto at naiwan ako kasama nina Nanay at Ninang.
"Alam mo, anak, hindi mo naman kailangan gawin ito. Kaya ko pa naman magtrabaho."
"Mammy, wala na nga kayong kustomer eh." Ani ko. "Saka maawa naman kayo sa sarili niyo. May edad ka na. La ocean deep ka na. Tignan mo nga, kulubot ka na. Syempre mas pipiliin nun yung mga mas bata."
"Ang sama talaga ng bibig mo, manang-mana ka sa ninang Jodie mo. Naku kung sa ibang araw lang nasabunutan na kita. Pero seryoso. Kung sa akin lang, ayaw kong matulad ka sa akin. Gusto ko makatapos ka at saka magkaroon ng marangal na trabaho." May bahid ng lungkot na sabi niya.
"Mammy, ano ka ba? Naiintindihan ko naman yung sitwasyon natin. Ganun talaga." Kibit-balikat na sabi ko. "Kay Yuka at Cosme na lang kayo bumawi. Pagtulungan natin na maging maganda ang buhay nilang dalawa."
+++
"O, Saskia! Basta, huwag mong kalimutan yung mga tinuro ko sa'yo na steps. Daanin mo na lang sa kembot pagnakalimutan mo." Bulong sa akin ni Ninang habang nasa dressing room kami.
Ramdam ko ang pagkabog ng dibdib ko habang minemeyk-upan niya ako. Naglabas ako ng yosi at hinihithit ito hanggang sa maubos ang stick pero hindi pa rin sapat iyon para mapakalma ako.
"Ninang, kinakabahan ako." Pag-amin ko.
"Kaya mo yan, inaanak. Mababaliw sila sa beauty mo, tignan mo." Sabi ni ninang habang inaayos ang buhok ko. "Teka, sandali. Kukuha kita ng pangparelax. Magbihis ka na ha. Magsisimula na ang party."
Tumango ako at nagmamadali siyang lumabas. Sinuot ko ang binigay niyang dalawang pirasong tela. Puting lace bra at thong. Halos wala na akong maitago sa katawan ko. Kitang-kita ang dibdib ko sa lace bra na suot ko. Pati ang suot kong thong, buti na lang makapal ang tela sa harap nito pero nagkulang naman sa likod.
Pinagmasdan ko ang sarili ko sa salamin. Halos hindi ko na makilala ang mukha ko dahil sa kapal ng makeup ko. Ngayon gabi, kailangan kong hubarin ang pagkatao ko. Kailangan kong kalimutan ang sarili ko. Kailangan kong magpanggap para maging isang buhay na pantasya ng mga kalalakihan na naghihintay sa akin doon. Hindi si Saskia ang nasa harap ng salamin na ito. Hindi ako 'to...
Humugot ako ng malalim na hininga. Kahit ganito na ang nagisnan at kinalakihan kong buhay, hindi pumasok sa isip ko na magagawa ko ito. Nangarap din akong maging teacher noon, doktor, abugado at kung anu-ano pang pinapangarap ng mga bata noon. Bata pa lang ako palagi na akong tinutukso ng mga kalaro ko dahil sa trabaho ni Nanay at madalas naririnig ko sa mga magulang nila na tinatawag akong anak ng isang puta. Dumating pa nga sa puntong inilalayo nila ang mga anak nila sa akin na para bang may ketong ako. Ipinangako ko noon sa sarili ko na hindi ako magiging katulad ni Nanay. Magsisikap ako at magtatapos ako ng pag-aaral para maiahon sa hirap si Nanay at ang mga kapatid ko. Pero yun, lumaki ako... sinampal ako ng realidad. Mahirap lang kami eh. Hindi ako kayang ipasok sa kolehiyo ni Nanay kaya naghanap na lang ako ng pagkakakitaan. Minsan pag sinuwerte, may kumukuha sa akin na magmodel ng kung anu-anong produkto pero hindi yun sapat para sa amin apat.
Nagulat ako ng bumukas ang pinto ng dressing room at agad akong napayakap sa sarili ko. Isang lalaking mapayat, may nakakawit na bag sa braso at sa isang kamay naman ay may hawak an pamaypay ang pumasok.
"Are you the dancer Jodie brought?" Taas ang manipis na kilay na tanong nito.
Dancer at Jodie lang ang naintindihan ko pero tumango na lang ako.
Tinitigan niya ako mula ulo janggang paa bago bumalik ang tingin sa akin. "Jodie made the perfect choice. You're very beautiful."
"Thank you po." Sabi ko.
"Where is Jodie anyway?" Tanong niya at lumibot ang tingin sa buong kwarto.
"He... she, uh, passed away." Sagot ko.
Nanlaki ang mga mata ng bakla at napahawak sa dibdib. "What? Kakakausap ko lang sa kanya noong isang araw? Kailan pa siya namatay?"
"Ano pong namatay? Lumabas lang po siya." Sabi ko.
