Truyen3h.Co

What Our Love Cost

Chapter 3

_Dominous_

Cairo's POV

"Enrolled na ba si Gian? Kailan ang pasukan nila?" tanong ko kay Athena habang nag-aalmusal ng tuyo.

Si Athena na humahangos sa pag-aayos ng sarili para pumasok ng trabaho ay biglang natigilan. "Ha?" Namilog ang mga mata nito.

Napabuntong-hininga ako bago inilapag ang baso sa lamesa, "Si Gian, kung naka-enroll na ba? Kailan ang pasukan ng school nila?" tanong ko ulit.

Naitikom ni Athena ang labi niya bago napakamot sa ulo, "Hindi pa eh... next week na yata ang pasukan nila." sagot niya at agad nahulog ang panga ko.

"Ano?!" Napasigaw ako.

Agad kumunot ang noo ko at napangiwi ang labi, "Bakit hindi pa?!" Ekasaherada kong tanong.

Napabungisngis si Athena na para bang hindi seryoso ang tanong ko, "Iniisip ko rin kasi na ilipat nalang siya sa mumurahing school. Para alam mo na, bawas gastos." sagot niya at napabuntong-hininga ako bago umirap.

"Saang school? Yung mga magugulo ang bata? Yung aawayin 'yang anak mo? Alam mo naman na napakabait niyan! Hindi yan lalaban sa mga bully!" ani ko at napapikit nang mariin si Athena na para bang naririndi na siya sa akin.

Muli kong dinampot ang baso ng tubig sa lamesa, "I e-enroll ko na—"

"Cairo—"

"Ako na. Ako na ang bahala." Putol ko sa kaniya bago dinampot ang pinggan na pinagkainan ko at tumayo mula sa hapag.

Pumunta ako ng kusina para ilagay ang mga iyon sa lababo habang nakabuntot-buntot sa akin si Athena.

"Cairo, 'wag na. Ako na ang bahala. I e-enroll ko nalang sa ibang school." Parang bata na nagmamaktol si Athena sa likod ko.

Napabuntong-hininga ako bago siya hinarap at nagpameywang, "Bakit mo ba tinitipid yung anak mo? Ang ganda-ganda ng buhay ng anak mo sa school nila. Tapos ililipat mo sa mumurahing school. Mamaya kung mapaano pa si Gian doon." Pagsusungit ko rito.

Napanguso si Athena bago bumagsak ang magkabilang balikat nito, "Hindi naman sa tinitipid ko. Ang akin lang..." Napakamot ito sa batok. "Cairo, alam kong marami kang isipin at gastusin dito sa bahay. Marami kang binabayaran. Ayaw kong idagdag mo pa si Gian sa problema mo." ani niya at tumaas ang isa kong kilay.

"Anong problema? Kailan naging problema 'yang anak mo na 'yan sa akin?" Pagtataray ko sa kaniya.

Gumuhit ang maliit na ngiti sa labi ni Athena bago ako pabirong hinampas sa braso, "Alam kong mahal na mahal mo 'yang chikiting na 'yan. Pero Cairo..." hinawakan ako nito sa kamay.

"Thirty thousand 'yan. Kalahati lang ng school year, ha? May another thirty thousand pa sa susunod." Para siyang tuta na nagpapa-awa sa akin.

Napatawa ako nang pagak bago hinawakan ang kamay niya, "Oh, eh ano naman? Edi another thirty thousand." sagot ko at mas humaba ang nguso ni Athena.

Napabuntong-hininga ako bago sinapo ng dalawang kamay ko ang maliit na kamay ni Athena, "Para sa ikabubuti ni Gian, gagawin natin ang lahat." Malumanay kong turan.

Nginitian ko si Athena at makalipas ang ilang segundo na pagnguso nito ay gumuhit na rin ang isang maliit at pilit na ngiti sa labi niya.

"Ubos nanaman ang sweldo mo niyan." ani niya at napatawa ako. "Kailan ba may natira?" sagot ko bago siya tinalikuran para hugasan ang mga plato.

