01
Si Miguel Santillan, ay ang pinakabata at mayamang Haciendero sa Lalawigan ng Santa Teresita, at sa edad niyang dalawampu't walo ay wala pa siyang kabiyak. Hilig niya ang pangangabayo, pangangaso, pangingisda sa ilog at ang pagbabasa ng aklat. Mayroon din siyang natural na karisma na kinamamahanghaan at kinakagigilawan ng mga kababaihan sa kanilang lugar. Magka-ganoon man ay wala pa din siyang napupusuan hanggang sa ngayon. Masyadong mailap ang babaing para sa kanya o sadyang pihikan lang siya.
Magulo ang panahong ito, ang mga Espanyol ay hindi pa din bumabalik ng Espanya. Kabi-kabila ang agawan ng mga lupa, inaangkin ang mga lupa ng mahihirap na siyang tanging pag-asa na lang ng mga ito para mabuhay. Ang mga nasa laylayan ng lipunan ay sadyang naghihikahos sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang mga paslit ay hindi nakakapasok sa eskuwela sa halip sila ay tumutulong sa pagsasaka o iba pang gawain sa bukid. At totoo nga ang kasabihang isang kahig at isang tuka, sapat na ang makakain ng isang beses sa isang araw at magkalaman man lang ang tiyan. At ang tanging mabubuhay nga lang siguro sa panahong ito ay ang mga dugong bughaw.
Ang mga mahihirap ay parang nakatadhana na magsilbi sa mga mayayaman para sa kakarampot na barya. Ilang ektarya na ba ng lupa ang nakamkam ng matandang Santillan noong nabubuhay pa ito? Hindi na mabilang.
"Ano na naman ang kailangan mo Ernesto?" Tanong ni Miguel ng pumasok
ang kanyang kababata at anak ng katiwala ng kanyang ama noong nabuhuhay pa ito. Narito siya ngayon sa silid aklatan sa loob ng mansiyon.
"Hindi ka talaga marunong kumatok kailanman."
"Hindi ko naman kasalanan na bukas ang pinto Miguel. Siya nga pala ako'y naparito para ipaalam sayo na iniimbitahan ka ng Gobernadorcillo bukas ng gabi sa kanyang tahanan, kaarawan niya pala bukas."
"Alam mong wala akong hilig sa mga ganyan, mas gugustuhin ko pang mangabayo o di kaya mangisda." Ibinaba ni Miguel sa lamesa ang binabasa niyang aklat. Naupo naman ang kanyang kaibigan sa bakanteng silya na naroon din sa silid.
"Pero Miguel kailan mo pa din makihalubilo sa kanila lalo pa at kaibigan niya si Don Gregorio." Wika pa ni Ernesto, si Don Gregorio ang namayapang ama ni Miguel dalawang taon na ang nakakalipas sa hindi malamang sakit.
"Siguro ang aking ama pero hindi ako, hayaan mo pag-iisipan ko ang tungkol diyan Ernesto." Tumayo si Miguel at binalik ang libro sa aparador na gawa sa kahoy na narra na naroon. Hilig talaga niya ang pagbabasa ng aklat lalo pa noong bata siya.
"At saan ka na naman pupunta? Akala ko ay titingnan mo ang mga trabahador sayong tubuhan ngayong umaga?"
Sinuot ni Miguel ang kanyang sumbrero bago tiningnan si Ernesto. "Ako ay mangangabayo sa burol."
"Mangangabayo nga lang ba? Kilala kita Miguel kung hindi ko lang kilala ang aking magulang iisipin ko talagang kapatid kita." Napapailing-iling na sabi ni Ernesto, kilalang-kilala niya na ito at alam niyang hindi simpleng pangangabayo ang gagawin nito.
"Ano pa ba ang gagawin ko kung ganon? Wala namang ibang magandang gawin ngayong umaga."
"Alam kong pupuntahan mo na naman si Cristina sa ilog at magbaba-kasakali kung naroon siya, maawa ka naman sa dalagang yun Miguel. Lagi mo na lang iniinis."
Saway ni Ernesto.
Natawa naman si Miguel sa tinuran ng kababata, si Cristina ang dalagang naninirahan kasama ang ina nito sa tabing ilog na sakop ng kanyang Hacienda. Ilegal ang pagtira at pagtayo ng mga ito doon ng bahay pero sadyang makulit talaga ang dalaga at ayaw umalis sa kanyang lupa. "Parang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ko nasisilayan si Cristina lalo na kapag namumula na ang kanyang mukha sa sobrang inis sa akin."
