Truyen3h.Co

Inuman

Kabanata 6

Maasim2

Inuman sa Construction Site

TYRONE'S POV

Pagmulat ko ng mga mata ko, naramdaman ko agad ang sakit sa balikat ko, para ngang buhat ko pa rin ang mga hollow blocks mula kahapon.

Tangina naman kase, ang hirap ng trabaho sa construction. Kahit noon pa namin itong ginagawa simula nang matuto kaming kumayod, nakakapagod pa rin ng katawan. Pero hindi pwede ang mag-reklamo.

Ganito talaga ang buhay... kailangan mong kumayod nang sa ganoon ay may makain ka, at mayroon ding maipakain sa pamilya mong umaasa sa 'yo.

Nag-inat ako at napansin kong gising na rin si Baldo. Nakaupo siya sa gilid, hawak ang tsinelas na parang iniisip kung isuot ba o hindi.

“Bal, bakit parang ‘di ka nakatulog?” tanong ko habang iniunat ang likod ko.

“Eh ang ingay ni Jerome kagabi. Ang lakas humilik. Akala mo tren ang letse,” reklamo niya.

“Hoy, gago, naririnig kita!” untag ni Jerome mula sa kabilang dulo ng higaan. Bumangon ito saka nag-inat, “Hindi ako ang humihilik, ikaw ‘yun, Baldo!”

Napailing na lang ako.

Pagdating sa construction site, agad kaming nagkanya-kanyang trabaho. Maaga kaming nagsimula dahil wala ang foreman namin ngayon. Ang sabi, may personal siyang lakad, kaya’t pinasa niya ang responsibilidad sa amin. Wala namang problema. Sanay na kami sa sistema rito.

Si Baldo ang nagbuhat ng mga bakal papunta sa timplahan, habang si Jerome at ako ang naghalo ng semento. Si Sam naman ang tahimik na nagtutuwid ng mga rebar. Ganoon talaga siya, hindi palakibo, pero laging maaasahan sa trabaho. Si Sam na 'yan eh.

“Hoy, Ty, bilisan mo nga diyan,” sigaw ni Jerome habang pinapawisan na. “Kung ikaw lang ang gagawa, baka bukas pa ‘to matapos!”

“Ulol, baka naman ikaw ang nagtatamad-tamaran!” rebat ko, sabay buhos ng tubig sa halo.

Walang humpay ang alingawngaw ng mga martilyo at makina sa paligid. Nakakapagod. Buti nalang at puro asaran ang aming ginagawa kaya nababawasan ang pagod na nararamdaman namin. Halos tapos na nga ang araw, pero hindi pa rin natitigil ang bunganga ng mga kasama ko. Syempre ako ang malala!

“Hoy, Jerome! Puro satsat, wala ka namang natatapos!” sigaw ko habang hinahakot ang mga kahoy na gagamitin para sa scaffolding. Ang gago, nakangisi lang habang nagpupunas ng pawis gamit ang basahan.

“Ulol! Tignan mo nga ‘tong poste na ‘to! Ako lahat gumawa, baka nakakalimutan mo!” depensa niya, sabay hampas sa bakal. Tumawa siya nang malakas, at pati si Baldo napahinto sa pagbubuhat ng sako para maki-asar.

“Hoy, hoy, tama na ‘yan!” singit ni Baldo, pawisan na rin, ngunit alam ko nang humihigop na ng lakas ng loob para mang-asar. “Kalalake niyong tao, ang iingay niyo. Pinaglihi ba kayo sa manok?! Putak nang putak!”

“Kasama ka doon, Bal,” singit ni Sam mula sa gilid, pinatamaan si Baldo.

Nagtawanan kaming lahat maliban kay Baldo na naka-busangot.

Nasa ganoon kaming posisyon nang biglang mag-ring ang telepono ng site office. Nagmamadaling lumapit si kuya Ramon, isa sa mga senior namin, at sinagot ito. Maya-maya, lumapit siya sa amin.

“Mga bata, hindi darating si Mang Ipe ngayon,” imporma niya, tinutukoy ang foreman namin. “Maaga daw kayong magligpit. Basta siguraduhin niyo lang na malinis ang site bukas ng umaga.”

Parang may sumabog na paputok sa ulo naming lahat.

