02
Inikot ni Cristina ang kanyang paningin na nasa kanyang harapan, totoo pala talaga ang bali-balita. Malaki pala talaga ang bahay ng mga Santillan, at sa kanyang pagkakaalam ay may mga hindi natatahimik na kaluluwa sa mga ganitong bahay. "Nakakatakot naman ang mansiyon mo Miguel.." Hindi maiwasang sabihin ni Cristina. Ang hudyo pagkatapos niyang maglaba kanina sa ilog ay hinintay pala talaga siya para maisama na dito sa bahay niya. Buti na lang at pumayag ang kanyang ina sa pinag-kasunduan nila. Hindi na sila papaalisin ni Miguel sa kanilang tirahan ngunit pagsisilbihan niya naman ito.
"Paano naman ito naging nakakatakot Cristina? Ito ang pinapangarap na tahanan ng mga naninirahan dito sa atin." Nakaismid na sabi ni Miguel. Ito lang din ang taong nagsabi na nakakatakot ang bahay niya, at kung maririnig lang ito ng kanyang ina ngayon ay siguradong magagalit ito.
"Tingnan mo nga, napakalaki nito at ang parang ang dilim-dilim pa sa loob. At isa pa hindi ganito ang nais kong tahanan, sapat na sa akin ang simple at payak na bahay."
"Halika na nga sa loob, madami ka talagang napapansin na kung anu-ano." Tutulungan sana ni Miguel ang dalaga na bitbitin ang dala-dala nitong bayong ngunit agad itong tumanggi. Parang kanina lang, imbes na sumakay ito sa kabayo niya ay mas ginusto pa nitong maglakad.
"Ilan ang nakatira dito?" May paghangang tiningnan ni Cristina ang loob ng bahay pagpasok nila, agad bubungad sayo ang hagdanan na gawa sa kahoy ng molave. Sa tantsa niya ay aabot siguro ito ng labing tatlong palapag. Ang mga bintana ay may disenyong arko at nagpapahiwatig ito na maganda ang panglasa ng naninirahan sa bahay tungkol sa arkitektura. Matataas din ang bubong at kisame para maganda nga naman ang sirkulasyon ng hangin sa loob. Sadyang may hawig ang bahay ng mga Santillan sa mga bahay sa Espanya. Halos lahat ng kagamitan ay gawa sa matitibay at de kalibreng kahoy na hindi biro ang halaga.
"Tayong dalawa lang Cristina, kaya nga kinuha kita para pagsilbihan ako dito."
"Ano?" Napalakas ang boses na tanong ni Cristina. "Huwag mo akong biruin Miguel, ang laki-laki ng bahay mo pero pagkatapos ikaw lang ang naninirahan dito?" Naisip bigla ni Cristina kung paanong linis ang gagawin niya sa buong bahay. Kung magsisimula siya maglinis ng umaga baka abutin na siya ng takip-silim bago pa matapos.
"Mukha ba akong nagbibiro Binibini? Ako ay seryoso. Tayong dalawa lang talaga ang narito sa aking tahanan, baka nakakalimutan mo na ako'y binata pa at walang asawa."
"Kung ganoon mas gugustuhin ko ng ako ay iyong inisin araw-araw kaysa manirahan dito kasama ka. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman na tayong dalawa lang ang narito? Ayokong mag-isip sila ng madumi tungkol sa akin Miguel."
Doon sumilay ang pinipigilang ngiti ni Miguel, hindi siya panigurado maiinip kapag kasama niya si Cristina. "Mayroon akong tatlong kasambahay na narito, at dalawang kusinero na naghahanda ng aking pagkain. Binibiro lang kita aking Cristina."
Napairap na lang si Cristina sa tinuran ng binata, parang matutuyo ang dugo niya kung ito ang makakasama niya. "Saan nga pala ang aking magiging silid?"
"Halika at sumunod ka sa akin sa itaas, doon ang iyong magiging kuwarto." At nauna ng naglakad paakyat ng hagdan si Miguel.
Walang nagawa si Cristina kung hindi sumunod sa binata, buti na lang at hindi mabigat ang kanyang dala-dalahan. Kung maganda na sa unang palapag ng mansyon mas maganda pa pala sa pangalawang palapag. Nakita niya agad ang iba't-ibang sungay ng hayop na nakasabit sa dingding, at marahil ito ang mga nahuli ni Miguel sa kanyang pangangaso. Ngayon lang siya nakapasok sa ganitong tahanan, kung ganon mayaman pala talaga ang pamilya nila Miguel.
