Chapter 20
Cairo's POV
Hindi na ako nakapagtimpi. Simula nang dumating kami rito ay parang kumukulo ang dugo ko sa kaniya.
Wala naman siyang masamang ginagawa! Talagang... iba lang ang kutob ko. Iba yung mga tingin niya kay Lukas.
Pero secretary kasi siya, eh! Baka naisabuhay na niya talaga ang pag-aasikaso sa boss niya.
Pero ganiyan ba talaga ang mga secretary? Yung mga naririnig ko sa iba, ayaw ng secretary kapag sila lahat ang gagawa para sa boss nila. Nakikita ko lang ang mga secretary na masayang ginagawa lahat para sa boss nila ay kapag may gusto ito sa boss nila.
Kaya nga nagseselos ako! Sinong secretary ang mag-e-enjoy na gumawa ng lahat para sa boss nila?! Unless may gusto siya kay Lukas!
"Cai? Okay ka lang?"
Agad kong naibaling ang mukha ko kay Lukas nang tawagin ako nito. Naitikom ko ang bibig ko bago itinaas ang magkabilang kilay at tumango, "Yeah, okay lang ako, bakit?" Nagpilit ako ng isang ngiti.
Nagparte ang labi ni Lukas bago tumango, "Natahimik ka kasi bigla. Akala ko may problema." sagot niya at nagpeke ako ng tawa bago nagbalik ng tingin sa pagkain ko.
Sinulyapan ko si Ethan sa harap ko at nakitang busy ito na ngumunguya habang may binabasa sa folder.
"Run through ko lang po yung agenda natin today, Sir. According to your request, una po nating pupuntahan ang plantation para hindi pa gaano kainit. Then we will have our lunch prepared by the workers, then we'll proceed to the factory, and lastly we'll have taste testing for our new jams."
Dire-diretso ang pagsasalita ni Ethan. Sinulyapan ko si Lukas sa gilid ko at nakitang tumatango-tango ito habang ngumunguya, "That's right. Ang galing mo talaga, Ethan!" Nang mag-angat ng ulo si Lukas ay malawak ang ngiti nito sa labi.
Agad akong naglipat ng tingin sa kabilang gawi bago napa-ismid.
Nag-remind lang ng mga gagawin, magaling na agad?
Nauna akong matapos kumain dahil hindi naman gaanong madami ang kinuha ko. Si Ethan ay halos mukhang hindi pa nagagalaw ang pagkain na dinatnan namin sa pinggan niya dahil may mga isinusulat pa sa papeles sa harap niya.
Habang si Lukas... nakaka-tatlong damak na yata ng pagkain.
Ngayon ko lang napansin na malakas pala itong kumain. Sa tuwing kakain kasi kami sa bahay ay hindi ko na iyon pinagtutuunan ng pansin dahil busy ako sa sarili kong pagkain o di naman kaya ay natutulala nalang ako sa sobrang pagod.
Pero ngayon na wala akong hinahabol na oras, nang matapos akong kumain ay pinagmasdan at pinanood ko nalang si Lukas na kumain.
Wala pa rin siyang pinagbago. Mas nag-mature at lumaki lang ang katawan niya; yung braso, yung dibdib, yung likod, kahit siguro yung hita ay lumaki na rin. Ano pa ba? Hindi ko na alam kung ano pa ang mga lumaki sa kaniya.
Pero yung ugali niya? Yung... mga mannerisms niya na, ganitong-ganito siya sa huli kong pagkakatanda.
Mayaman lang siya, pero kung umakto, napaka-down to earth pa rin. Cute pa rin siya para sa'kin.
Hindi na nga ako magpapaligoy-ligoy pa. Isip bata at aktong bata. Ganun pa rin siya. Immature man minsan, pero... iyon ang Lukas na minahal ko noon. At... baka mamahalin ko ulit ngayon.
"Tara na?" Aya ni Lukas habang nagpapahid ng labi.
Sa wakas, nabusog na rin siya. Gumuhit ang maliit na ngiti sa labi ko bago tumango. "Sure, saan tayo?" tanong ko bago tumayo mula sa bangko.