“Putangina, maaga tayong uuwi!” sigaw ni Jerome, sabay taas nito ng kamao.

“Ay hindi,” saad ko, kunwari seryoso. “Hindi tayo uuwi. Mag-iinuman tayo dito!”

Tumawa ang lahat, pero alam kong pabor silang lahat sa ideya ko. Bakit hindi?

...iyon ang akala ko.

Tumanggi ang mga kasamahan namin. Kaya ang natira ay kaming apat lang.

Agad kaming nagligpit ng mga gamit. Pagkatapos ay kumain kami sa malapit na karenderya na bukas bente-quatro oras.

Matapos iyon, kumuha si Baldo ng isang latang may kaunting natirang semento at ginawang upuan. Si Tyrone naman, sinimulan nang buksan ang gin na binili namin sa tindahan.

“Alam niyo, mga pre,” sambit ko habang lumalagok ng alak. Hindi ako makatiis na hindi nagsasalita, pakiramdam ko kase ay nangangati parati ang bibig ko kaya kailangan kong gamitin. Suminghap ako saka nagpatuloy, “Nakakabaliw rin minsan ‘tong trabaho natin. Pero tangina, walang makakapalit sa ganitong tropa.”

“Puwede namang palitan, Ty. Puwede kang mag-apply sa opisina,” sarakastikong ani Baldo.

“Gago ka. Mas bagay akong gumulong sa putik kesa maglagay ng necktie,” sagot ko.

“Halata nga,” si Sam.

Umungos ako, “Hindi man lang tinanggi?”

Umirap si Baldo. “Kailangan pa talaga naming magsinungaling para sa 'yo? Ulok!”

“Je, oh! Inaaway nila ako!” Parang batang nagsumbong ako kay Jerome.

Binatukan niya ako. “Neknek mo!”

Nagtawanan kaming lahat matapos ang biruan.

JEROME'S POV

Habang lumalalim ang gabi, dumaramin na rin ang kwentuhan namin. Ang ilan nga ay paulit-ulit naming naiku-kwento sa isa't isa, ngunit tuwing napag-uusapan namin ay akala mo unang beses pa rin naming narinig at naungkat.

Kalaunan ay nabanggit ni Tyrone na nami-miss na niya ang pamilya niya sa probinsya, saka siya naglabas ng sama ng loob  sa amin kung paano siya ipinatigil ng pag-aaral para magtrabaho dito sa Maynila.

Nakikinig ako at paminsan-minsan ay nakiki-sempatya. Halos pareho kase kami ng istorya ni Tyrone. Ngunit ang kaibahan, ako ang nag-kusang tumigil sa pag-aaral.

Si Baldo naman, ikinuwento ang dati niyang trabaho bilang delivery boy bago pumasok sa construction. Kung paano niya dinanas ang hirap at pambubuyo ng mga senior at manager niya... kung paano siya sinubukang galawin ng boss niya.

Hindi ko nga alam kung bakit hindi pa rin siya galit sa mga bakla kahit ganoon ang sinapit niya. Mababait pa rin siya sa mga ito. Kaya hangang hanga ako kay Baldo, dahil kahit sinto-sinto ay isa siya sa pinaka-mature ang pag-iisip sa aming magto-tropa.

“Eh ikaw, Sam? Paano ka napunta rito?” tanong ni Tyrone, seryoso ngunit may pag-iintindi ang boses habang hinahalo ang yelo sa baso niya.

Nakita ko kung paano lumungkot ang mga mata niya nang magsalita siya. “Simpleng buhay lang ang meron kami. Parang sa inyo lang din. Mapagmahal naman ang mga magulang ko sa mga kapatid ko... pero hindi ko alam kung bakit ganoon nalang nila akong tratuhin.”

Tutok akong nakikinig sa istorya niya. Ngayon niya lang ito nai-kwento sa amin. Ako at si Tyrone ang magkakilala na simula pa noong bata pa kami. Ngunit sina Sam at Baldo ay nakilala namin noong nagsimula na kaming mag-trabaho sa construction sa pamumuno ni Boss Lando. Siya ang una naming naging boss bago kami napunta sa pamamahala ni Boss Carlton. Si Mang Ipe ang naging foreman namin simula noong natanggal ang dating foreman.

