Truyen3h.Co

Miguel Santillan (COMPLETED)

20

Maribelatenta



"Hayyy.. Masyado mong pinapahalata na ikaw ay umiibig Miguel.." Nangingiting sabi ni Ernesto habang sakay sila sa tig isang kabayo. Galing sila sa pangangaso at may nakita sila sa kagubatan na pagka dami-daming bulaklak. Agad kumuha si Miguel kanina at ibibigay daw nito kay Cristina.

"Naiingit ka lang Ernesto, palibhasa wala kang nobya." Ganting sabi ni Miguel, ingat na ingat niyang hawak ang pumpon ng bulaklak sa kanyang kaliwang kamay habang ang isa pa ay nakahawak naman sa tali ng kabayo.

"Mayroon na din akong naiibigan Miguel, ngunit hindi mo naman ako katulad na dinadaan sa santong paspasan ang lahat."

"Sabihin mo ikaw ay torpe, bakit mo pa patatagalin kung nagkaka-gustuhan naman na kayong dalawa."

"Aba, palibhasa minadali mo lamang si magandang Binibini, ano na ba ang estado niyong dalawa?"

Natahimik si Miguel, ano nga ba? Maliban sa magaling na si Cristina ay masaya siya at kasama na niya ulit ito. Isang buwan na buhat ng mangyari ang insidenteng nagpabago sa kanila. Maliban sa nagkaroon siya ng kaunting problema sa pagba-biyahe ng kanyang mga produkto palabas ng Santa Teresita dahil na din sa kagagawan ng Gobernadorcillo ay parang iniiwasan siya ni Cristina. Oo, sila ay nag-uusap ngunit hindi na gaya dati. "Nagiging masungit nga na naman si Cristina sa akin, ganon ba talaga ang mga babae? Sumpungin?"

"Wala ka kaseng alam sa pangliligaw Miguel, ni hindi mo nga niligawan si Cristina hindi ba? Mas gusto ng isang katulad niya ang sinusuyo at lahat ng kababaihan ay ganoon." Parang ekspertong sabi ni Ernesto.

Agad naman hininto ni Miguel ang kabayo. "Paano ba ang manligaw Ernesto?"

●●●●●●●●●

"Napakasarap mo talaga magluto Cristina." Puri ni Mariana sa nilutong law-uy ng dalaga, kung saan iba't-ibang klaseng gulay ang hinalo at nilagyan pa ng bagoong na isda.

"Sariwa lang talaga ang gulay na dinala dito ni ina kaya masarap talaga." At naglagay na ako ng kanin sa aking pinggan, alas dose pasado na ng tanghali at oras na ng pananghalian.

"Pero hindi kakain ng ganito si Senyorito Miguel, madalang siyang kumain ng gulay." Sabi naman ni Feliciana na nakakadalawang sandok na ng kanin.

"Kaya nga pinagluto ko siya ng pininyahan na manok, hindi ko alam pero napakapili talaga ni Miguel sa ulam." Sabi ko naman, may pinya kase kanina sa kusina at isinama ko ito kanina sa ginagataang manok ko. Ito ang uulamin ni Miguel mamaya pagdating nito.

"Hindi naman ako mapili Binibini.." Bungad ni Miguel ng makarating sa komedor, narinig niya ang sabi ni Cristina kanina. At ganoon pala ang iniisip nito tungkol sa kanya? "Bulaklak para sa magandang dilag na nasa aking mansyon." Yumuko pa si Miguel habang inaabot sa dalaga ang bulaklak na dala niya.

Nahihiya ko itong tinanggap, hindi ito ang unang beses na binigyan ako ni Miguel ng ganito. Ngunit ito ang unang beses na binigyan niya ako sa harap ng ibang tao. "S-salamat, ang gaganda ng mga bulaklak Miguel." Sabi ko naman habang pinagmamasdan ang mga ito. Iba-iba ang kulay ng gumamela, may puti, dilaw at kulay pula. Ang ganda din ng bulaklak na kung tawagin ay mirasol, para itong araw dahil dilaw na dilaw at malalaki pa ang mga talulot. Natawa na ako ng may makitang mga santan at bulaklak ng kamya.
"Kamusta ang inyong pangangaso?" Buti na lang at tapos na ako kumain, kaunti lang ang tanghalian ko ngayon. Nasasabik ako sa ilalagang kamote mamaya dahil bagong ani ito. Agad naman kumuha si Mariana ng dalawang pinggan para kay Ernesto at Miguel.

"Kilala mo ako Cristina, hindi ako uuwi ng walang huli na ano mang hayop. Nakahuli kami ni Ernesto ng isang usa." Pagmamayabang ni Miguel, tiyak na may madadagdag na naman siya sa kanyang koleksyon na mga sungay ng hayop dahil usa ang nahuli nila kanina. Sa silid aklatan niya iyon ilalagay.

"Napaka-hambog mo talaga." Sabi ko naman habang nilalagyan ng kanin ang kanyang pinggan.

"Sinabi mo pa Cristina, hindi ko alam kung saan nakuha ni Miguel ang pagiging hambog niya." Segunda naman ni Ernesto.

"Tumahimik ka nga Ernesto, hindi mo nga ako tinulungan kanina ng mangaso tayo." Naiinis na turan ni Miguel, ang hilig talaga nito segundahan si Cristina.

"Anong hindi? Ako ang gumawa ng pang-silo natin kanina baka nakakalimutan mo." Sabi naman ni Ernesto.

Sumingit na ako sa kanilang dalawa, alam kong hindi mag-papatalo si Miguel gaya ng dati. Inabot ko dito ang niluto kong pininyahang manok.

"Ikaw ang nagluto nito Cristina?" Tanong ni Ernesto pagkatapos makasubo ng isang kutsara. "Masarap at malinamnam, napaka-suwerte ng mapapangasawa mo dahil maalam ka sa kusina."

Napangiti ako sa sinabi ni Ernesto, hindi lang siya ang nagsabi sa akin ng ganoon. "Maraming salamat sa papuri mo Ernesto hayaan mo ipag-babalot kita nito mamaya."

"Tsk.." Naiinis na tiningnan ni Miguel ang kaibigan. "O kumain ka ng gulay para pang-pahaba ng buhay." Inabot niya dito ang mangkok kung saan may lutong law-uy.

"Kumakain ako niyan ni Miguel, ikaw ang hindi." Sabi naman ni Ernesto.

"Kaya nga pinagluto ko siya ng pininyahang manok dahil napaka-pihikan ni Miguel sa ulam." Sabi ko naman habang kumakain ng saging na lakatan.

Dali-daling sumandok si Miguel ng gulay, hindi siya maaaring pagka-isahan ng mga ito sa harap ng hapag. Kaya naman pikit mata siyang sumubo ng gulay.

Napatawa ako sa itsura ni Miguel at inabutan ito ng isang basong tubig. "Huwag mo ng pilitin kung bindi mo kaya, kahit naman ubod ka ng pihikan mahal pa din kita.." Mahina kong sabi sa kanya na siyang kinangiti ng binata.

(Pa comment. Nagegets niyo naman kahit may kalaliman yung mga words diba?😅)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co