"Baka sa susunod ay habulin ka na niya ng kanyang balisong. Alam mo namang inis na inis sayo yun."
"Makulit lang talaga ang babaing yun, kasing tigas ng bao ng niyog ang kanyang ulo. Ang mga tao dito sa atin ay natatakot sa akin pero siya ay kinakalaban pa ako." At hindi man lang yata tinatablan ng aking karisma. Kung ang ibang kadalagahan ay tuwang-tuwa kapag ako ay nasisilayan si Cristina naman ay parang gusto akong lunurin sa ilog. Halos lahat ng tauhan niya ngayon sa Hacienda ay takot sa kanya. Hindi siya pumapayag na may makalusot sa mga ito na hindi nagtatrabaho ng maayos. Sayang ang salapi kung hahayaan niya ang mga tatamad-tamad na tauhan. Ano pa at naging Santillan siya kung hindi niya kaya pasunurin sa kanya ang mga tao.
"Ikaw ang bahala, basta Miguel tumakbo ka ng mabilis kapag hinabol ka ni Cristina." Payo ni Ernesto sa kaibigan.
Sakay ng kulay itim na kabayo ay masayang pumunta si Miguel sa ilog, dito niya madalas nakikita si Cristina lalo na kapag umaga. Tamang-tama at alas nuwebe pa lang, baka naroon ang dalaga ng ganitong oras. Kung wala naman ito doon ay wala siyang pagpipilian kung hindi pumunta sa kanyang tubuhan gaya ng sinabi ng kaibigang si Ernesto kanina. Ilang sandali pa narating na ni Miguel ang ilog sa ibaba ng burol, ang mansyon ng pamilya Santillan ay nakatayo sa mataas na bahagi ng Santa Teresita kung saan kitang-kita mula sa Veranda ang nasasakupan nilang lupain.
Agad niyang tinali ang kabayo sa puno ng mangga na naroon, nagkalat din talaga ang mga puno na ganito sa loob ng Hacienda. Sayang lang ang mga nalalaglag na bunga at tanging mga ibon lang ang nakikinabang.
Naglakad si Miguel papunta sa tabing ilog, habang bitbit ang kanyang pamingwit. Agad sumilay sa kanya ang isang ngiti ng masilayan si Cristina na abala sa paglalaba. Sabi na nga ba at narito ito.
"Ehem, ehem." Kunwari pang ubo ni Miguel para makuha ang atensyon ng dalaga. Hindi naman siya nabigo at tiningnan agad ni Cristina.
"Ano na naman ginagawa niyo dito SENYORITO Miguel?" Asik ni Cristina ng makita ang binata na laging sumisira sa araw niya, pinatong niya sa bato ang kanyang palu-palo.
"Wala naman masama kung mamimingwit ako ng isda sa ilog na nasasakupan ng aking Hacienda. Hindi ko alam at andito ka pala Cristina." Sagot ni Miguel habang ikinakawit sa kanyang pamingwit ang bulate tsaka mabilis na hinagis sa ilog.
"Hindi mo naman ito ilog, ang tubig ay galing sa bundok, at ang tubig ay para sa lahat. Kaya papaano mo nasabing sayo ito?" Agad binanlawan ni Cristina ang ilang piraso na damit na nilabhan niya. Kailangan niyang magmadali dahil tiyak na aasarin na naman siya ni Miguel gaya ng naka gawian nito.
"Santillan ang may-ari nito Cristina ilang beses ko ba ipapaliwanag sayo ito? Ang ilog na ito ay ako ang may-ari, ultimo ang kinatitirikan ng inyong bahay ay akin din baka nakakalimutan mo."
"Hindi ko inaagaw ang lupa mo Miguel, sayo na kung sayo. Dito lang kami napadpad ni ina ng kamkamin ng mga elitistang tulad mo ang lupa namin sa San Martin."
"Pero ilegal nga ang ganito binibini, kung tutuusin maaari kitang ipadampot sa mga Guardia sibil."