Nang maglakad kami palabas ng canteen ay agad kong napansin na mas malapit si Ethan kay Lukas kaysa sa akin kaya dinoble ko ang bilis ng lakad ko para maabutan si Lukas at makatabi siya sa paglalakad.
"Okay lang naman sa'yo mainitan? Diba? Hindi tayo magtatagal sa nakabilad. Lilipat din tayo sa may mga puno kapag masakit na sa balat yung sikat ng araw." tanong ni Lukas habang naglalakad kami.
Agad akong tumango bago nag-hum, "Oo naman, hindi naman maarte balat ko." sagot ko at tumango si Lukas, "Sabon ko nga minsan bareta lang na panlaba, eh." Biro ko na ikinahagikhik namin parehas ni Lukas.
Nilingon pa ako nito, malawak ang bungisngis at halos mawala na ang mata. "Baka yung panghilod mo, steel-wool, ha? Maawa ka naman sa balat mo." ani niya at parehas kaming napahagalpak.
Agad ko itong nahampas sa balikat na mas lalo niyang ikinahagikhik. Ang tawanan namin ay nag e-echo na sa buong hallway ay pinagtitinginan pa kami ng mga nadadaanan namin na mga tao.
"Ano yung balat ko?! Puwet ng kawali—"
"HAHAHAHHAAH!!"
Halos lumupasay na sa sahig si Lukas sa lakas ng pagkakatawa niya. Natigilan naman ako sa paglalakad at napasapo sa mukha dahil pakiramdam ko'y namumula na ako.
Si Lukas itong sumandal pa sa isang pader at halos lumuhod na sa kakatawa. "Puwet ng kasali!" Inulit pa talaga niya.
Napa-iling nalang ako bago nagpahid ng luha. Nang mahimasmasan si Lukas ay tumayo na ito mula sa pagkaka-squat sa sahig at inakbayan pa ako, "Tara na, iinit na sa labas, andito pa rin tayo sa loob." ani niya bago kami pumasok ng isang silid.
Binigyan kami ng sleeve cover at sumbrero ng mga tauhan na nasa loob. Tinulungan ako ng isang matandang babae sa pagsusuot ng sleeve cover dahil nakita ako nitong nahihirapan.
"Ang pogi-pogi mo naman, kaibigan mo si Sir Lukas?" tanong niya at agad gumuhit ang ngiti sa labi ko bago tumango. Nang lingunin ko nag gawi ni Lukas sa likuran ko ay agad napawi ang ngiti ko nang makita na tinutulungan ito ni Ethan na magsuot ng sleeve cover niya.
Aba... ang sakit sa mata.
Walang sinabi ang init ng araw sa init ng ulo ko nang lumabas kami. Hindi naman ako nakasimangot pero pakiramdam ko ay kumukulo na ang dugo ko sa noo at pumipitik ang litid sa sintido.
"Careful...!" Mabuti nalang ay agad akong nahawakan ni Lukas sa beywang dahil kung hindi, baka nag-dive na ako sa mga tanim nilang pinya.
Pakiramdam ko'y nag-skip ng tibok ang puso ko. Namilog ang mga mata ko at agad napalingon kay Lukas.
Sakto sana sa mukha ko yung pinya! Kung malas-malas ako ay diretso bulag ako nun!
"Dito ka lang sa'kin. Lapit ka lang." Mahinahon na sabi sa akin ni Lukas bago mas hinigit ang katawan ko palapit sa kaniya, ang kaniyang kamay ay nanatili sa beywang po.
Napakagat ako sa pang-ibaba kong labi para pigilan ang sarili ko na ngumiti.
Ano ba 'yan! Ang tanda-tanda ko na, kinikilig pa ako!
Hindi binitawan ni Lukas ang beywang ko. Paminsan-minsan ay napupunta ang kamay niya sa likod ko, pero hindi iyon nalalayo. Sa tuwing may pupuntahan kaming mga pananim ay sinusubuan at pinapatikim niya ako ng mga ito na siya mismo ang pumitas mula sa halaman.