Napahawak siya sa sentido niya at pinaypayan ang sarili. "Naku! Pasalamat ka maganda ka at walang IQ test dito."
Muling bumukas ang pinto at pumasok si Ninang na may hawak na bote ng alak. Nagkita ang dalawang at nagtitili at bumeso sa isa't isa.
"Long time no see, mare." Sabi ni ninang Jodie bago nabaling ang atensyon niya sa akin. "Ito nga pala yung sinasabi ko sa'yong inaanak ko. Maganda, hindi ba?"
"Oo, maganda. Pero, mare, huwag mong pagsasalitain. Kung anu-anong sinasabi. Sabi ba naman sa akin you passed away. Yun pala lumabas ka lang. Nakakaloka siya, mare." Humalakhak ang bakla.
"Alam ko naman na hindi kagalingan sa english 'tong inaanak ko pero matalino 'to." Depensa ni Ninang.
"I'm only human nature." Pagtatanggol ko sa sarili ko. Sabi kasi sa akin ni Nanay noong sumasali ako sa mga beauty contest at nag-aaudition pa ako sa mga commercial na kapag tinanong ako ng english, sagutin ko din ng english. Saka magandang practice din daw iyon.
Eh ano naman kung magkamali ka? Natural lang yan, tao ka. Yun ang madalas na sinasabi niya sa akin.
"Ewan ko sa'yo. Huwag ka na lang magsasalita. Okay na yung nakikita ka na lang." Irap sa akin ng bakla bago tumingin kay Ninang. "Hoy, mare! Ito ba yung sinabi mong magsasayaw?"
"Oo, siya nga."
"Baka mapahiya ako d'yan. Mga high-end ang kliyente ko." Sabi nito.
Kumuha si Ninang ng isang baso at pinuno iyon ng malinaw na likido mula sa bote ng alak pagkatapos ay inabot niya iyon sa akin. "O, uminom ka muna ng mawala yang kaba mo."
Inamoy ko ang likido at napangiwi ako sa tapang nito. "Ninang, ano ba 'tong pinaiinom mo sa akin?"
"Vodka yan. Dali na, inumin mo na yan, magsisimula na ang show."
Agad ko naman nilagok iyon. Parang may gumuhit na kung ano sa lalamunan pababa sa tiyan ko. Para akong uminom ng asido. Napangiwi ulit ako dahil sa lasa nito pero pinilit kong ubusin iyon.
"Okay ka na?" Tanong ni Ninang.
Tango lang ang naisagot ko.
"Mare, ikaw na ang bahala sa inaanak ko. Basta hanggang sayaw lang yan. Hindi yan pwedeng i-take out. Papatayin ako ni Sasha kapag may nangyari d'yan." Sabi ni Ninang sa kaibigan niya.
"Huwag kang mag-alala, mare. Ako na ang bahala dito."
"Saskia, halika nga dito. Aayusan ulit kita. Suotin mo muna itong robe na 'to." Inabot ni Ninang ang puting robe at sinuot ko iyon. Nilagyan niya ako ng belo na pangkasal sa ulo at binigyan ako ng stockings at heels na puti.
"Inaanak, mag-iingat ka ha. Kapag may nangbastos sa'yo dun tumawag ka agad ng security." Paalala ni Ninang bago ako hinalikan sa noo. "Sige na, sumama ka na sa kanya."
Inilabas ako ng baklang kaibigan niya mula sa dressing room at naglakad kami sa mahabang pasilyo. Sinubukan kong maglakad ng diretso kahit parang umiikot na ang paningin ko. Hindi ko alam kung dahil ba yun sa alak o sa kaba.
"Saskia, right?" Sabi ng kaibigan ni Ninang.
"Opo." Sagot ko.
"You're beautiful, I know you already know that, but your beauty isn't enough to woo those men. Maraming nakapaligid sa kanilang magandang babae. Make your show exceptional, okay?"
Wala akong hindi gagawin para sa pamilya ko. Kung kailangan magtumbling at magsplit ako sa stage gagawin ko. Gusto kong mabigyan ng magandang buhay ang mga kapatid ko. Ayaw kong matulog sila kay Nanay, sa akin... Gusto kong maibigay lahat ng kailangan nina Yuka at Cosme at gusto ko silang mapagkolehiyo.
Huminto kami sa pinto sa pinakadulo ng habang pasilyo. Sa gitna nito ay may isang malaking pinto. Itim ang pintong iyon na gawa sa leather. Sa tabi ng pinto ay may tatlong pulang letra na umiilaw: VIP
Inayos ng kaibiigan ni Ninang ang puting belong nakasuot sa akin at itinakip iyon sa mukha ko na para bang ikakasal ako. "O, ayan... Ready ka na ba?"
"Ready-ng ready na!" Pinilit kong lakasan ang loob ko.
"Good luck. Give them a good show." Sabi nito bago binuksan ang malaking pinto. Pumasok ako sa loob ng kwarto. Ingay mula sa stereo at kadiliman ang sumalubong sa akin, para lang cabaret ito. Ang pagkakaiba nga lang mukhang mamahalin ang mga gamit at dekorasyon na nasa loob nito.
