Truyen3h.Co

What Our Love Cost

Chapter 21

_Dominous_



Cairo's POV

Lumabas ang isang singhal sa labi ko pagkatapos kong mailabas ang bumabagabag sa akin. Malalim ang bawat paghinga ko at kitang-kita ko sa baba ng mata ko ang pagtaas-baba ng dibdib ko habang diretsong nakatingin sa mga gulat na mata ni Lukas.

Kung kaya lang umusok ng ilong ko, mukha na akong toro na nagninitnit sa galit ngayon.

"Nagseselos ka kay Ethan—"

"Pucha naman, Lukas! Oo nga! Nagseselos ako sa secretary mo na 'yan!" Napahilamos ako ng mukha bago siya tinalikuran at naglakad palapit sa kama habang sapo-sapo ang noo ko, "Pinigilan ko, okay? Sinubukan kong hindi magselos! Sinubukan kong... isawalang-bahala! Pero natatakot ako!"

Nang muli ko siyang harapin ay dalawang metro nalang ang layo sa akin nito at mukhang hinabol pa ako. Nakataas ang magkalapit na dulo ng kilay niya habang magkaparte ang mga labi.

Tumikhim ako, "Natakot ako na baka... dahil mas matagal kayong magkasama, dahil noong mga panahon na magkalayo tayo ay siya ang nandiyan, baka ma-realize mo na siya nalang!" sigaw ko bago muling napahilamos sa mukha.

Humakbang si Lukas palapit sa akin, "Siya nalang ang ano?"

"Awan! Piliin mo! Gustohin mo! Awan! Hindi ko alam! Basta natatakot ako! Natatakot ako na baka mawala ka ulit sa akin— pero yun ang nakakainis! Naiinis ako dahil natatakot akong mawala ka nanaman kahit alam kong kaya ko naman na wala ka! Pero ayoko!"

Marahas kong nakamot ang tuktok ng ulo ko habang nararamdaman ko ang paninikip ng lalamunan ko at pamamasa ng mga mata ko.

Ayoko ng ganito! Ayoko yung kailangan kong ipaliwanag at sabihin ang nararamdaman ko dahil hindi naman ako sanay!

Hindi ako sanay na sabihin ang problema ko! Hindi ako sanay magreklamo!

Hindi ko na namalayan na umaagos na pala ang luha sa pisnge ko. Masyadong... mahirap sa akin. Hindi ko alam kung ano bang tamang salita ang sasabihin para lang malaman niya ang kung ano ang tumatakbo sa utak ko dahil hindi naman ako sanay na ipahayag ang nasa isip ko. Pero gusto ko nang mawala 'to! Gusto ko nang... sabihin sa kaniya kung anong problema dahil natatakot ako na baka kapag hindi ko nagawa ay mawala rin siya sa akin.

Takot nanaman ako! Lagi nalang akong natatakot! Ang duwag-duwag ko!

"Hey, hey! Hey! Cairo!"

Napalunok ako ng laway at agad na napasapo sa dibdib ko. Naramdaman ko ang panghihina ng tuhod ko at ang utay-utay kong pagbagsak sa sahig. Agad akong sinalo ni Lukas bago ako tuluyang bumagsak sa may kanto ng kama.

Hindi ako makahinga, pero humihinga ako. Sunod-sunod iyon, pero ang bawat isa ay mabigat na para bang hinahabol ako. Sinubukan kong bumunot ng malalim na hininga, subalit kapos iyon—kulang.

"Cairo," inalog ni Lukas ang katawan ko. Nang tingalain ko ito, nakaguhit ang pag-aalala sa mukha niya, pero bigla iyong lumabo.

Mariing kong ipinikit ang mata ko sa pagbabakasakali na luminaw ulit iyon, pero bigo ako.

Naramdaman ko na ang panghihina ng katawan ko. Ang pagkakahawak sa akin ni Lukas sa braso ay humigpit na nasundan ng pagsigaw niya, "Yaya! Tulong! Ethan! Call an ambulance! Now!"

Umiling ako. Kahit alam kong hindi ako mapapansin ni Lukas ay umiling ako.

Hindi ko kailangan ng ambulansya. Hindi ko... kailangan ng tulong.