"Ito ang magiging cuarto mo Binibini, at kasunod lamang ito ng aking silid." Binuksan ni Miguel ang isang pinto at pumasok doon.
May malaking kama, na mayroong kulay puting sapin, malalaking bintana at isang aparador na hindi tiyak ni Cristina kung saan gawa. Mayroon din siyang nakitang tumba-tumba doon na masarap upuan hanggang sa ikaw ay makatulog. "Hindi ba kalabisan na dito ang aking magiging silid Miguel? Baka kung ano ang isipin ng iba mong kasama dito."
"Wala ka dapat ipag-alala Cristina, wala akong nakikitang mali tungkol dito."
"D-dalaga ako at ikaw naman ay hambog na binata ayoko lang may masabi sa akin kapag nalaman nilang dito pa ako sa tabi ng silid mo natutulog."
Nilapitan ni Miguel si Cristina, parang may kung anong bumubulong sa kanya na hawakan niya ang mga kamay nito. Ngunit siguradong magagalit ang dalaga kapag ginawa niya yun. "Yun na nga Binibini, dalaga ka at binata ako. Wala naman akong asawa para may magsabi na mali ang pag-ookupa mo sa cuartong ito, kaya naman ibaba mo na ang iyong gamit at ililibot kita dito."
May mahabang pasilyo sa pangalawang palapag ng bahay, at mayroon ditong walong cuarto. Isa na dito ay ang cuarto para sa pagdadasal, may iba't-ibang laki at disenyo ng mga santo sa loob at ang sabi ni Miguel kay Cristina ay galing pa ito sa Paete, Laguna kung saan maraming naglililok ng mga santo na gawa sa kahoy. Hilig daw ng ina ni Miguel noong nabubuhay pa ito ang mangolekta ng mga gamit sa simbahan kasama na ang mga santo. Kung ganoon din pala si Miguel lang pala ang tanging gumagamit ng buong pangalawang palapag ng mansyon pero dahil dito na nga siya maninilbihan ay dalawa na sila. Mula sa itaas ng bahay ay bumababa silang dalawa, nakita ni Cristina ang malaking kusina ng mga Santillan, maraming muwebles din ang narito, ang ang mga lutuan ay gawa sa palayok. Maging ang mga plato at baso ay mukhang mamahalin at lahat pa ay babasagin. Pero nagulat si Cristina ng hilahin siya ni Miguel papunta sa isang parte ng mansyon. Mayroon doong malaking parisukat na may tubig, para itong ilog ngunit hindi nga lang dumadaloy ang tubig!
"Maari ka dito lumangoy Cristina, hanggang leeg ko lang ang tubig dito. Kapag tag-araw ay narito ako lagi, mas mainam kaysa pumunta pa ako ng ilog." Isa ito sa pinagawa niya sa loob ng mansiyon matapos makabalik mula sa Espanya. At tawag ng mga espanyol at mga ingles dito ay swimming pool. Angkop na angkop ang ganito lalo na at tropikal ang klima sa ating bansa.
"Mukha ngang masarap magtampisaw dito Miguel, at kahit siguro ikaw ay maghubad pa dito ay walang problema dahil wala namang ibang makakakita." Nakangiting sabu ni Cristina, ngayon lang siya nakakita ng ganito sa tanang buhay niya. Madalas siya maligo noon sa ilog ngunit ng minsan ay muntik na siyang habulin ng mga Guardia Sibil sa hindi niya malamang dahilan ay hindi niya na inulit pa.
Dumako ang tingin ni Miguel kay Cristina, hindi niya mapigilang isipin na maliligo ito ng nakahubad at siya ang kasama. At ang isipin na yun ay parang nagpapa-init na sa kanyang katawan ngayon pa lang. Dalawang beses pa lang siya nagkaka-nobya at yun ay noong nag-aaral siya sa Espanya, hindi din pilipina ang mga nakarelasyon niya doon. Kung ang mga babae dito ay mahihinhin sa ibang bansa ay hindi, hindi nga lang siguro apat ang nakasiping niya doon.
"Bumalik na tayo sa kusina Miguel, ipapagluto kita ng meryenda." Aya ni Cristina sa binata, wala naman itong imik at nauna pang lumakad sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co