Kahit tuloy hindi ako mahilig sa prutas, napapasubo ako.
"Sarap 'no?" Nakangiting tanong ni Lukas matapos akong subuan ng binalatan niyang lanzones.
Agad naman akong tumango habang ngumunguya, "Sarap! Tamis!" sagot ko habang may pagkain sa bibig.
Ngumiti si Lukas bago sumubo na rin ng kaniya. Habang nakikipag-usap siya sa mga tauhan nila ay ipinagbabalat niya ako ng lanzones at susubuan nalang.
Naglilibot-libot ako ng tingin nang mapansin na nakatingin sa akin si Ethan. Pakurap-kurap lang ito at walang ka-ekspre-ekspresyon sa mukha.
Inggit ka ba?
Napangisi ako, yung sutil na ngisi bago muling kinalabit si Lukas para magpasubo.
Lampas alas dose na nang bumalik kami sa loob para magtanghalian. Kagaya ng almusal ay puro gulay din ito at dalawa lang ang ulam na purong karne.
Mapupurga yata ako rito. Pakiramdam ko pagbalik ko sa bahay, ibang tao na ako.
"Busog kana ba?" tanong sa akin ni Lukas habang kumakain kami.
Nagpahid ako ng gilid ng labi ko, "Mhmm!" Tumango ako.
Ang dami-dami na nilang inihanda na pagkain. Nakakahiya na kung maglalabas pa sila ng mga panibagong pagkain.
Ngumuso si Lukas, "Pupunta pa tayo ng factory. Mag ta-taste testing pa tayo." May panghihinayang sa boses nito.
Agad nagparte ang labi ko, "P-Pwede naman...! Sasama pa rin ako sa'yo, siyempre." May bahid ng pagkataranta sa boses ko lalo pa nang makita ko ang nguso ni Lukas na halos kasing tangos na ng ilong niya.
Agad umangat ang gilid ng labi nito, "Sige, pupunta tayo pagkatapos nating kumain." Nagbago na agad ang mood nito at nagpatuloy na sa pagkain.
Hindi ko naman alam na magmumukha pala akong paanakin na baka dito sa factory na ito. Simula nang dumating kami rito ay kain lang ako nang kain at hindi napapahinga ang bibig ko. Hindi manlang ako sinabihan ni Lukas, edi sana kahit papaano ginutom ko muna ang sarili ko kahapon para malaki ang space ng bodega ngayon.
"Sa tingin mo, anong mas masarap, ito o ito?" tanong ni Lukas sa akin habang tinitikman namin ang mga bago nilang produkto.
Nahihiya akong napakamot sa ulo ko lalo pa at lahat sila ay nakatingin sa akin, "Bakit ako? Hindi naman ako... kadamay sa factory niyo." Nahihiya kong tanong.
Bakit kadamay ako?! Nakikitikim na nga lang ako rito, eh. Bakit nasa kamay ko pa ang desisyon?
Gumuhit ang isang tuwid na pahigang linya sa labi ni Lukas bago ito tumango. Sinabi niya ang mga opinyon niya sa mga ipinatikim sa amin at kung ano ang kulang at maaari pang gawin dito para mas mapasarap ito.
At isa lang ang masasabi ko, ang gwapo niya kapag seryoso siya. Ang gwapo niya kapag nasa working mode na siya at hindi na parang bata na alagain.
Ang dating niya sa'kin ay para bang... kaya na niya akong buhayin kahit hindi ako magtrabaho.
Pero siyempre, hindi ako papayag doon. Imagination ko lang yun at mananatili iyon sa imagination ko.
"Pagod ka na ba? Ang dami natin ginawa today, sorry." tanong sa akin ni Lukas habang naglalakad kami sa malawak nilang lupain na puno ng pananim.
Mag a-alas singko na ng hapon ngayon, hindi na mainit ang sikat ng araw at malamig na ang simoy ng hangin.
Bahagya akong napangisi habang isinasayaw-sayaw ang kamay namin na magkahawak, "Okay lang, masaya nga, eh. Bagong experience sa'kin 'to." sagot ko bago siya nilingon.