Kahit nakakaramdam na ng tusok-tusok sa kamay at nanginginig iyon ay pilit kong hinawakan ang kamay ni Lukas na nasa balikat ko, "Gamot..." mahina kong sabi.

Nilingon ako pabalik ni Lukas at hindi na halos maipinta ang mukha nito, "Kailangan ko ng g-gamot... s-sa bag." Ang lakas ng tibok ng puso ko ay nakakabahala na. Pakiramdam ko'y tatalon na ito palabas ng dibdib ko.

"Sir...! Nakatawag na po ako ng ambulansya!" Gumalaw ang mata ko para tingnan si Ethan na humahangos pumasok ng kwarto.

Nilingon ito ni Lukas, "Good, kunin mo yung bag ni Cairo! Bilis! Maghanap ka ng gamot dun!" sigaw dito ni Lukas.

Hindi iyon nakakatulong lalo pa at mas lalo akong natataranta. Hindi na nga ako makahinga nang maayos, tapos pakiramdam ko pa ay gumuguho na ang mundo dahil sa mga pagsigaw ni Lukas.

Kasalanan ko 'to. Kasalanan ko 'to, eh! Dapat hindi ko na sinabi yung nararamdaman ko. Dapat hindi nalang ako nagsalita. Dapat natulog nalang ako!

Hindi ko na sana nasigawan si Lukas at hindi ako humantong sa ganito. HIndi sana ako naghi-hyperventilate sa sahig ngayon habang nagkakagulo ang mga tao sa paligid ko.

"L-Lukas..." mahina kong tawag rito. Ramdam ko ang mga pawis na namumuo sa noo ko habang patuloy ang pagtambol ng puso ko at ang panlalabo ng mga mata ko.

"You'll be fine, Cairo. Isusugod ka naman sa ospital! Ethan, nasaan na!?"

Pinisil ko ang kamay ni Lukas. Gusto kong sabihin sa kaniya na okay lang ako at hindi nila kailangang magkagulo.

Pero nanghihina na ako. Pakiramdam ko'y hinihigop ang lakas at katinuan sa katawan ko. Kahit anong pilit kong huminga ay hindi pa rin iyon sapat. Kahit anong pilit kong palinawin ang paningin ko ay bigo ako hanggang sa tuluyan na iyong nagdilim.

Ang kasunod kong nasilayan ay ang puting kisame ng ospital at ang mga kaibigan kong nakapaligid sa akin.

"Tatawag ako ng doktor," sabi ni Code bago lumabas ng silid. Napapikit ako nang mariin, lalo pa at nasisilaw ako sa puting ilaw.

"Bakit kayo... nandito?" Taka kong tanong kina Hades. Kumpleto sila. Complete attandance, si Hades, si Yago, si Grey, si Code na kaaalis lang pero wala si Lukas.

"Si Lukas?" Taka kong tanong,

Sinubukan kong maupo sa kama pero dahil sa panghihina ng katawan ay kinailangan akong alalayan ni Hades.

"Nasa labas, may inaasikaso lang na papeles mo." sagot ni Grey at napalunok ako ng laway.

"May tubig diyan?" Aabutin ko sana ang bote ng tubig sa bedside table, pero agad iyong kinuha ni Yago at binuksan bago iabot sa akin.

"'Wag ka muna gumalaw-galaw, magpahinga ka muna." Seryoso nitong sabi, nag-aalala.

Pagkatapos kong lagukin ang halos kalahati ng bote ay agad akong nagpahid ng labi at iniabot pabalik sa kaniya ang bote. "Okay lang ako, hindi niyo kailangang pumunta dito lahat," ani ko sa mga ito habang inaalalayan ako ni Grey na humiga ulit.

Bumuntong-hininga si Hades bago sinuklay-suklay ang buhok ko, "Paanong hindi kami mapapasugod dito, kalagitnaan ng gabi, tumawag si Lukas, isusugod ka raw sa ospital. Akala namin kung ano na kasi wala na halos kaming maintindihan sa sinasabi niya." Gumuhit ang maliit na ngisi sa labi ni Hades na bahagya ko ring ikinatawa.

"Praning talaga yung isang yun. Nag-aaway lang naman kami, eh." ani ko bago bahagyang ipipnikit ang mata ko.