Napa-simangot ako. “Bakit naman?”

Gusto kong makinig sa kwento ni Sam. Mahinahon siyang mag-kwento, ang sarap rin sa taenga ng boses niya.

Napansin ko rin ang pagiging pokus ng dalawa kong tropa sa pakikinig. Pinakinggan namin si Sam na mag-kwento.

Napatingin siya sa bote na hawak. “Ang sabe sa akin ni Mama, anak raw ako sa labas ni Papa. Ang totoo ko raw na ina ay isang bayarang babae. Kaya hindi ako minahal kahit isang beses ng mama ko... habang ang papa ko naman ay hindi ako binigyan ng pagkakataong mahalin dahil ako ang nagpapaalala sa pagkakamaling hindi niya na gustong balikan...”

Napalunok ako. May kung ano'ng kurot ang naramdaman ko para kay Sam.

Napakagat ako ng labi. Gusto ko siyang pakalmahin, ngunit hindi ko alam kung paano. Hindi ako sanay sa ganito.

Pinanuod kong aluhin ni Baldo si Sam. Ilang sandali lang nang pumunta rin kami ni Tyrone kay Sam at sabay-sabay kami nina Baldo at Tyrone na niyakap siya.

“Basta ‘to ang tatandaan niyo,” sabi ko matapos makabalik sa pwesto, itinaas ang bote ng gin. “Walang iwanan. Kahit gaano kabigat ‘yung buhay, lahat tayo magtutulungan.”

“Tama si Daddy Jerome!” katyaw ni Tyrone.

“Ulol ka, Ty,” sagot ko, nakangiti na ako. Alam kong kahit puro asaran, pamilya na rin talaga ang tingin ko sa mga ‘to. “Sam, ikaw magbanggit ng mantra natin!”

Napa-higop ng hininga si Sam, ngumiti na siya saka itinaas ang bote. “Walang iwanan?”

Sabay-sabay kaming sumigaw. “Walang iwanan!”

“Sama-samang aangat?” si Sam.

“Sama-samang aangat!”

“Tropa Sibat?” banggit niya sa huling mantra.

Humigop kami ng malalim na hangin. Saka sumigaw, “Tropa Sibat!”

Pagkatapos ng ilang tagay, nagkalat na ang mga gamit namin sa paligid. Baso, bote ng gin, yelo, at pulutang mani na binili ni Tyrone sa karinderya kanina. Pero kahit amoy pawis at alikabok pa kami, tuloy lang ang tawanan at kwentuhan.

Kalaunan ay sinubukan pa ni Baldo na tumayo para magpakitang gilas. Hawak ang bote, tumindig siya na parang isang superhero.

“Mga p're, tignan niyo ‘to!” sigaw niya bago nagkunwaring lalakad sa makitid na bakal na ginagamit sa scaffolding. “Ako si Baldo, ang hari ng construction site!”

“Tangina mo, Bal! Bumaba ka diyan! Kung mahulog ka, wala kang matatanggap na compensation pay!” sita ni Tyrone, subalit halata sa mukha niya na aliw na aliw siya.

Hindi nagtagal, bumaba rin si Baldo saka umupo sa tabi ko. Napapailing ako habang nilalagok ang tagay ko.

“Kailan kaya tayo yayaman?” untag ko kalaunan. Ito ang madalas kong itanong sa sarili ko tuwing mag-isa ako, tuwing kumakain, tuwing naliligo, nagtatrabaho, tuwing may problema...

Tumahimik saglit ang grupo.

Si Tyrone ang unang sumagot habang nakatingin sa boteng hawak. “Ganito na siguro talaga ang buhay ng mga tulad natin, Je. Poreber Dukha. Pero sa totoo lang, okay na rin ako basta kasama kayo.”

“Ang drama mo, Ty,” sabat ni Baldo. Pero alam naming nagbibiro lang siya dahil nakangiti rin ito, hudyat na naunawaan niya ang sagot ni Tyrone. Ganoon rin ako.

Hindi umimik si Sam pero nakitawa rin. Sa kalagitnaan ng aming kwentuhan, biglang nagmungkahi si Tyrone.