Hindi ko na pinigilan ang sarili ko na ngumiti para malaman at makita niya kung gaano ako kasaya ngayon.
Si Lukas itong mukhang pinipigilan ang kilig dahil nanginginig ang labi nito at bahagya pang nakakunot ang matangos niyang ilong.
"IIIIHHH!!" Nagpapadyak ito sa lupa habang naglalakad kami na para bang maiihi na ito.
Napahagalpak ako ng tawa sa reaksyon niya. "Kilig ako—"
"Baliw!" Hinampas ko ito sa braso.
Mabuti nalang at wala ng ibang tao sa paligid at lalo na yung sekretarya niyang laging nakabuntot sa kaniya.
"'Wag mo 'kong pinapakilig ng ganun, baka bigla akong mag-aya ng kasal—"
"Siraulo ka talaga!" Parehas kaming napatigil sa paglalakad at napahalakhak. Kung anong ipinapayapa ng hapon sa taniman ay siyang ikina-ingay naming dalawa.
"Pero seryoso, Cairo," tumigil ito sa pagtawa at naramdaman kong mas humigpit ang kapit nito sa kamay ko.
"Yayayain kitang magpakasal. Wala ng iba. Ikaw na ang nakikita kong kasama sa pagtanda ko." Makabuluhan niyang sabi.
Si Lukas na madalas ay hindi ko maseryoso ang mga sinasabi, ngayon ay parang maski ang mga mata niya ay kinakausap ako nang masinsinan.
Bumagsak ang balikat ko bago gumuhit ang isang ngiti sa labi, "Hindi pa nga kita sinasagot, eh." Biro ko rito bago bahagyang hinigit ang kamay niyang mahigpit ang pagkakahawak sa akin.
Kung makatingin sa akin si Lukas ay parang bang masyado siyang nahihiwagahan sa akin na medyo ikinahiya ko at agad ikina-iwas ng tingin.
"Kailan mo ba ako sasagutin?"
"Aba maghintay ka!" Agad nagbaling ang ulo ko pabalik sa kaniya at mataray iyong sinabi.
Agad napabungisngis si Lukas bago tumango, "Tama, maghihintay lang ako." sagot niya at tumango ako.
"Kapag boto na sa'yo si Gian, saka kita sasagutin."
"Ayun lang..." Parehas kaming napahagikhik sa sinabi niya.
"Balak ko pa man din gawing ring bearer si Gian sa kasal natin." ani ko at biglang namilog ang mata ni Lukas.
"So nagpaplano ka rin ng kasal natin? Akala ko ako lang! 'Yan ang pampatulog ko sa gabi, eh!" Sigaw nito bago muling hinigit ang kamay ko at nagpatuloy kami sa paglalakad.
"Nakita mo naman yung kasal nila Grey, tatalunin natin yun! Saan mo gustong ikasal? Kahit saan! Kahit under the sea pa tapos mga nakasuot tayo ng buntot ng sirena, okay lang, basta, ikaw ang mapapangasawa ko!" ani nito habang nagtatalon na naglalakad at iwinawagayway pa ang mga kamay namin.
Hindi na ako nakasagot at napahilamos nalang sa mukha at umiling.
Inabot kami ng paglubog ng araw sa taniman. Ito kasing si Lukas, ang landi. Naka-ilang picture din siya sa akin nang wala akong kaalam-alam.
Tapos delulu rin pala 'to. Naka-ilang sabi ng 'Kapag kasal na tayo,' at halos marindi na rin ako.
Ganiyan ba kapag trentahin na tapos wala pang asawa? Hindi naman ako ganun, ah. At mas matanda pa ako kay Lukas ng kauntian pero hindi ko naman ramdam na iba ako sa mga trentahin na pamilyado na.
"We should get going. Pagod na si Cairo," sabi ni Lukas kay Ethan nang tanungin siya nito kung may gagawin pa ba si Lukas sa factory. Tinanong rin siya nito kanina kung dito rin daw ba kami maghahapunan pero mukhang may ibang balak si Lukas dahil tinanggihan niya ito.