"Oo nga raw, naikwento niya na sa amin habang nag-iiyak kanina," ani ni Grey na ikinamulagat ng mata ko.

"Umiiyak si Lukas?!" Gulat kong tanong,

HInawakan ako ni Hades sa balikat, "O, kalma ka lang. Oo, nag-iiyak yung isa, sinisisi yung sarili niya kaya ka raw inatake ng sakit mo." Malumanay nitong sabi.

Nagparte ang labi ko bago bumagsak ang magkabilang braso. "Hindi naman niya kasalanan 'yon. Kasalanan ko na nagseselos ako—"

"Okay, that's enough. Walang may kasalanan sa inyo, okay? Normal 'yan. Normal ang magselos, ang magkatampuhan, ang mag-away." Putol sa akin ni Grey.

"Ang may kasalanan talaga dito ay yung Etha— aray!" Napadaing si Yago at napasapo sa sikmura niya nang sikuhin ng asawa.

"Alam naman ni Lukas ang tungkol sa sakit mo, 'di ba?" tanong ni Hades.

Tiningala ko ito bago ipinagdikit ang mga labi sa isa't-isa at nagkibit-balikat. "Alam niya noon. Hindi ko alam kung nakalimutan na ba niya." sagot ko at tumango ang tatlo.

Akala ko'y si Lukas na ang papasok nang bumukas ang pinto. Pero si Code ito at kasunod ang isang doktor.

"You had an extreme hyperventilation attack, Mr Velasco. According to your records, you have a history with these same situations. Have you been taking medicines or perhaps maintenance?" tanong nito.

Si Grey ay agad akong nilingon at pinagtaasan ng isang kilay na para bang kapag hindi nito nagustuhan ang sagot ko ay bubungangaan ako nito.

Umiling ako, "Wala po akong maintenance, Doc. Umiinom lang ako ng gamot kapag inaatake ako." Pag-amin ko.

Nakita kong bumagsak ang magkabilang balikat ni Grey bago napapikit nang mariin.

"Mr Velasco, I know hyperventilation syndrome is not as dangerous and as lethal as other illnesses. But you have a history of heart failure. Alam mo na kapag inaatake ka ng hyperventilation mo, naninikip ang dibdib mo, hindi ka makahinga, at posible na natatakot ka. And all those things could lead to a heart attack." Malumanay ang pagkakasabi nito ng doktor, pero bakas din sa boses nito ang pag-aalala.

"I recommend you see a psychiatrist to have you checked for possible panic attack syndromes, or if there's a possibility, you would be prescribed maintenance. The person who signed your papers said you've been diagnosed with hyperventilation syndrome during your college years, which was a decade ago. Madalas ka bang atakihin ng ganito?" tanong niya at bahagyang nagparte ang labi ko.

"U-Uhm... sobrang... dalang lang po, Doc." Hindi ko siguradong sagot.

May mga gabing naiiyak nalang ako mag-isa, hindi makahinga at pakiramdam ko'y hinihigop ang buhay mula sa katawan ko. Pero hindi ko alam kung hyperventilation ba iyon o nagda-drama lang ako. Madalas kong isipin na simpleng stress lang iyon, kaya hindi ko talaga masabi kung madalas ba akong atakihin ng sakit ko.

"That's all I could do and say, Mr Velasco, but I encourage you to see a psychiatrist, okay?" Tumango ako sa sinabi ng doktor.

Nagpaalam na ito at si Code pa ang naghatid dito sa may pintuan bago rin lumapit pabalik sa kama ko.

"Wala lang naman 'to, eh—"

"Paano kapag inatake ka sa puso bigla? Namatay ka? Wala ka na rin." May bahid ng inis sa boses ni Grey na naka-cross na ang mga braso sa harap ng dibdib niya.

Napahilamos sa mukha si Hades, "Cai naman... hindi ka pwedeng mamatay...!" May panggigil sa boses ni Hades.

Napahagikhik naman ako, "Hindi naman ako mamatay." Tinanguan ko siya.

Si Yago na nakakapit sa beywang ng asawa ay napabuntong-hininga, "Pero kung ganun ang sakit mo at pwedeng mag-cause ng atake sa puso, baka mamatay ka Cairo. At... hindi naman alam ang gagawin namin kapag nangyari 'yon."