Patay-sindi ang iba't ibang kulay ng mga ilaw sa gitna ng kadiliman. Parang buhay namin, minsan madilim pero may liwanag at kulay pa rin. Inisip ko na lang si Nanay, may edad na siya saka hindi naman pwedeng habang-buhay siyang magtrabaho at i-benta ang sarili niya para lang may mapakain siya sa amin, inisip ko na lang ang kinabukasan ng mga kapatid ko. Maganda din naman si Yuka at matalino si Cosme... Sayang lang kung matutulad sila sa akin o kay Nanay.
Hinawi ko ang pulang telang nakatabing sa isa pang pinto. Nakita ko ang mga kalalakihan na nagkakasiyahan sa loob. May mga babaeng nakasuot ng mga damit na kinulang sa tela na nagseserve ng mga alak.
Dahan-dahan akong pumasok sa loob at umakyat sa stage. Napuno ng hiyawan ng mga kalalakihan ang buong kwarto. Madilim sa loob kaya hindi ko sila gaanong maaninag pero halata sa kanila na may mga sinabi sa buhay ang mga ito. Hindi katulad ng mga kustomer ni Nanay sa cabaret.
Nagsimula akong gumiling at umindak sa gitna ng entablado. Sinabayan ng katawan ko ang maalindog na musika. Lalong lumakas ang hiyaw ng mga kalalakihan ng hubarin ko ang puting roba na nakasuot sa akin. Hinayaan kong mahulog iyon sa sahig. Hinayaan kong pagpyestahan ng mga mata nila ang katawan ko. Nagpaikot-ikot ako sa manipis na posteng nasa gitna ng stage. Hinawakan ko ito at umindak ang mga baywang ko, pole dancing kung tawagin.
Sa gitna ng dilim at grupo ng lalaking nanood sa akin, isa lang ang pumukaw ng aking pansin. Hindi siya katulad ng iba na para bang ngayon lang nakakita ng katawan ng babae. Tahimik lang siya, nakaupo, pinanonood ako. Tumama ang malikot na ilaw sa mukha niya. Magandang lalaki siya. Malamlam ang mga mata niya at matangos ang kanyang ilong. Nakita kong lumagok siya ng alak mula sa baso niya at hindi hinihiwalay ang tingin niya sa akin.
Nagpatuloy ako sa pagsayaw. Hindi ko rin hiniwalay ang tingin ko sa kanya na para bang nagsasayaw ako na siya lang ang nanonood, siya lang ang nakakakita. Lalong lumakas ang loob ko at lumabot ang paggiling mga baywang ko.
Habang nagsasayaw ako ay may isang lalaking lumapit sa akin. Inilahad niya ang kamay niya sa akin at tulirong kinuha ko iyon. Inalalayan niya ako pababa ng stage at huminto kami sa harap ng lalaking nakaupo.
"Here comes the bride, all dress in white..." Halos sabay-sabay na kanta ng mga ito. Pagkatapos ay huminto kami sa harap ng lalaking nakaupo at kanina pa nakatitig sa akin.
"Will you dance for him, please?" Sabi ng lalaking nagbaba sa akin sa stage.
"Come on, man. I'm getting married." Umiiling na sabi nito. May naramdaman akong panghihinayang sa dibdib. Ikakasal na pala siya.
"We're here to have fun. Hindi kami magsusumbong. Sulitin mo na 'to habang binata ka pa." Natatawang sabi ng isa sa mga lalaki.
Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas ng loob ko at nagsimula akong sumayaw sa harap niya. Naaninag ko ng malapitan ang mukha niya. Parang bumilis ang tibok ng puso ko habang nakatitig sa malamlam na mga mata niya. Muling tumama sa mukha niya ang liwanag at nakita ko kung paano nagkislapan ang mga matang iyon.
Lumapit ako sa kanya, umikot sa upuan niya bago tumigil sa harap niya. Ibinuka ko ang mga hita ko at sa pagitan nun ay ang mga hita niya. Sinayawan ko siya. Tinitigan ang mga mata niya na para bang magnet na hinihigop ako. Matalim ang mga titig niya sa akin, mainit, nakakapaso. Lumagok siya mula sa basong hawak niya. Gumiling ako pababa hanggang sa magtapat ang mukha namin, hanggang sa mapaupo ako sa ibabaw niya.
Napasinghap ako ng maglapat ang mga katawan namin. Nalanghap ko ang amoy niya, ang mamahalin na pabango niya. Amoy mayaman talaga. Napakapit ako sa balikat niya para kumuha ng balanse. Hindi ko napigilan ang kamay ko na gumapang mula sa batok niya paakyat sa buhok niya, para itong libu-libong gintong sinulid.
Naramdaman ko ang paghawak niya sa baywang ko, ang parahang paghaplos at pagpisil nito. Binigyan ko siya ng mapang-akit na ngiti at ngumiti din siya sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co