Tumango si Ethan bago pinagbuksan si Lukas ng pinto ng sasakyan, "Nasabihan ko na po ang mga kasambahay niyo at naghahanda na po sila ngayon ng hapunan." ani nito at tumango si Lukas bago ako nilingon.
"Let's go?" Aya niya at tumango ako. Sinenyasan ako ni Lukas na pumasok na, pagkasampa ko ng sasakyan ay kasunod ko na rin siya.
Nagulat ako dahil noong pumunta kami rito kanina ay siya ang nagmamaneho, pero mukhang napagod na rin ito ngayon dahil may iba nang nagmamaneho para sa amin.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko habang pinagmamasdan ang mga dinadaanan namin.
Nilingon ako ni Lukas, "We'll spend the night at one of the houses I sell, it's not that big, so don't expect much," he replied, and I slowly nod.
"Nagtitinda ka ng bahay?" Taka kong tanong. Bago yun, ah.
Tumango si Lukas, "Just... some estate houses. Kapag may nagbenta sa'kin, bibilhin ko, pagagandahin, aayusin, tapos ibebenta ulit. Pero itong isang 'to, hindi pa tapos ang renovation kaya hindi ko pa maibenta." sagot niya at utay-utay akong tumango.
"May business din pala ang pamilya niyo na ganun?" tanong ko at marahang umiling si Lukas.
"It's mine. I just wanted something that I actually own. Just incase na... hindi ko makuha nag CEO position ng kumpanya." sagot niya at napakunot ang noo ko.
"Bakit naman hindi mo makukuha? Makukuha mo yun!" Pabiro ko siyang sinuntok sa sa braso.
Humagikhik si Lukas, napasuklay ng buhok bago umiling, "Hindi pa rin natin sigurado. At least kung... dumating man yung araw na matanggal ako sa kumpanya at mawalan ng posisyon, may matitira sa'kin." sagot niya at mas lalong kumunot ang noo ko bago bumagsak ang balikat.
"Bakit ka naman mawawalan ng posisyon at mapapatalsik sa kumpanya?" Napatawa ako nang pagak, "Unico ka hijo ka, nag-iisang tagapagmana." Dagdag ko pa.
"Eh kaso bakla ako," Nilingon ako ni Lukas habang nakasandal ang ulo sa bangko. May sinasabi ang mga mata niya na hindi ko naman mawari kung ano.
Nagkibit-balikat ako, "Ano naman? Diba... akala ko... noong college okay na? Akala ko tanggap ka na— tayo, ng mga magulang mo?" Naguguluhan kong tanong.
Gumuhit ang isang ngisi sa labi ni Lukas ngunit nanatiling malungkot ang mga mata niya bago muling humarap sa unahan, "Hayaan na natin sila. Basta tatandaan mo na sa huli, bibitawan ko ang lahat pero hindi ikaw." ani niya bago lumunok ng laway.
Gusto ko pang sumagot. Gusto ko pang magsalita at kontrahin ang mga sinabi niya. Pero napansin ko na patingin-tingin sa amin sa rear mirror ang driver kaya pinili kong manahimik nalang.
Pagdating namin sa 'maliit' na bahay na sinasabi ni Lukas ay napa-iling nalang ako. Wala sa kahit saang sulok ng bahay na ito ng maliit. Gate palang ay halos kasing taas na ng bahay namin. Yung bakuran palang ay pwede nang tayuan ng 3 o 4 na bonggalo at ang mismong bahay ay pwede nang tayuan ng Puregold sa sobrang laki.
"Good evening po, Sir. Malapit na po ihain ang hapunan, mga... 25 minutes po." Bungad sa amin ng isang kasambahay.
Habang naglalakad sa loob ng bahay at naglilibot ng tingin ay parang pamilyar ang nararamdaman ko.
Ganitong-ganito rin ang naramdaman ko noong unang beses akong dinala ni Lukas sa bahay nila noong college.