Pinagmasdan ko silang apat na nakatingin sa akin at pare-parehas na bagsak ang mga balikat at ekspresyon.

Naisip ko bigla na kung mamatay man ako at nasa kabaong na ay ganito ang mga hitsura nalang kapag pinagmamasdan ang katawan ko. Baka matawa ako at mapabangon bigla mula sa ataul.

"We can't lose you, Cairo. I can't. And I know you're very... strong and brave, pero hindi natin masasabi ang oras. So please, consider what the doctor said and see a psychiatrist. You're not getting younger, Cai. Tumatanda na tayong anim." Seryosong sabi ni Grey. Pinagmasdan ko ang mukha nito at nakita ang bahagyang pagkinang ng mga mata niya.

Inakbayan ni Code ang asawa, "If you need help, tutulong kami. If you want the best doctor, we'll find you the best doctor. Just... prioritize your health, Cairo." Isa pa si Code na mukhang paiyak na kagaya ng asawa.

Napabuntong-hininga ako bago tumingala sa kisame, "Pag-iisipan ko." sagot ko at may narinig akong sumaltik ang dila habang si Grey itong napasubsob sa kama.

"Cai naman, eh!" Nang mag-angat ito ng mukha ay lumuluha na ito.

Napangisi ako, "Oo na! Oo na! Magpapatingin na! Kung maka-react kayo, parang mamatay na ako! Ang lakas-lakas ko kaya! Tsaka normal lang yun. Hindi lang agad ako naka-inom ng gamot kaya naging seryoso. Pero kung naka-inom agad ako, hindi niyo kailangang pumunta rito dahil okay lang ako." Natatawa kong sabi.

Ito talagang mag-to. Masyadong dramatic. Mga OA. Kaya ba kami naging magkakaibigan kasi pare-parehas kaming may saltik? Walang napag-iwanan?

Nang bumukas ang pinto ay pare-parehas kaming napalingon sa direksyon nito. Si Lukas iyon, magulo ang buhok, mugto ang mata at gusot pa ang kwelyo ng damit.

"Cairo...!" Nang magtagpo ang mga mata namin ay agad itong napaharipas ng takbo palapit sa akin.

"Natakot ako!" Mahigpit ako nitong niyakap bago humagulgol sa leeg ko.

Naiilang akong tumingin sa mga kaibigan ko na mukhang matatawa na. Si Yago ay agad na napasapo sa mukha na agad na nakaani ng hampas sa asawa habang ang mag-asawang Costa at Chua ay napailing-iling habang nakangisi.

"Wala ka nang dapat ikaselos. Sinisante ko na si Ethan—"

"Ano?!!" Napasigaw ako. Talagang sigaw na lahat sila ay napaigtad.

Nag-angat ng ulo si Lukas mula sa pagkakasubsob sa leeg ko at suminghot pa, "Bakit? Iyon naman ang gusto mo diba?" tanong nito, mugto ang mata at may sipon sa may butas ng ilong.

Napangiwi ako, "Hindi ah! Wala akong sinabi! Bakit mo sinisante si Ethan?! Paano na ang trabaho niya?!" Naramdaman ko nanaman nag bilis ng tibok ng puso ko pero hindi sa galit kundi sa pagkataranta.

Jusko! May nawalan ng trabaho dahil sa akin?! Dahil lang nagselos ako?! Jusko! Hindi ko kaya!

"Pabalikin mo si Ethan! Bawiin mo yung pagsisante mo sa kaniya! Sinasabi ko talaga sa'yo, Lukas!" Naghi-hysterical na ako rito.

Naabala ko na nga ang mga kaibigan namin dahil lang isinugod ako sa ospital. Tapos ngayon may nasisante pa?! Masyado na akong pa-special! Masyado akong pa-main character dito!

"Cai, kumalma ka muna—" Naitikom ni Hades ang labi niya nang marahas ko itong nilingon habang nanlilisik ang mata.

Nagbalik ako ng tingin kay Lukas, "Tawagan mo si Ethan, pabalikin mo rito, gusto ko siyang makausap." Kalmado ngunit maraan kong sabi.

