03
Isang buwan ang matulin na lumipas simula ng magtrabaho si Cristina sa mansyon ni Miguel. Buong akala niya ay mahihirapan siya dahil hindi naman sila magkasundong dalawa, pero hindi pala. Madalas kase wala si Miguel at abala sa pangangaso kasama ang mga kaibigan nito.
"Naku Cristina bumaba ka na diyan! Baka dumating si Senyorito Miguel at tayo ay mapagalitan." Nag-aalalang wika ni Feliciana, isa sa kasambahay sa mansyon.
"Mamaya pa darating si Miguel Feliciana, huwag ka mag-alala madami na akong nakuhang mangga." Masayang sabi ko, aba napakadaming bunga ng mangga sa puno na nasa bakuran ng mansyon ni Miguel. Hindi man lang ito pinapansin dito samantalang masarap ito gawing minatamis o puwede din i-ulam sa kanin. "Saluhin mo Feliciana ang mga ihahagis ko." Malakas na sabi ko sa kanya. Marami akong nakuha dahil kanina pa ako nandito. Magtatabi ako ng mga mangga at dadalhin ko bukas ng umaga sa aking ina, siguradong matutuwa siya sa mga ito.
●●●●●●●●
"Isang nakakapagod na araw na naman Miguel, masarap magbabad sa maligamgam na batsa ng tubig mamaya." Sabi ni Ernesto habang sakay sa kabayo, magkasabay lang sila ni Miguel. Kulay itim ang kabayong sinasakyan niya ngayon na pagmamay-ari din ng kaibigan. Galing sila sa Harangan at doon silang dalawa nangaso, isang baboy ramo ang kanilang nahuli. Alas singko pa lang ng madaling araw ay umalis na sila at ngayon nga ay pauwi pa lang.
"Mas masarap ngayon magpamasahe gaya noong nasa Espanya pa ako, masakit ang aking katawan at makakabuti ang masahe na may mainit-init na langis na ipapahid sa aking katawan. Masyadong malaki ang baboy ramo na ating nahuli Ernesto. Napagod talaga ako ng husto." Hilig niyang magpamasahe noong nasa Espanya pa siya lalo na matapos ang matagal na pangangabayo, kung dito sa atin ang tawag naman ay hilot. Nilingon din ni Miguel ang baboy na nakasampa sa likuran niyang bahagi, hindi lang siguro ito trenta kilos at baka mas higit pa.
"Sandali Miguel mukhang nagkakagulo sa mansyon mo. Naririnig mo ba na may sumisigaw?" Sabi ni Ernesto ng makarinig ng sigawan habang sila ay papasok na sa entrada ng mansyon.
Agad tinapik ni Miguel ang kabayo para bumilis ang takbo nito, nauna na siya kay Ernesto. Pagpasok sa bakuran ng mansyon ay dali-dali siyang bumaba ng kabayo. Doon niya nakita si Feliciana at Mariana na nakatingin sa puno ng mangga.
"M-agandang hapon ho Senyorito Miguel. Nakabalik na ho pala kayo." Bati ni Mariana ng makita ang kanilang amo.
"Anong nangyayari dito? Malayo pa lang ay rinig na namin ang inyong sigawan." Tanong ni Miguel sa dalawang kasambahay na nasa kanyang harapan.
"Kase ho, kase Senyorito.." Kinakabahang sabi ni Feliciana, takot sila sa kanilang amo dahil masungit talaga ito at walang awa katulad ng ama nito. Sa katunayan ay madami ng pinaalis ang kanilang Senyorito na kasambahay sa mansyon simula ng pumasok sila dito.
"Kase ano? Napipi ka na ba Feliciana?" Seryosong tanong ulit ni Miguel, ayaw pa naman niya sa lahat ay ang pinaghihintay.
"Si Cristina ho ay nasa puno, umakyat ho siya." Mabilis na sagot ni Feliciana na napapikit pa, malamang ay magagalit ang Senyorito dahil sa kapusukan ni Cristina. Kanina pa nila ni Mariana tinatawag ang dalaga na nasa puno ngunit ayaw pa din nitong bumaba.
"Cristina!" Malakas na tawag ni Miguel sa dalaga ng tumingala siya sa puno. Anong ginagawa ng isang dalaga na nakasuot pa ng saya sa ibabaw ng puno ng mangga?
"Ikaw pala Miguel!" Kinapit ko ng maigi ang isa kong kamay sa isang sanga bago kumaway kay Miguel. "Nariyan ka na pala, madami akong nakuhang mangga Miguel, tiyak na magugustuhan mo ang mga ito."