Maya-maya ay nagpaalam na si Athena sa anak at umalis na para pumasok sa trabaho. Pagkatapos kong maghugas ay natagpuan ko si Gian na naka-upo sa sofa na gawa sa kawayan sa sala at nanonood ng TV.

"Gian," tawag ko rito habang nagpupunas ng kamay.

Nilingon ako nito pero ang mga mata ay nakatutok pa rin sa TV, "Bakit po?" tanong nito.

Inilapag ko ang towel na pinagpunasan ko ng kamay bago siya nilapitan, "Aalis muna si Tito, ha? May pupuntahan lang. Babalik din naman ako before lunch. Okay ka lang na mag-isa rito?" tanong ko at agad itong tumango.

"Siyempre po, big boy na kaya ako." sagot nito na hindi manlang ako tinitingnan.

Napatawa ako nang bahagya bago ginulo ang buhok niya at umakyat na ng kwarto para maligo. Bago umalis ay muli kong binuklat ang sobre na laman ang isang buwan na sweldo ko.

Kwentado ko na 'to pambayad ng isa sa mga utang namin. Malapit na sanang matapos ang isang utang na iyon pero mukhang tatagal pa ulit ng ilang buwan dahil babawasan ko ng thirty thousand ang pambayad ko ngayon. Tutubo at tutubo ulit yun panigurado.

Kinuha ko na rin ang mga papeles ni Gian para sa school at nagdala lang ng isang maliit na tote bag.

Bago umalis ng bahay ay nagbilin ako kay Gian na huwag na huwag magpapapasok kahit sino. Kahit parcel o delivery pa iyan ay huwag munang pansinin. Pina-akyat ko na rin muna ito ng kwarto at ipinahiram sa kaniya ang laptop ko para doon manood. Silipin man ng kung sino ang bintana ng bahay ay walang makikita na tao sa loob.

Sa tuwing pupunta ako sa mga pinagkaka-utangan ko para magbayad ay para akong pupunta sa impyerno. Bukod sa paulit-ulit na sermon at pangmamaliit, may halo na rin itong mga pagbabanta na sa paglipas ng panahon ay nagamay ko na kung paano tatanggapin.

Para akong hinahatulan sa tuwing nagbabayad. Bago pa man ako makalabas ay pakiramdam ko'y naubos na ang buong pagkatao at dangal ko. Pero kinakaya ko naman. Kailangan kong kayanin. Kung hindi ay baka matagal nang nabatak sa amin ang bahay ng nanay ni Athena at matagal nang nagkalasug-lasog ang katawan ko.

Tanghali na nang makarating ako sa school ni Gian. Nagulat at nagtaka ang mga teachers niya nang malaman na ngayon palang mag e-enroll ang bata. Nang tanungin nila ako kung bakit ay gumawa nalang ako ng dahilan at nagpalusot.

Bago umuwi ay dumaan ako sa 7/11 para bumili ng donut na ni-request ni Gian. Sasakay pa sana ako ng tricycle pero trese pesos nalang ang laman ng wallet ko kaya kahit nasa kalahating oras pa ang lakad at mainit na sa balat ang sikat ng araw ay naglakad nalang ako pauwi.

Nagtaka ako nang madatnan ang TV na buhay sa sala pero wala si Gian na nanonood. Agad napakunot ang noo ko at dali-daling nagtanggal ng sapatos bago humaripas ng lakad papuntang kusina para tingnan kung andtio ba ito. Pero imbes na si Gian ang madatnan ay mga nagkalat na kutsara at breadknife ang nadatnan ko.

Nagsimula nang bumilis ang tibok ng puso ko. Pati CR at likod bahay ay napuntahan ko na pero wala rito si Gian.

Jusko...

"Gian!" sigaw ko habang tumatakbo pa-akyat ng kwarto. Una kong tiningnan ang kwarto nilang mag-ina pero wala siya rito.