Ramdam ko ang... kaba, pagkamangha, medyo tuwa, at maliit na porsyentong nagsasabi sa akin na malayong-malayo ang estado namin ni Lukas sa buhay. Ni minsan ay hindi ipinamukha sa akin ni Lukas na nasa itaas siya at nasa ibaba ako, pero ramdam ko iyon. Ako mismo ang nangmamaliit sa sarili ko at sa buhay ko.
"Cairo, let's head upstairs?" Tawag sa akin ni Lukas. Agad akong nagbaling ng tingin sa kaniya bago tumango.
Agad akong naglakad palapit sa kaniya at sinundan siya sa hagdan. Pero nakakailang hakbang palang kami ay tumigil ito at lumingon sa baba, "Ethan, occupy the room just next to the master's bedroom. Para kapag may kailangan ka, makakapagsabi ka agad." ani niya at bahagyang nagparte ang labi ko na agad ko rin itinikom bago naglayo ng tingin.
Ethan nanaman. Ethan! Ethan! Ethan!
Habang naghihintay ng hapunan ay umidlip si Lukas sa tabi ko sa kama. Nakayapos-yapos pa ito sa beywang ko habang ako itong nakatulala lang sa kisame.
Sabihin ko ba sa kaniya? Pero baka isipin niya masyado akong... seloso. Baka gawin niyang big deal at magdulot pa ng ayaw namin. O di naman kaya ay baka si Ethan ang pagdiskitahan niya.
Na-alala ko bigla ang sabi ni Grey na baka sisantehin ito ni Lukas kapag nalaman niyang nagseselos ako.
Ang gulo!! Hindi ko alam ang gagawin ko! Nagseselos ako— hindi, nanggagalaiti na ako sa selos! Pero sa kabila nito, ang tanda ko na para magselos! Trentahin na ako, oh! Tapos yung Ethan mukhang nasa... mga 27 palang— basta wala sa 30!
Napalingon ako sa pinto nang may kumatok doon, "Sir Lux, handa na po ang hapunan. Nakahain na po sa lamesa." ani ng isang kasambahay bago narinig ko ang yabag ng mga paa nito na naglakad paalis.
Paglabas namin ni Lukas ng kwarto ay saktong labas din ni Ethan sa pintuan ng kwarto niya. Hindi kagaya ng suot nito buong araw na naka-slacks, polo, at blazer, naka-shorts at t-shirt nalang ito ngayon.
"Sakto, Ethan, kakain na. Halika na sa baba." Aya ni Lukas dito bago bumaba na ng hagdan.
Kahit ang dami at ang sasarap ng pagkain. Hindi ko magawang kumalma o mapanatag. Malayo naman sa amin si Ethan, wala naman itong ginagawang mali pero iba talaga ang kulo ng dugo ko.
Gusto ko nang mapanatag.
Pero nakakapagtaka kasi ang taglay nitong pagiging tahimik. Medyo nakakatakot siya. Yung tipong 'silent but deadly'. Ganun ang nakikita at nararamdaman ko sa kaniya.
Praning ako, oo. Seloso ako, oo. Pero anong magagawa ko?
"Dessert, Cai?" Inalok ako ni Lukas ng cake.
Nagpilit ako ng ngiti sa labi bago agad tumango at pinanood siyang lagyan ako ng cake sa pinggan.
Wala talagang gutom kay Lukas. Magkano kaya ang nagagastos niya sa isang buwan para lang sa pagkain? Siguro halos kasing laki ng sweldo ko sa isang buwan. O hindi naman? OA naman ako dun. Malaki naman nag sweldo ko. Pangmayaman na halos yung halaga ng sweldo. Kaso yung utang ko, pang-hampas lupa rin ang halaga.
Hindi natapos sa isang cake ang dessert. Kung gaano karami ang ulam, ganun din karami ang dessert.
Kahit pagod na ako sa kakalakad namin buong araw. Hindi muna ako nahiga sa kama nang bumalik kami sa kwarto pagkatapos kumain. Naglakad-lakad muna ako sa terrace at nagpahangin habang si Lukas itong mahimbing nang natutulog.
Mula sa terrace ay tanaw ang bintana sa kwarto kung nasaan si Ethan. At mula doon ay kita kong nakabukas pa ang ilaw doon at na-aaninag ko itong nasa lamesa at nakaharap sa computer.