"Pero Cai—"

"Lukas," napapikit ako nang mariin at bumunot ng isang malalim na buntong-hininga, "Gusto kong makausap si Ethan. Pero gusto ko rin na ibalik mo siya sa trabaho." Dagdag ko.

Suminghot si Lukas bago marahan na tumango at lumayo mula sa pagkakasubsob sa akin.

Dahil alas sais na ng umaga at alam kong hindi na ako makakapasok ng trabaho ay si Grey na ang nagpaalam para sa pagkawala ko. Dinala nito ang health certificate ko galing dito sa ospital sa Cavite papuntang Binondo.

Ang mag-asawang Hades at Yago ay nagpaalam na rin dahil may pasok pa ang mga anak nila na kasama nila sa pagpunta rito sa Cavite.

Kainis talaga. Masyado na akong pabigat. Ayaw ko ng ganito. Ang bigat-bigat lalo sa pakiramdam. Pinakiusapan ko na rin ang mga kaibigan ko na huwag ipaalam kay Athena ang nangyari dahil mag-aalala lang ito sa akin. Ayaw ko nang dagdagan pa ang problema at isipin ni Athena. At ayaw ko rin na mag-alala sa akin si Gian.

Ayaw ko lang na may nag-aalala sa akin at nagiging pabigat at alagain ako. Hindi ako sanay— hindi ako masasanay.

Saglit na umalis si Lukas para kumuha ng pagkain at gamit ko sa bahay niya. Nagsabi rin ito na baka matatagalan siya, kaya nagtaka ako nang may kumatok sa pinto mga bandang alas onse.

"Dr. Velasco?" Dahan-dahan bumukas ang pinto.

Nakatungong pumasok si Ethan at isinara ang pinto sa likod niya. "Gusto niyo raw po akong makausap, sabi ni Sir Lux?" Mahinhin nitong sabi habang pinaglalaruan ang mga daliri at nanatiling nakatungo.

Bahagyang gumuhit ang maliit na ngiti sa labi ko, "Halika, lapit ka." Malambing kong tawag rito.

Marahan itong humakbang palapit, ang pagtama ng sapatos nito sa sahig ay halos mag-echo sa buong silid.

"Upo ka," sabi ko rito nang tumigil lang ito sa gilid ng kama.

"Ah, okay lang po," tanggi nito at napabuntong-hininga ako. "May kapatid ka ba, Ethan?" tanong ko sa kaniya.

Nakatungo pa rin ito bago tumango, "Meron po, Doc," sagot niya,

"Ilan?"

"Apat po, Doc. Ako ang panganay." sagot niya at utay-utay akong napatango.

"Breadwinner ka?" tanong ko at muli siyang tumango, nakatungo pa rin.

"Ikaw ang provider? Ng lahat?" tanong ko ulit at tumango siya,

"Tricycle driver po ang tatay ko, baon sa utang, si Mama naman, labandera. Yung sumunod sa'kin, college na delayed dahil nagkaanak. Yung tatlo po, college, senior high at junior high." Sagot niya at nagparte ang labi ko.

Kung iniisip ko na mahirap na ang buhay ko, may mas naghihirap pa pala sa'kin.

Napalunok ako ng laway bago bahagyang ini-adjust ang pagkaka-upo ko sa kama, "Tama lang pala ang ipinagawa ko kay Lukas." ani ko na ikina-angat ng ulo niya.

Bakas sa mukha nito ang lungkot at bahid ng takot, "Dr. Velasco, wala po akong interest kay Sir Lux. Nagtatrabaho lang po ako at malinis ang intensyon ko. Humihingi po ako ng tawad kung may nagawa man po ako na ikinaselos niyo o hindi niyo nagustuhan—"

"Ethan, Ethan," Putol ko rito lalo pa at mukhang malapit na itong umiyak.

"Sinabihan ko si Lukas na bawiin ang pagsisante sa iyo at ibalik ka sa kumpanya." Dagdag ko na ikinamulagat ng mata niya.

"P-Po? Hindi na po ako mawawalan ng trabaho?" tanong niya at agad akong tumango. "Ipinapabawi ko sa kaniya. Padalos-dalos din kasi magdesisyon si Lukas, eh. Nataranta lang yun at nag-alala kaya siguro na sisante ka." ani ko bago nasundan ng pagguhit ng ngiti sa labi ko.