"Gian, sa'n ka?!" Mas lumakas ang sigaw at ganun na rin ang tibok ng puso ko. Nagsisimula na akong kapusin ng hininga at parang nagsasara na ang lalamunan ko.

"Gian..." kumawala ng isang nanginginig na buntong-hininga sa labi ko nang madatnan ito sa kwarto ko, naka-upo sa kama at may hawak-hawak pang bulak.

Nang mag-angat ito ng tingin sa akin at magtagpo ang mga mata namin ay agad itong napanguso, "Tito... nasugatan ako nung breadknife." Pagsusumbong nito. May mga luhang namuo sa mata niya at mukhang papaiyak na ito anumang oras.

Bumagsak ang balikat ko bago naglakad papunta sa kaniya. Tiningnan ko ang ibabaw ng paa niya at nakitang may maliit itong sugat pero dumudugo.

"Sorry po, bumaba ako ng bahay. Gusto ko po kasi sa TV manood. Tapos nagutom ako kaya gusto ko sana magpalaman ng tinapay. Pero nabitawan ko yung breadknife." May ilang luha na ang umagos sa pisnge nito.

Muli akong napabuntong-hininga habang ginagamot ang sugat niya gamit ang bulak na hawak niya kanina, "Alam ko po na may first aid ka dito kaya dito na ako pumunta. Sorry po," Maliit na ang boses nito.

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nakita itong nakatungo habang may mga luhang pumapatak mula sa mata niya.

Muli akong bumuntong-hininga bago ibinaba ang bulak na hawak ko, "Gian," hinawakan ko ito sa baba para i-angat ang ulo niya.

"Hindi galit si Tito dahil... dahil hindi ka nag-stay sa kwarto o dahil nasugatan ka. Hindi galit si Tito, Gian." Malambing kong turan dito.

"Nag-aalala pa nga ako sa'yo kasi may sugat ka, eh." Marahan kong tinapik ang tuhod niya.

"Kapag... kapag may masamang nangyari, kasalanan mo man o hindi, 'wag kang matatakot sabihin kay Tito o kay Mama, okay? Hindi kami magagalit dahil mas importante ang kalagayan mo." Dagdag ko pa.

Ngumuso ito, pinahaba ang ibaba niyang labi bago itinapon ang sarili sa akin. Agad akong napagisi bago hinimas ang likod nito.

Mabuti nalang at ito lang ang nangyari. Noong hindi ko siya matagpuan kanina ay kung anu-ano na ang pumasok sa isip ko. Akala ko'y aatakihin nanaman ako ng sakit ko.

Nagluto na ako ng kakainin namin para sa tanghalian. Halos hindi pa kumain nang maayos si Gian dahil ang isip nito ay nasa donut agad na pasalubong ko.

Pagkahugas ko ng mga pinggan ay umakyat na kami ni Gian sa kwarto para matulog.

Nagising ako ng mga bandang alas quatro at naghanda ng simpleng miryenda. Maya-maya ay bumaba na rin si Gian at kumain na kami habang nanonood ng palabas sa TV.

Nang gumabi na ay nagluto na ako ng hapunan habang nanonood pa rin si Gian sa sala at hinihintay si Athena. Bago pa 'man ako matapos sa niluluto ko ay dumating na ito at may dala pang pasalubong galing sa trabaho niya.

"Taray, ha! Cheescake talaga?!" Biro ko nang ilagay nito sa ref ang dala-dala niyang cheesecake.

Napabungisngis si Athena, "Pa-expire na kasi 'yan bukas kaya mura nang ibinebenta." sagot niya at napangiwi ako.

"Sa tingin mo mauubos natin 'yang isang buong cheesecake na 'yan ng isang gabi?" tanong ko at bumungisngis ito bago umiling.

"Kami ni Gian, hindi, pero ikaw, oo." ani niya bago ako iniwan sa kusina.

Pagkatapos na pagkatapos namin kumain ng hapunan ay agad naming kinain ang cake na dala ni Athena. Sa hirap ng buhay, nagawa pa talaga naming tatlo na maging favorite ang cheesecake. Tama naman si Athena na hindi nila kayang mag-ina na umubos ng ganito, pero ako, oo.