Gabi na, ah? Mag e-eleven na ng gabi, may trabaho pa rin siya? Yung boss niya kanina pa naghihilik, tapos siya nagtatrabaho pa rin?
Hindi ko na ito hinintay matapos, pumasok na rin ako pabalik sa kwarto at pinatay ang lampshade bago tinabihan si Lukas sa kama at nagpahinga na.
Bandang madaling araw ay naalimpungatan ako para umihi. Pero nang malingunan ko ang puwesto kung nasaan si Lukas kanina ay wala ito.
Pagpasok ko ng banyo ay wala rin siya rito kaya pagkatapos kong umihi ay lumabas ako ng kwarto. Madilim na ang 3rd floor ng bahay. May ilaw na nanggagaling sa baba pero wala akong makitang tao.
Napansin ko ang maliit na ilaw na nanggagaling sa kwarto ni Ethan mula sa baba ng pinto. Nasundan ito ng mahinang boses na sigurado akong boses ni Lukas.
Lumakas ang kalabog ng dibdib ko.
Kakakape ko 'to sa trabaho, eh. Kakapanood ko ng mga drama sa Facebook reels kaya kung anu-ano ang iniisip ko. Letcheng mga portrait, Chinese o American drama na 'yan!
Marahan akong humakbang palapit sa pinto. Sinubukan ko pang intindihin kung ano ang mga sinasabi nila sa loob pero wala akong marinig na maayos.
Hindi na ako kumatok, binuksan ko nalang ang pinto at nakitang naka-upo sa kama si Lukas habang si Ethan ay nakatayo harap nito at nakapameywang.
"Cairo...! Bakit gising ka pa?" Agad napatayo si Lukas mula sa kama.
Tumaas ang isa kong kilay, "Ikaw? Bakit gising ka pa?" May bahid ng inis sa boses ko. Sumandal ako sa door frame at pinag-cross ang mga braso sa harap ng dibdib.
May itinuro si Lukas sa likod niya, si Ethan o yung computer, maalin sa dalawa.
"May tinatapos kasing report si Ethan, kailangan ako kaya pinuntahan ko na." sagot niya at muling umangat ang kilay ko.
"Pinuntahan mo nalang? Ganun?" Naramdaman kong umigting ang panga ko.
Kalma, Cairo, kumalma ka. Napaka-OA mo talaga. Be the bigger person! Mas matanda ka sa dalawang 'yan!
Tumango si Lukas, "Na-alala ko kasi na may report siyang ipapasa mamayang umaga. Naisip ko baka hindi pa tapos kaya binisita ko. Sakto na may kailangan siya sa'kin. Malapit na rin 'tong matapos, babalik na ako sa kwarto." sagot niya at hindi ko napigilan ang sarili ko na umismid.
"Bahala ka sa buhay mo, matanda kana." Iyon nalang ang nasabi ko bago sila tinalikuran at naglakad pabalik ng kwarto.
Hindi ko pa naisasara ang pinto nang marinig ko ang boses ni Lukas na tumatawag.
"Cairo, saglit!" Agad nitong hinarangan ng kamay ang pinto.
Nakita ko ang nag-aalala nitong ekspresyon, ang nakataas ang magkabilang kilay at mukhang natataranta pa.
"Ano?" tanong ko rito nang walang kabuhay-buhay.
Napakamot si Lukas sa batok, "May problema ba—"
"Oo, Lukas, meron akong problema. Nagseselos ako sa Ethan na 'yan. Lagi mong kasama! Laging nakabuntot sa'yo! Gusto niya na siya lagi ang mag-aasikaso sa mga kailangan mo! Alam kong secretary mo siya pero parang hindi mo lang siya secretary! Eh ano ako rito?! Saan ako lulugar kung sa paningin ko, asawa ang asta ng Ethan na 'yan sa'yo?!"
------
a/n: hindi na ako nakatiis, kailangan ko mag update or mababaliw na ako HAHAHAH, see you sa March 12-15 gais skskskks
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co