Suminghot si Ethan bago napahilamos sa mukha, "Thank you, Dr. Velasco. I assure you, I don't have any feelings for Mr Lux and I won't break even the smallest trust you have in me."

Kulang nalang ay lumuhod ito sa gilid ko at kung gagawin man niya ay mapapabalikwas ako ng bangon sa sahig para lang pigilan siya.

"Ang totoo po niyan, minsan ko nang pinagselosan si Mr. Lux."

Bahagyang napakunot ang noo ko at naikiling ang ulo, "Anong ibig mong sabihin?" Mariin ngunit taka kong tanong sa kaniya.

Tumikhim si Ethan at inayos ang suot niyang salamin, "Pinagselosan ko po si Sir Lux noong mga panahon na ex-boyfriend ko palang ang nagta-trabaho para sa kaniya." Sagot niya, at doon ay agad akong napabangon mula sa pagkakasandal sa headboard.

Namilog ang mata ni Ethan at agad sa akin napalapit, "D-Dr. Velasco, dahan-dahan po kayo sa paggalaw!" Taranta nitong sabi at sinubukan pa akong ihiga pabalik ng kama.

"Sandali, sandali...!" Binawi ko sa kaniya ang braso ko.

"May ex-boyfriend ka na nagtatrabaho kay Lukas?" Taka at gulat kong tanong.

Mas na-intriga na ako rito! At kapag sinabi niya, baka maging close pa kami dahil lang sa kwento ng buhay niya!

Naitikom ni Ethan ang labi niya bago tumango, "Nauna po na magtrabaho sa kumpanya ng mga Conde ang ex-boyfriend ko. Tapos... may mga panahon na mas inuuna niyang magtrabaho kaysa... samahan ako sa anniversary namin o di naman kaya ay birthday ko. Tapos... noong nakilala ko si Sir Lux, masyado kasi siyang mabait," ani nito habang pinaglalaruan ang mga daliri niya.

Tumango ako, "Oh? Tapos?" 'Wag mo 'kong binibitin, Ethan! Mag-aaway tayo!

Bahagyang napangisi si Ethan, "Pinagselosan ko lang po siya kasi nakita ko kung gaano siya ka-close sa ex-boyfriend ko. Palaging nakangiti sa kaniya si Sir Lux. Palaging nakabungisngis at tumatawa. Nainis po ako doon at nagselos, kaya pumasok din ako sa mga Conde at maswerte na naging secretary pa ni Sir Lux. Noong una po, gusto ko lang malaman kung may namamagitan ba talaga sa kanila ni... ng ex-boyfriend ko. Kaso... parehas na kaming naging busy dahil maayos din naman po ang trabaho ko at malaki ang sweldo. Kaya... naghiwalay kami at tumagal na ako sa trabaho ko at ganun din siya." Pagkekwento nito.

Nagparte ang labi ko bago muling napasandal sa headboard ng kama, "Sinong ex-boyfriend mo? Nasa office rin?" tanong ko at agad siyang umiling bago inayos ang salamin niyang bahagyang nahuhulog sa may ilong niya.

"Si Mikko po, sa factory. Operation manager siya ng factory." sagot niya at mas lalong nahulog ang panga ko.

Ang dramatic naman ng love story nila! May potential maging teleserye! Mas interesting pa 'yon kaysa sa love story namin ni Lukas, eh!

"Alam ni Lukas?" tanong ko at umiling siya, "Pwede ko i-kwento?" Kasunod kong tanong.

Mukhang nagulat pa si Ethan at natigilan bago bahagyang umangat ang gilid ng labi at kumawala ang isang buntong-hininga sa labi, "Kayo po ang bahala. Okay na rin naman po ako at mas nakatuon ang atensyon ko sa pamilya ko," sagot niya at bahagya akong napangirit.

"Ilang taon kana ba, Ethan?" tanong ko bago pinag-cross ang braso ko.

"27 po—"

"Sus, magkakabalikan pa kayo niyang Mikko na 'yan. Tingnan mo kami ni Lukas, isang dekada bago nagka-ayos ulit. Thirty-three na ako, si Lukas thirty-two, pero nagkakamabutihan ulit kami. May chance pa kayo niyang Mikko na 'yan." ani ko rito at nang mag-angat ito ng tingin sa akin ay mukhang hindi siya naniniwala sa sinasabi ko at kung gugustohin ay baka irapan pa ako nito.