Hindi na ako natulog at naghanda nalang para sa pagpasok. May shift ako sa Quezon City. Nang umalis ako ng bahay ay tulog na ang mag-ina kaya dahan-dahan akong bumaba ng hagdan para hindi maistorbo ang pagtulog nila.

Quarter to 11 PM nang dumating ako sa ospital. Agad akong dumiretso sa clinic para kunin ang mga reports ng pasyente ko. Pagsapit ng alas dos ng umaga ay may operasyon akong dinaluhan na inabot hanggang alas quatro ng umaga. Agad akong naligo at nagpalit ng scrubs at nang lumabas ako ng clinic ay alas singko na. Nag-review muna ako ng mga lab-results ng pasyente ko habang nag-aalmusal at nang mag alas syete ay tumanggap na ako ng mga outpatients.

Bandang alas diyes ay dumaan ako sa may nurse's station. Iiwan ko lang sana ang clipboard na ginamit ko nang tawagin ako ng isang senior nurse.

"Doc Cairo! Halika, dali! May mga bago akong paninda na sapatos dito!" Sinenyasan ako nito na pumasok ng counter.

Napabungisngis ako bago siya nilapitan, "Nagpasukan na ba pamangkin mo sa school? Baka wala pang sapatos na pangpasok, may mga bago akong paninda!" Tuwang-tuwa nitong alok sa akin.

Napahagikhik ako nang bahagya habang pinapanood siyang buksan ang eco bag na dala niya. May kinuha itong kahon ng Nike, "Ito, maganda 'to, bagay na bagay sa pamangkin mo, 700 nalang 'yan!" Alok sa akin nito.

Si Nurse talaga! Binubudol pa ako!

Pinagmasdan ko ang sapatos. Maganda naman ito, kulay itim, mukhang original pero alam kong fake ito. Sino ba naman ang magbebenda ng Nike na tig-700??

Binalak ko rin naman ibili si Gian ng sapatos, kahit hindi Nike pero kahit original manlang. Pero dahil gipit kami— lagi naman— ay hindi ko siya magawa-gawang bilhan ng original na sapatos.

Napanguso ako bago ibinalik kay Nurse ang sapatos, "Paborito kasi ni Gian yung kulay pula. May kulay pula ka? Size 6 na pambata?" tanong ko at gumuhit ang malaking ngiti sa labi ni Nurse bago muling hinalungkat ang malaking eco bag na dala niya.

Habang hinihintay siya ay pinagmasdan ko ang sapatos sa kamay ko.

One day, Gian. One day. Makukuha mo lahat ng gusto at deserve mong bagay. Ibibigay namin sa'yo ang lahat. Makaraos lang kami ng mama mo sa utang.

"Ito, ito, tingnan mo." Natauhan ako nang lumapit sa akin pabalik si Nurse at inilapag sa kamay ko ang pulang sapatos.

"Ganda 'no? Kunin mo na, Doc. Bagay na bagay 'yan kay Gian." ani niya na ikinangisi ko bago tumango.

Bahagya akong napangusol, "Pwede, utang?" Nanaman.

"Sa katapusan ko babayaran." Dagdag ko pa.

Napanguso si Nurse Anne bago tumango, "Siyempre naman, Doc Cairo, ikaw pa ba? Lakas-lakas mo sa'kin!" sagot niya na parehas namin ikinahagikhik.

Excited na excited akong umuwi. Kahit may apat na oras pa akong shift sa Binondo pagkatapos ng siyam na oras kong shift sa QC ay nagawa ko pa rin humaripas ng uwi.

"Oh? Gising ka pa?" Nagulat ako nang madatnan si Athena sa kusina.

"Mag a-alas dos na, ah." Dagdag ko pa habang binubuklat ang hapunan na itinara ng mag-ina sa akin.