“Hoy, pre, kantahan naman tayo!” Hinampas nya ang balikat ko. “Je, ikaw ang singer natin ngayon!”

“Ako na naman? Gago ka, ikaw na lang!” sagot ko. Pero kalaunan ay kumanta na rin ako.

Kinuha ko ang kawali na parang tambol at sinimulan ang masarap na pagtugtog. Kumanta rin ako ng Sa Ngalan ng Pag-Ibig ng December Avenue.

Si Tyrone naman ay tumayo at nagpakawala sumayaw. Pumutok ang tawanan nang magsimula siyang sumayaw sa gitna ng construction site.

Hindi ko alam ang nangyayari. Ngunit habang pinapanuod ko siya sa mga oras na iyon, napapangiti ako.

Habang tumatagal, unti-unti nang gumagapang ang tama ng alak. Lahat ng tawanan, asaran, at kantahan ay napuntang muli sa kwentuhan. Biglang nanahimik si Baldo. Ganoon din si Sam mukhang nag-iisip ng malalim habang nakatingin sa sahig.

“Hoy, Bal,” tawag ko ng pansin, itinaas ang baso ko sa direksyon niya. “Ba’t parang ang seryoso mo diyan?”

Tumingin siya sa akin, at saglit na ngumiti. “Wala, Je. Napaisip lang ako. Parang nakaka-miss maging bata, 'no?”

“Tangina ka, hindi na tayo babalik sa pagkabata,” ani Tyrone.

“Oo nga,” sagot ni Baldo, “Pero syempre, gusto ko rin magpahinga. Alam mo ‘yun? Yung walang iniintindi. 'Yung laro lang ang inaatupag buong maghapon. Iyon bang palo lang ng magulang ang problema?”

Napansin ko ang pagkunot ng noo ni Sam sa may gilid ko. Kaya agad kong inilipat ang usapan.

“Hoy, hoy! Tama na ‘yang drama! Eto na lang... sino ang pinaka-mahilig mag-jabol sa atin?” Tumawa ako.

“Tangina mo, Je!” sagot ni Tyrone, natatawa. “Alam na ‘yan! Ikaw na ‘yan!”

“Hoy, hindi ah! Si Baldo kaya!” depensa ko sabay turo kay Baldo.

“Ulol, si Tyrone kaya ‘yon!” sabi ni Sam, na sa wakas ay nagsalita rin at nawala na ang lungkot sa mukha.

Nagkatinginan kaming lahat, at biglang sumabog ang tawanan. Alam naming lahat na totoo ang sinabi ni Sam. Si Tyrone nga ang pinakamalibog sa amin. Siya rin ang pinaka-malakas magjakol. Kahit noon pa, nakaka-ilang salsal siya sa isang araw.

Habang tumatagal, mas nagiging malapit ang katawan naming lahat. Hindi ko na ininda, talagang sanay na kami sa ganitong klaseng pagiging komportable. Pero sa isang banda, masarap din ang ganitong pakiramdam.

Sa gitna ng tawanan at kantahan, bigla kong napansin ang tingin ni Sam. Saglit niyang tiningnan si Baldo, pagkatapos ay bumaling sa akin. Parang may gustong sabihin, pero hindi niya masabi.

“Ano 'yon, Sam?” usisa ko.

“Ha? W-Wala ah,” Nag-iwas siya ng tingin.

Hindi ko na pinansin.

Napatigil kami nang may narinig kaming malakas na ingay mula sa kabilang bahagi ng site. Parang may nahulog na bakal. Napatingin kami lahat, pero wala naman kaming nakita.

Bigla akong kinabahan... puta naman.

“Tangina, baka may multo,” biro ni Tyrone, pero ramdam ko ang takot sa boses niya.

“Ulol, duwag ka pala sa multo,” asar ko. Ngunit ilang sandali lang nang may kakaibang lamig sa paligid na siyang nagpatayo sa mga balahibo ko.

Nawala rin kalaunan ang ganoong pakiramdam.

Matapos ang inuman, nagsimula na kaming magligpit. Pero habang abala ang lahat, hindi ko maiwasang mapansin ang bigat ng tingin na tinatapon ni Sam sa akin. Parang may gusto siyang sabihin, pero hindi niya magawang sabihin nang harapan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co