Napahawak sa kanyang sentido si Miguel, hindi niya akalain na ang isang magandang dilag na katulad ni Cristina ay mangangahas na umakyat ng puno. "Bumaba ka na Cristina, hindi ako natutuwa sa aking nakikita."
Natatawa naman na lumapit si Ernesto sa kaibigan matapos itali sa puno ang sinakyang kabayo, mukhang nakahanap na talaga ng katapat si Miguel sa katauhan ni Cristina. "Napaka-ligalig talaga ni Cristina, sa lahat ng nakilala kong kadalagahan dito sa atin siya lang ang nakita kong umakyat ng puno."
"Umalis ka nga muna sa harapan ko Ernesto, kayo din!" Bulyaw ni Miguel sa dalawang kasambahay na naroon. Pababa na si Cristina mula sa puno at ayaw niyang mabosohan ito.
"Huwag mo ng awayin si Cristina Miguel, tiyak na magtatalo na naman kayo pag nagkataon." Bilin ni Ernesto sa kaibigan, bago isampa sa kanyang balikat ang baboy ramo na nahuli nila. Dadalhin niya muna ito sa loob ng mansyon.
"Miguel!" Masayang bati ko matapos makababa ng puno, ngunit nawala ang ngiti ko ng makita na nakakunot noo ang binata at waring galit sa akin.
Ano na naman kaya ang sinisintir ng lalaking ito?
"Anong bang nasa isip mo at umakyat ka ng puno Cristina? Hindi mo ba naisip na baka malaglag ka?" Naiinis na turan ni Miguel.
"Sanay ako umakyat ng puno Miguel, diba madaming mangga sa may ilog? Lagi kong inaakyat ang mga puno doon." Pagmamalaki ko pa kay Miguel. Tuwang-tuwa talaga ako dahil napakadami kong nakuhang mangga, kaya nga lang puro dagta na ang suot kong saya.
"Hindi maganda sa isang dalagang katulad mo ang umakyat ng puno Cristina, buti na lang sila Feliciana at Mariana lang ang narito. Paano kung andito ang mga tauhan kong lalaki at nakita ka? Baka makatabas ako ng leeg Cristina."
Ako naman ang napakunot noo. "Ano bang ibig mong sabihin? Wala naman akong nakikita na masama sa pag-akyat ko sa puno, puwera na lang kung ikaw ay maramot at ayaw mong mamigay ng mga bunga na ito."
"Hindi sa ganon Cristina, kahit ubusin mo lahat ng bunga ng mangga dito sa aking Hacienda ay walang problema." Nakapameywang na sabi ni Miguel na nakatingin sa kaharap. Nakalugay ngayon ang buhok ng dalaga na abot hanggang beywang nito. Namumula din ang mga pisngi ng dalaga dahil sa sikat ng araw.
"Ipaliwanag mo kung ganon Miguel, hindi naman ako manghuhula."
"Umakyat ka sa puno na naka-saya kita ko na kanina ang iyong mga binti. At tiyak ako na kapag may ibang kalalakihan na makakita niyan ay siguradong magkakandarapa sila sayo."
Napatango-tango ako, naintindihan ko na ang pinupunto ni Miguel. Siguro nga ay naging mapangahas ako sa pag-akyat ng puno na hindi man lang nag-iisip. "Patawad kung ganon, hayaan mo sa susunod ikaw na lang ang paaakyatin ko sa puno."
"Cristina!" Naiinis na namang tawag ni Miguel sa pangalan ng dalaga. Waring pumipintig ang kanyang sentido sa pinaggagawa nito.
"Halika na sa loob at igagawa kita ng minatamis na mangga, tiyak na pagod ka mula sa pangangaso." Mabilis na pinulot ko ang nagkalaglagan na mangga mula sa aking saya. Dapat yata ay nagdala ako ng sisidlan kanina.
"Akin na, tutulungan na kita makulit na Binibini."
"Makulit?" Nagtatakang balik tanong ko sa kanya.
"Oo, sabi ng kaibigan ko sa Pagsanjan ay makulit ang tawag sa mga katulad mo."
"Ano ang ibig sabihin nun?" Tanong ko pa ulit.
"Basta, halika na tutulungan na kita sa mga nakuha mong mangga at pumasok na tayo sa mansyon makulit na Cristina."
Kinagabihan dala-dala ang kandilabra ay pumasok si Cristina sa cuarto ni Miguel. Magpapahilot daw ito sa kanya dahil masakit ang katawan mula sa pangangaso. Tuwang-tuwa siya ng makita kung gaano kalaki ang nahuli nito na baboy na ramo. Naiisip niya tuloy na napakalakas sigurado ng binata para makahuli ng mabangis na hayop. Masarap isigang sa bunga ng kamias ang laman ng baboy kaya bukas ay tutulong siya magluto sa kusinero ng mansyon.