Inilapag nito ang basong iniinuman, "Na ano... sumakit lang ulo ko bigla. Bumaba lang ako para uminom ng tubig." sagot niya at napakunot ang noo ko bago siya nilapitan at sinalat sa noo.

"Hindi ka naman nilalagnat." ani ko at napanguso ito bago iwinaksil ang kamay ko sa noo niya.

"Hindi nga. Sinabi ko ba na nilalagnat ako? Hindi diba? Sabi ko, sumakit lang ang ulo ko." ani niya bago ako tinalikuran para hugasan ang baso na ginamit.

Napanbuntong-hininga ako bago kumuha ng pinggan, "May binili nga pala akong sapatos para kay Gian." ani ko at natigilan ito.

Bumuntong-hininga siya bago inilagay sa planggana ang baso na hinugasan. Pumameywang ito, "Cairo—"

"Ano nanaman? Sasabihin mo na hindi ko kailangang gawin yun? Eh gusto ko nga, diba?" Putol ko sa kaniya.

Bakit ba ako nag sersermonan niya? Baka nakakalimutan niya na mas matanda ako sa kaniya ng isa't-kalahating buwan.

Napapikit ito nang mariin bago umiling, "Sige na nga. Pero tama na 'yan, ha? Nagpadala na yung ama ni Gian, may pambili na ako ng gamit ng batang yun." ani niya at gumuhit ang ngiti sa labi ko bago tumango.

"Ayan, mabuti naman at nagpadala na pala ang lalaking yun." singhal ko habang nagsadandok ng kanin.

Humalakhak si Athena bago umalis ng kusina. Pagpunta ko ng hapag ay nakita ko itong inuusisa na ang sapatos ng anak.

"Magugustuhan kaya ni Gian 'yan?" Nag-aalinlangan kong tanong nang maupo ako.

Nag-angat ito ng tingin sa akin, bumungisngis bago tumango, "Oo naman. Alam mo naman yung batang yun, napaka-grateful." ani niya na ikinaguhit ng ngiti sa labi ko.

Umakyat na si Athena dala-dala ang sapatos ng anak at iniwan ako sa baba na kumakain. Hindi na ako gaano nagtagal doon at hinugasan lang din ang mga pinagkainan ko pagkatapos at umakyat na rin sa kwarto.

Alas-otso na ako gumising, pagbaba ko ng sala ay nanonood na si Gian ng TV at may kinakain pa na biskwit. Nang marinig nito ang yabag ng paa ko ay agad ako nitong tiningala sa hagdan at lumiwanag ang mukha nito.

"Tito!!" sigaw nito bago tumalon pababa ng sofa.

Agad gumuhit ang ngiti sa labi ko bago bumaba ng hagdan. Tumakbo ito papalapit sa akin at agad akong sinalubong ng mahigpit na yakap.

"Thank you po sa sapatos! Ang ganda!" Tuwang-tuwa niyang sabi. Napabungisngis ako at hinawakan siya sa magkabilang pisnge para iharap sa akin.

"Nagustuhan mo?" tanong ko at agad namilog ang mga mata nito bago tumango.

"Siyempre po! Gustong-gusto!!" ani niya na ikinahagikhik namin parehas.

Mabilis lang akong kumain ng almusal. Agad din akong naligo at naghanda para sa pagpasok sa trabaho. Bago umalis ay muli akong nagbilin kay Gian na huwag magpapapasok kahit sino. Sinugurado ko rin na may pagkain ang bata at hindi magugutom at saka umalis.

Buong araw ay ginugol ko ang oras ko sa trabaho. Wala naman akong ibang dapat gawin sa ospital kundi ang magpaka-doktor lalo pa at wala naman akong ibang kaibigan dito maliban kay Grey. Pero dahil nasa magkaibang building kami ay madalang kaming magkita.

May pailan-ilan na nurse ang bumabati sa akin. May isa pa na inabutan ako ng banana bread na hindi ko alam kung saan nanggaling. Wala namang ibang sinabi ang nurse na nagbigay sa akin nito. Pero dahil medyo nagugutom na rin ako at nakapahinga ay kinain ko na ito.