"Pero curious ako, anong dahilan ng paghihiwalay niyo? Drift apart lang? Ganun? Naging busy sa buhay? Nag-away kayo?" tanong ko at umiling si Ethan,

"We actually—"

Parehas kaming napalingon ni Ethan sa pinto nang pumasok si Lukas ng kwarto. Unang nagtagpo ang mga mata namin bago naglipat ang tingin niya kay Ethan.

"O-Oh, Ethan, kanina ka pa rito?" May paghangos sa boses niya at muntik-muntikan pang matisod sa pagmamadaling lumapit sa amin.

"Hindi naman po, Sir Lux, kani-kanina lang." sagot ni Ethan.

Kahit kaharap ni Lukas si Ethan ay sa akin ito nakatingin at sinesensayan pa ako at pahapyaw-hapyaw ng tingin ang mata kay Ethan. Hindi ko naman alam kung ano ba ang gusto niyang iparating kaya napangisi nalang ako at nag-thumbs up sa kaniya.

Dahil nabanggit ko na rin naman kay Ethan ang tungkol sa hindi niya pagkawala ng trabaho, sinabihan na rin ito ni Lukas na pumasok nalang sa susunod na araw lalo pa at wala namang official paper na nagsabing sinisante si Ethan. Parang wala nalang nangyari, ganun.

Nagpahinga lang ako ng ilang oras pa sa ospital bago na-discharge. Habang nasa biyahe ay sinubukan ni Lukas na pag-usapan ang sakit ko, pero kinontra ko ito.

"Saka na, kagagaling ko palang, oh. Ayaw ko munang isipin 'yan," ani ko habang ngumunguya ng burger na binili namin sa drive-thru kanina.

Bumuntong-hininga si Lukas habang diretsong nakatingin sa kalsada, "Cairo, iniiwasan mo yung topic. Kapag hindi natin pinag-usapan 'to ngayon, kailan? Sa susunod na araw? Linggo? Buwan? Hanggang sa mawala na sa mga isip natin?" tanong nito.

Noong una gusto ko sana siyang tawanan dahil masyado itong ma-drama at ginagawang big deal ang nangyari, pero nang makita ko ang pagkakakunot ng noo niya at mahigpit niyang kapit sa manibela ay napatikhim ako at inayos ang pagkaka-upo sa sasakyan.

"Pag-uusapan natin, pag-uwi, pagkapahinga natin." ani ko, mahina at kalmado ang boses.

Tumango si Lukas, "I also told Ethan to look for the best psychiatrist in the city. We want the best doctor to take care of you." he said, voice firm.

I just pursed my lips, took another bite off my burger and hummed.

Mag a-alas tres na ng hapon nang makarating kami sa bahay. Excited na excited pa man din akong makita ang mag-ina dahil may mga dala kaming pagkain galing factory. Pero hindi ko inaasahan ang sitwasyon na madadatnan namin ni Lukas.

"Tito!!" Pumanggahaw si Gian ng iyak at agad itinapon ang sarili sa akin.

"Anong nangyari?!" Napasigaw ako habang pinagmamasdan ang loob ng bahay. Makalat. Magulo. Na para bang hinalungkat ang lahat ng gamit dito.

Si Athena, na nasa sofa, puro pasa ang mukha at putok ang labi, ay nanatiling tahimik at nakatungo.

Humagulgol si Gian habang nakasubsob sa dibdib ko, "May dumating na mga lalaki, Tito! Pinilit nilang pumasok ng bahay at naghahanap ng pera. Wala naman kaming pera! Tapos binugbog nila si Mama, Tito! Ayaw ko na rito! Alis na tayo rito!" 

--------

a/n: hai gais!!! medyo late na update, may mga inasikaso pa kasi ako and may prelims pa ako this coming week huhuhuhuhuhu busy talaga ang kolehiyalang ito T_T, pero kapit lang gais, kasi wala akong choice HAHAHAHAAHHA anyways, sana na-enjoy niyo ito, baka mabilis lang ang kasunod nitong chapter kaya kapit lang sksksk

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co