"Nariyan ka na pala Cristina, pumasok ka na dito sa silid ko." Katatapos lang maligo ni Miguel at sabik na sabik na siyang mahiga sa malambot niyang higaan.
"Ang laki pala ng cuarto mo Miguel, hindi ka ba natatakot matulog dito mag-isa?" Sabi ko sa kanya habang nilalapag ko ang kandelabra sa lamesang naroon. Ngayon lang ako nakapasok sa silid niya. May mga itak na nakabitin sa dingding, iba-iba ang hugis at laki na pinaka dekorasyon sa cuarto at sigurado akong matalim ang lahat ng ito.
"Wala naman ako dapat ikatakot, kahit na minsan ay may naririnig akong huni ng malaking ibon ay balewala lang sa akin."
"Miguel!" Bigla akong natakot sa sinabi niya, ang sabi ng aking ina ay hindi daw totoong ibon ang may gawa nun. Kung hindi aswang! Lagi ko pa naman iniiwan na bukas ang bintana tuwing gabi sa kabilang silid para mas malamig. "Huwag ka ngang manakot, baka mamaya ay dito ako matulog sa kuwarto mo. Sige ka."
Sumilay ang pilyong ngiti sa mukha ni Miguel. "Mukhang magandang ideya yan Cristina, malawak ang aking higaan at kasya tayong dalawa dito." Mahimbing siguro ang magiging tulog niya kapag magkatabi sila ni Cristina matulog, pero baka hindi lang tulog ang gawin niya kapag nakatabi ito.
"Umayos ka na nga, saan ba kita hihilutin Miguel?"
"Sa likod." At walang sabi na hinubad ni Miguel ang suot na kamison.
"Miguel ano ba!" Agad kong tinakpan ang aking mga mata, siguradong nagkukulay kamatis na ang aking mga pisngi. Bakit ba ito naghubad ng kanyang baro?
Dumapa si Miguel sa kanyang higaan, natatawa siya sa reaksyon ni Cristina. "Masakit ang likuran ko Cristina, yan ang hilutin mo."
Yun naman pala, akala ko ay may kapangahasan ng gagawin sa akin ang hambog na ito. Kinakabahan akong lumapit sa kanya at naupo sa gilid ng kanyang higaan. Napakakisig ng pangangatawan ni Miguel at alam mong batak sa trabaho. Kung ang balat ko ay maputi siya naman ay moreno.
"Huwag mo na akong pagnasahan Cristina, alam kong maganda ang aking katawan." Mahinang sabi ni Miguel.
Sa aking inis ay mabilis kong kinurot ang kanyang tagiliran, napaka hambog talaga! Kung patakan ko kaya ang likod niya ng kandila? "Tumigil ka nga sa kahambugan mo Miguel."
"Hindi ako hambog aking Cristina, nagsasabi lamang ako ng totoo. Maganda talaga ang aking katawan at katakam-takam pa." Natatawang sabi ni Miguel habang nakahiga, nilagyan na siya ni Cristina ng langis ng niyog sa kanyang likod. Ang bango talaga ng amoy na ito na pumalibot na sa loob ng kanyang silid.
"Marahil babaero ka Miguel, may nakapag-kuwento sa akin na may pagtingin daw sayo ang anak ng Gobernadorcillo kaya lagi kang iniimbitahan sa kanilang bahay sa Bayan."
"Si Guada pa ang iyong tinutukoy? Hindi ko gusto ang babaing yun, kaya wala kang dapat ipag-alala."
"Hindi ako nag-alala Miguel, huwag kang masyadong mahangin at baka ikaw ay liparin. Baka lang ikaw ay magkalat ng iyong lahi dito sa Santa Teresita." Isang beses ko pa lang nakita ang anak ng Gobernadorcillo at masasabi kong hindi kagandahan ang pag-uugali nito. Halatado sa itsura ng babae na ito ay mapag-mata sa mga katulad niyang maralita.
"Hayaan mo Cristina ikaw lang ang gusto kong lahian."
At nilingon pa ni Miguel ang dalagang nakaupo sa kanyang higaan. Napaka suave ng kamay nito sa pagmamasahe sa kanyang likuran. Lalo pa at pati ang kanyang batok ay minasahe nito ng marahan.
"Miguel!" Papatakan ko na talaga ng kandila ang likod ng hambog na ito!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co