Paminsan-minsan naman ay nakakasalubong ko si Grey sa ospital. Kapag tatawid ako ng kabilang building o di naman kaya ay kapag bibili ako ng pagkain sa labas ay nagkikita kami.

Kung ako itong laging mukhang haggard at stressed, si Grey naman itong parang bumbilya na lumiliwanag lalo na kapag nasisikatan ng araw.

Iba ang 'glow' niya ngayon lalo pa at kakakasal lang nila ni Code. Kung babae nga si Grey ay baka mapagkamalan na namin itong buntis at may 'pregnancy glow' sa sobrang aliwalas ng hitsura niya.

Weekend bago magpasukan si Gian ay namili ang mag-ina ng mga gagamitin nito sa school. Sakto naman ay day-off ko ngayon kaya naisipan ko na maglaba muna ng mga damit habang namimili ang mag-ina.

Dahil sa sobrang busy namin ni Athena sa trabaho at halos wala ng oras para mag-asikaso ng mga bagay-bagay dito sa bahay ay nakatambak na ang mga damit sa laundry basket. Gustohin ko rin man na ayusin o maglinis manlang ng bahay ay mas inuuna ako ang paglalaba lalo na ng mga uniform na isusuot ni Gian sa Lunes.

Nagsasampay na ako ng mga pang-ilalim namin na damit ni Athena nang makita ko ang hindi pamilyar na panyo.

"Kanino 'to?" Kunot-noo kong tanong habang hawak-hawak ang panyo at nakataas sa ere.

Inusisa ko pa ang panyo. Kulay dark blue ito, maganda ang tela at ibang-iba sa mga panyong binibili namin ni Athena na 130 ang isang dosena at puro checkered pa.

Inilapit ko iyon sa akin at tiningnan ang tag nito.

Hermes? Mamahalin yun diba? May ganitong bag dati si Grey.

Kahit naisampay ko na ang panyo ay hindi ko maalis-alis sa isip ko kung kanino iyon. Kahit nakapahinga na ako at nanonood na ng TV ay iniisip ko pa rin kung saan iyon galing.

Hapon na nang umuwi sila Athena. Marami itong dala-dala at mukhang tuwang-tuwa pa si Gian. Agad din nitong ipinakita sa akin ang mga pinamili mula sa bag hanggang sa mga kulay ng ballpen na binili na sa kaniya.

Ipinapakita sa akin ni Gian ang pencil case niya na maraming compartments nang biglang tumunog ang cellphone ko. Agad ko iyong dinampot at nakitang may drive na isinend sa akin si Grey.

Gumuhit ang malawak na ngiti sa labi ko nang mapagtanto na pictures ito noong kasal nila. Binuksan ko iyon at inisa-isa ang mga pictures. Malawak ang ngiti sa labi ko at paminsan-minsan ay humahalakhak pa.

Maluha-luha na ako sa kakatawa habang tinitingnan ang mga pictures nang sa sumunod na slide ay si Lukas ang nag-iisang tao sa picture. Agad akong natigilan. Itinikom ko ang bibig ko at mag sli-slide na sana sa isa pang picture nang may mapansin doon.

Natigilan ako. Inilapit ko sa mukha ko ang cellphone para mas makita ito nang malinaw. Hindi pa ako nasiyahan at nakumbinsi kaya lumabas ako ng bahay para tingnan ang panyo na nilabhan ko kanina.

Hawak sa isang kamay ang cellphone at sa kabila ang panyo ay nakumpirma kong kay Lukas iyon.

Ayos talaga, akala ko mababaon na ulit siya sa limot dahil sa dami kong isipin sa buhay. Makalipas ang mahigit isang linggo, nagparamdam nanaman sa akin nag multo ng lalaking yun.

----------

a/n: hellooo, I don't know if makakapag-update ako next weekend or sa mga susunod na weekend. exam season kasi namin this september huhuhuh 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen3h.Co