"Masama talaga ang budhi mo kapag ginawa mo yun, alam kong alam mo ang nangyayari sa mga kababaihan na nahuhuli ng mga tinatawag mong Gurdia sibil, ginagahasa at pinagpapasa-pasahan nila ang mga babae sa loob ng kulungan. Gusto mo bang mangyari sa akin yun?"
Naiinis na sabi ni Cristina, parang kumukulong tubig talaga ang kanyang pakiramdam kapag nakikita at nakakausap niya ang Miguel na ito.
Napatiim ng bagang si Miguel sa tinuran ng dalaga, matalino talaga ang babaing ito, hinding-hindi nagpapatalo sa kanya. Kung ang iba ay takot at pinapangilagan siya si Cristina ay hindi. Natural hindi niya magagawang ipahuli ito sa mga Guardia sibil, hindi niya masisikmura kapag may nangyaring masama dito kahit pa lagi niyang iniinis ang dalaga. Alam niyang totoo ang sinabi nito kani-kanina lang, ginagahasa talaga ang mga babaing dinadala sa kulungan lalo pa at mga Espanyol ang mga Guardia sibil sa kanilang lugar. At sa itsura ni Cristina alam niyang maraming nagkaka-kursanada dito na trabahador sa kanyang Hacienda, sa taglay ba naman nitong ganda at maputing kutis katulad ng singkamas ikaw ay talagang mahuhumaling dito.
"Hayaan mo Miguel dadalhan kita mamayang hapon ng lulutuin kong suman, mag-bebenta kase ako mamaya sa Bayan ng mga lulutuin ko. Basta ipangako mo na papayagan mo kaming tumira dito." Sabi ni Cristina, baka mamaya palayasin na talaga sila ni Miguel sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Kapag nangyari yun ay wala silang ibang lugar na mapupuntahan.
"Mayroon akong naisip na kasunduan para sayo Cristina." Ibinaba ni Miguel ang kanyang pamingwit sa batuhan, wala man lang kumagat na isda sa kanyang pain. Kung sabagay hindi naman talaga pangingisda ang nais niya ngayong umaga.
"Ano na naman yun Miguel? Siguraduhin mo lang na hindi ako argabyado sa sasabihin mo, dahil kung hindi." Kinuha ni Cristina ang palu-palo at ipinakita sa binata. "Ipupukol ko talaga sayo ang aking palu-palo."
Aba't anong tingin sa akin ni Cristina? Mga baro na nilalabhan niya? Para palupaluin? "Papayagan ko kayong manirahan dito ng iyong ina, at hindi ako tatawag ng Guardia sibil para paalisin kayo kung pagsisilbihan mo ako sa aking mansyon."
Napatingin si Cristina sa senyoritong nasa kanyang harapan. Kahit siya ay naiinis dito kung minsan hindi pa din maiaalis na napakakisig nito sa suot na kulay puting barong haba, lalaking-lalaki talaga ito kung manamit at magsalita. Napakagaling din nito mangaso dahil dalawang beses na niya iyong nasaksihan. Pero ang pinaka gusto niya sa lalaki ay ang mauugat nitong kamay at braso, parang kay sarap sa pakiramdam kapag ito ay pumalibot sayo. "Manilbihan sayo? Diba may mga kasambahay ka na sa iyong mansyon?"
"Pero gusto ko ikaw ang personal na manilbihan sa akin, at kapag pumayag ka sa aking nais hindi ko kayo paaalisin sa aking lupain."
Inirapan ni Cristina ang binata, napakatuso talaga ng lalaking ito. Mukhang tama ang mga naririnig niya sa bayan na magka-ugali daw ito at ang namayapang matandang Santillan. Ano pa kayang nais niyang mangyari at biglang inalok ako ng ganito? Hindi pa ba sapat na inisin niya ako araw-araw? Pero kung papayag naman ako sa kagustuhan niya ay hindi ko na iisipin na baka isang araw ay papaalisin niya kami ng aking ina dito. "Ang ibig sabihin ba ay sa mansyon mo din ako maninirahan kapag sumang-ayon ako sayo?"
"Oo ganoon nga, doon ka talaga sa mansyon ko mananatili. Pumapayag ka ba Cristina sa kasunduan na nais ko?"
"Kung makakasiguro ako na hindi mo kami paaalisin dito ng aking ina ay pumapapayag ako."
Agad nginitian ni Miguel ang dalaga. "Muy bien Cristina, muy bien.." Nakakatuwa at pumayag ito sa gusto niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co